Pagsisisi, Isang Pagpapala sa mga Miyembro
Mga Footnote
Theme

Pagsisisi, Isang Pagpapala sa mga Miyembro

Ang pagsisisi … ay hindi malupit na alituntunin… . Ito ay makatao at maawain.

Mahal kong mga kapatid, buong pagpapakumbaba at karangalan ko ang matawag sa tungkuling ito. Sa mga dahilang malinaw sa inyo, hindi kailanman pumasok sa isip ko na matatawag ako sa tungkuling ito. Noong isang taon, nang sang-ayunan ako, nilinaw ni Pangulong Hinckley sa buong Simbahan na hindi siya ang dahilan kaya ako natawag. Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya na malamang ako lang ang General Authority sa kasaysayan ng Simbahan na sasang-ayunan ng mga miyembro sa kabila ng pagkakaila ng propeta!

Gayunman, nagpapasalamat ako sa inyong pagsang-ayon at iniaalay ko ang buong puso ko sa dakilang mithiing ito. Lubos akong nagpapasalamat sa aking pamilya, sa aking asawa at mga anak, at butihing mga magulang. Dalawang taon na ang nagdaan nang mamatay si Inay, dalawang araw lang matapos ang kumperensya sa buwan ng Abril. Maliit lang siyang babae, pero malaking tulong siya sa akin sa araw-araw. Mananatili sa akin ang impluwensya niya. Hindi ko siya maigagalang nang husto sa salita kundi sa paraan ng aking pamumuhay.

Hindi ko alam ang sasabihin tungkol kay Itay nang hindi siya mapapahiya, maliban sa mahal ko siya at sinusuportahan. Kahit masyadong personal, sasabihin ko na habang minamasdan ko ang kanyang pagtanda, naaalala ko noong maliliit pa kami, na humihiga siya sa sahig at nakikipagbuno at nakikipaglaro siya sa amin at binubuhat at niyayakap at kinikiliti kami, o itinatabi kami sa kama nila ni Inay kapag maysakit kami o natatakot sa gabi. Ang mga alaala niya ay laging puno ng tawanan at pagmamahal, ng katatagan, patotoo, walang-humpay na pagsisikap, ng pananampalataya at katapatan. Siya ay mabait at matalino, at napakapalad ko na hindi ko lang siya sinusuportahan bilang propeta sa panahong ito ng mortalidad kundi naaangkin ko rin siya bilang ama ngayon at sa buong kawalang-hanggan.

Ilang linggo na ang nakararaan, nag-isip-isip akong mabuti nang ipalahad kay Elder Douglas L. Callister ng Pitumpu ang maikling kasaysayan ng kanyang lolong si LeGrand Richards sa isang miting sa korum. Kasama ito sa ilang nakatutuwang bagay sa ulat niya: Noong batang bishop pa si Elder Richards, binisita niya ang mga di- gaanong aktibo. Buong lakas ng loob niya silang inanyayahang magsalita sa sakrament miting tungkol sa paksang “Ano ang kahulugan sa akin ng pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Ang nakakagulat, pumayag ang ilan sa kanila, at ang karanasang iyon ang ganap na nagpabalik sa kanila sa Simbahan.

Gusto kong talakayin ang tema ring iyon ngayong gabi. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo, bata o matanda, na maglaan ng maliit na notebook para sa temang ito. Isulat sa ibabaw ng unang pahina ang mga salitang “Ano ang kahulugan sa akin ng pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Pagkatapos ay ilista ang mga bagay na maiisip ninyo. Paglipas ng panahon, makakaisip pa kayo ng ibang mga ideya, na maidaragdag ninyo sa inyong listahan. Di magtatagal hahaba ang listahan ninyo na pupuspos sa inyo ng pasasalamat at pagpapahalaga sa pagiging miyembro ninyo sa Simbahan ng Panginoon. Baka nga mapagkunan pa ninyo ito ng mga mensahe kapag pinagsalita kayo sa hinaharap.

