Pagbuhos ng mga Pagpapala
Mga Footnote
Theme

Pagbuhos ng mga Pagpapala

Lahat ng matatapat na miyembro ay pare-parehong pinagpapala sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

Sa Kirtland, nang ipanumbalik ang natitirang mga susi ng priesthood, sabi ng Panginoon: “Ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao.”1 Nagpapasalamat ako sa pagbubuhos ng mga pagpapalang dumating sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng priesthood ng Diyos. Sa kapangyarihan ng priesthood, nilikha ang mundong ito at lahat ng narito, kasama na tayo. Ang priesthood ay maingat na inihabi sa ating pagkatao noon pa man.2 Bilang mga anak ng Diyos, lahat tayo’y may kakaibang responsibilidad at tungkulin, at sa pamamagitan ng mga pagpapala ng priesthood, binigyan tayong lahat ng pantay na tungkulin, mga kaloob, at pagpapala.

Nitong nakaraang taglagas bininyagan at nakumpirma ang panganay naming apong babae sa Simbahan. Matapos niyang matanggap ang Espiritu Santo, binasbasan at pinangalanan ang bunso niyang kapatid na babae. Nang sumunod na buwan, isa pang bagong silang na apo ang pinangalanan at binasbasan. Mula noon, madalas ko nang maisip ang mga pribilehiyong tinatamasa ng mga batang iyon dahil naipanumbalik na ang priesthood ng Diyos.

Sana’y lumaki ang ating mga apo na nalalamang sila ay hindi at kailanman ay hindi naging tagamasid lang ng priesthood. Ang mga pagpapala ng priesthood na “makakamit kapwa ng kalalakihan at kababaihan”3 ay nasa kaibuturan at paligid ng kanilang buhay. Bawat isa sa kanila ay pinagpala ng mga sagradong ordenansa, at matatamasa ang mga pagpapala ng mga espirituwal na kaloob sa pamamagitan ng priesthood.

Lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan ng Panginoon ay pare-parehong pinagpapala sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood. Karaniwang nagaganap ang unang ordenansa4 sa buhay ng isang bata kapag siya ay sanggol pa lamang at pinangalanan at binasbasan. Pagsapit sa edad ng pananagutan, binibinyagan ang mga bata. Walang hiwalay na binyag para sa mga lalaki’t babae. Gayon ding ordenansa ng binyag ang isinasagawa sa isang batang babae at lalaki, na binibinyagan sa iisang bautismuhan. Nang nakumpirma at tumanggap ng Espiritu Santo ang mga batang iyon, iisang kapangyarihan ang ipinagkakaloob sa kanila. Karapat-dapat sila sa tulong ng banal na kapangyarihang iyon dahil sa kanilang pananalig at hindi sa ibang paraan.

Bilang mga miyembro ng Simbahan, pantay-pantay tayo sa Panginoon kapag nakikibahagi tayo ng sakrament. Sa pananampalataya natin kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala na pinapangyari sa ordenansang iyon, lahat tayo’y makapagsisisi at bubuti.

Pare-pareho tayong nararapat sa basbas ng priesthood kapag nagkasakit tayo o nangailangan ng dagdag na suporta ng Panginoon. Ang dalagitang gustong magkaroon ng patriarchal blessing ay karapat-dapat ding malaman ang kanyang angkan at potensyal katulad ng binatilyong kaedad niya. Ang mga pagpapalang dumarating sa bawat isa sa kanila sa pamamagitan ni Abraham ay mabisa at mahalaga.

Tinuturuan natin ang lahat ng kabataan na paghandaan ang pagpunta sa templo upang sila’y “tumanggap ng mga pagpapala ng mga ama upang maging karapat-dapat sila sa mga pinakadakilang pagpapala ng priesthood.”5 Nang matanggap ng isa sa mga pamangkin kong babae ang kanyang endowment sa templo ilang buwan pa lang ang nakararaan, tuwang-tuwa niyang sinabi: “Tagumpay ako! Sa buong buhay ko’y tinuruan akong maghanda para sa templo, at nagawa ko!”

Bawat lalaki’t babaeng handang maglingkod sa Panginoon at karapat-dapat sa rekomend sa templo ay gumagawa ng mga tipan ng pagsunod at sakripisyo. Bawat isa ay pinagkalooban “ng kapangyarihan mula sa itaas.”6

Bawat elder at sister na tinawag sa misyon ay itinatalagang gawin ang gawain ng Panginoon, at bawat isa ay may awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo.

Ang lalaki’t babaeng pumapasok sa lubos na pagsasama sa tipan ng kasal sa templo ay magkahati sa mga pagpapala ng tipang iyon kung sila ay tapat.7 Sabi ng Panginoon ang tipan nila ay magkakabisa sa kabilang buhay, at magkasama silang pinangakuan ng kapangyarihan at kadakilaan.8

Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Kapag sinusunod ng ating mga anak ang Panginoon at nagpupunta sa templo upang tumanggap ng kanilang mga pagpapala at pumasok sa tipan ng kasal, pumapasok sila sa gayunding orden ng priesthood na itinatag ng Diyos kay amang Adan sa simula pa lamang.”9

Nakita ko ang kapangyarihan ng mga pagpapala ng priesthood nang bisitahin ko ang isang pamilya na ang bata pang ama ay naghihingalo. Nakapaligid sa kanya ang kanyang asawa’t magagandang anak. Sa bawat dingding ng silid na iyon ay may larawan ng pamilya o templo. Pinatotohanan ng ina ang kanilang mga pagpapala nang sabihin nitong: “Pinalalakas at pinoprotektahan kami ng aming mga tipan. Makakapagtiis ang aming pamilya magpakailanman. Nakamasid sa amin ang Panginoon, at hindi kami nag-iisa.” Lahat ng matatapat na miyembro ay pare-parehong pinagpapala sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

Dahil naipanumbalik ang priesthood, nakikibahagi rin tayo sa mga pagpapala ng mga espirituwal na kaloob. Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga kaloob na ito para tayo makinabang10 at magkatulungan.11

Sabi ni Moroni, “maraming iba’t ibang paraan na ang mga kaloob na ito ay pinamamahalaan; ngunit ng yaon ding Diyos na siyang gumagawa ng lahat-lahat; at yaon ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu ng Diyos sa tao, sa kapakinabangan nila.