Mahaba na ang listahan ko, at pumili ako ng isang bagay lang mula rito para talakayin ngayong gabi. Dapat kong ilaan ang ibang paksa para sa ibang pagkakataon.

Tatalakayin ko nang maikli ang alituntunin ng pagsisisi. Nagpapasalamat ako sa pag-unawa natin sa dakilang alituntuning ito. Hindi ito malupit na alituntunin, tulad ng inisip ko noong bata pa ako. Ito ay makatao at maawain. Ang ibig lang sabihin ng salitang-ugat nito sa Hebreo ay “bumaling,”1 o bumalik, sa Diyos. Isinamo ni Jehova sa mga anak ni Israel: “Manumbalik … hindi ako titinging may galit sa inyo: sapagka’t ako’y maawain … hindi ako magiingat ng galit magpakailan man. Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios.”2

Kapag inamin natin ang ating mga kasalanan, ipinagtapat ito at tinalikuran, at bumaling sa Diyos, patatawarin Niya tayo.

Habang naglilingkod ako bilang mission president kamakailan, pinakiusapan ako ng dalawang elder namin na makipagkita sa isang investigator na bibinyagan kinabukasan. May ilang tanong siya na hindi nila masagot. Nagpunta kami sa bahay niya, at doon ko nakilala ang batang biyudang mahigit 20 anyos at may isang anak. Namatay sa aksidente ang kanyang asawa ilang taon pa lang ang nakararaan. Malalim ang mga tanong niya, at handa siyang makinig. Matapos sagutin ito, tinanong ko kung may iba pa siyang mga problema. Meron pa raw, at gusto niya akong makausap nang sarilinan. Pinalabas ko ang mga elder at pinaghintay sa damuhan kung saan kitang-kita nila kami sa malaking bintana. Pagkasara nila ng pintuan ay nagsimulang umiyak ang babae. Ikinuwento niya ang mga taon na nag-iisa siya, puno ng sama ng loob at kalungkutan. Sa panahong iyon may ilan siyang mabibigat na pagkakamali. Mas matalino na raw siya ngayon, pero wala siyang lakas na piliin ang tamang landas hanggang sa makilala niya ang mga misyonero. Noong mga linggong tinuruan siya, nagsumamo siya sa Panginoon na patawarin siya. Humingi siya ng katiyakan mula sa akin na sa pamamagitan ng kanyang pagsisisi at mga ordenansa ng binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo ay malilinis siya at magiging karapat-dapat na sumapi sa Simbahan. Tinuruan ko siya mula sa mga banal na kasulatan at pinatotohanan ang mga alituntunin ng pagsisisi at Pagbabayad-sala.

Kinabukasan dumalo kaming mag-asawa sa binyag nila ng musmos niyang anak na babae. Puno ang silid ng mga kaibigan mula sa kanyang ward, handa at sabik na suportahan siya bilang bagong miyembro ng Simbahan. Nang lisanin namin ang okasyong iyon, lubos akong nagpasalamat sa magandang alituntunin ng pagsisisi, at sa Pagbabayad-sala na nagbigay-daan dito, sa himala ng pagbabalik-loob, at sa dakilang Simbahang ito at sa mga miyembro nito, at sa ating mga misyonero.

Ano ang kahulugan sa akin ng pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Ito ang lahat-lahat sa akin. Ito’y nakaiimpluwensya, nagbibigay-sigla, tumatagos sa puso, at nagbibigay ng layunin at kahulugan sa lahat ng mahalaga sa buhay ko: ang kaugnayan ko sa aking Diyos Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Banal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Itinuturo nito sa akin na sa pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay matatagpuan ko ang kapayapaan at kaligayahan sa buhay at maaanyayahang manirahan sa piling ng Diyos, kasama ang aking pamilya, sa buhay na tiyak na kasunod ng buhay na ito, kung saan bibigyang-kasiyahan ng Kanyang awa ang katarungan, at maliligtas ako at ang mga mahal ko sa buhay, at kayo at ang inyong minamahal.3 Ito ang aking patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.