“Sapagkat masdan, sa isa ay ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, na kanyang maituro ang salita ng karunungan;

“At sa iba, na kanyang maituro ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon;

“At sa isa, napakalaking pananampalataya; at sa iba, ang mga kaloob na pagpapagaling sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon.”12

Nang subukan kong matuto ng Espanyol at tandaan ang Portuges (na natutuhan ko noong bata pa ako), nagdarasal ako at nadarama ang tulong ng Panginoon kapag nagsasalita ako sa mga wikang iyon. Narinig ko ang malalakas na patotoo ng ibang mga lider at misyonero ng Simbahan sa mga wikang halos hindi nila pinag-aralan. May kilala akong mga taong nabigyan ng espirituwal na kaloob na manalig. Kapag naririnig nila ang ebanghelyo, dama nilang totoo ito. May kilala pa akong iba na napagkalooban ng karunungan o kakayahang gamitin ang kaalaman sa mga matwid na paraan. Ang ilan ay may kakayahang maghimala, ang ilan ay nakapagpapagaling, at ang iba’y mahusay umunawa.13

Noong bata pa ako, madalas akong magkasakit nang malubha. Ang tatay ko ay laging handa at karapat-dapat gumamit ng taglay niyang kapangyarihan ng priesthood para basbasan ako. Pero nadama ko ring may mga espesyal na kaloob ang nanay ko na nakatulong sa paggaling ko. Talagang mahusay siyang mag-asikaso sa mga kailangan ko at tinutulungan akong gumaling. Ginhawa sa akin ang malaking pananampalataya niya na ituturo sa kanya ng Panginoon ang makakagamot sa akin. Mapalad ako at may mga magulang ako na mapagmahal na ginamit ang mga espirituwal nilang kaloob.

Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na “pribilehiyo ng bawat lalaki’t babae sa kahariang ito na tamasahin ang diwa ng propesiya, na siyang Espiritu ng Diyos; at sa mga nananalig inihahayag nito ang mga kailangan para sila guminhawa at maaliw, at gabayan sila sa kanilang pang- araw-araw na tungkulin.”14

Dahil sa mga pagpapala ng priesthood lahat ng taong itinalagang maglingkod sa anumang katungkulan sa Simbahan ng Panginoon ay tatanggap ng “awtoridad, responsibilidad, at pagpapalang ukol sa katungkulan.”15

Darating sa atin ang marami at iba’t ibang mga espirituwal na kaloob kung hahanapin natin ito at gagamitin nang wasto. Nakakamtan natin ito dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na nasa kaibuturan at paligid ng ating buhay.16

Sa mga pagpapala ng priesthood, ipinapakita sa atin ng Panginoon na Siya ay “walang kinikilingang mga tao.”17 Sa aking mga paglalakbay, karaniwa’y nabibisita ko ang mga miyembro sa kanilang tahanan. Ilan sa mga bahay na ito ay dampa lamang. Noong una’y sinasabi ko sa sarili ko: “Bakit ako pinalad magkabahay na may kuryente at tubig samantalang ang pamilyang ito’y ni walang tubig na malapit sa bahay nila? Mas mahal ba ako ng Panginoon kaysa kanila?”

Tapos isang araw nakatabi ko sa templo ang isang sister na nakatira sa ganoong bahay. Dalawang oras kaming magkatabi. Madalas kong tingnan ang magaganda niyang mata at nakita ko roon ang pag-ibig ng Panginoon. Pagkatapos ng gawain namin sa templo, nagkaroon ako ng matinding kaalaman. Sa lahat ng walang hanggang pagpapala, at pinakamahahalagang pribilehiyo at oportunidad, tayo ay pantay-pantay. Ako’y “nabinyagan tungo sa pagsisisi,”18 at gayundin siya. May espirituwal akong mga kaloob, at gayundin siya. May oportunidad akong magsisi, at gayundin siya. Natanggap ko na ang Espiritu Santo, at gayundin siya. Natanggap ko na ang mga ordenansa sa templo, at gayundin siya. Kung sabay kaming pumanaw sa mundong ito sa sandaling iyon, pantay sana kaming haharap sa Panginoon sa aming mga pagpapala at potensyal.

Mga pagpapala ng priesthood ang dakilang tagapantay. Pare-pareho ang mga pagpapalang iyon sa lalaki’t babae, bata’t matanda; pare-pareho iyon sa may-asawa at wala, mayaman at mahirap, matalino at mangmang, bantog at karaniwan.

Nagpapasalamat ako na sa walang hanggang katarungan at pag-ibig ng Diyos, lahat ng lalaki’t babae ay nabigyan ng pantay na pakikipagtuwang, kaloob, pagpapala, at potensyal sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood at espirituwal na kaloob. Dahil sa priesthood, na nasa kaibuturan at paligid ng ating buhay, bawat kapangyarihan at tipang kailangan natin upang magawa ang ating gawain sa buhay at makabalik sa ating tahanan sa langit ay naibuhos na sa ating ulunan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.