Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Aking Service Mission: Pagiging mga Kamay ng Panginoon
Pebrero 2025


Digital Lamang: Mga Service Mission

Ang Aking Service Mission: Pagiging mga Kamay ng Panginoon

Binigyan ako ng mission president ko ng pagkakataong hindi ko matanggihan: ang opsiyon na maglingkod sa service mission.

Buong buhay ko sinabihan ako na dapat magmisyon ang mga kabataang lalaki na may kakayahan. Gayunpaman, sa paglipas ng oras, alam ko na ang pakikipag-usap sa iba sa maghapon sa araw-araw sa loob ng dalawang taon ay talagang magiging mahirap para sa akin.

Paglilingkod nang may Ngiti

Noong 18 anyos ako, sinabi sa akin ng bishop ko na ang pagmimisyon ang isa sa mga pinakamahirap na magagawa ko, pero isa rin sa pinakamagagandang bagay na mararanasan ko. Matapos ang matamang pag-iisip at panalangin, nagpasiya akong gawin ito.

Naatasan akong maglingkod sa California, USA. Nang naroon na ako, sa kabila ng lahat ng aking pagsisikap, halos wala akong masabing kahit isang salita sa anumang lesson. Sinabihan ako ng mission president ko na magsimula sa pagngiti sa iba. Tila napakasimple nito, gayunman ito ay isang bagay na hindi ko pa ginagawa. Nang magsimula akong magsikap, masarap ngumiti at anyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng pagiging masaya.

Isang Pagkakataong Hindi Ko Kayang Tanggihan

Pagkaraan ng anim na buwan, nahihirapan pa rin ako. Nais kong gawin ang gawain ng Panginoon, pero tila imposible sa akin ang makipag-usap sa iba maghapon.

Matapos makipag-usap sa aking mga lider, nagpasiya kaming wala ako sa pinakamainam na lugar na para sa akin. Pagkatapos ay inalok ako ng mission president ko ng pagkakataong hindi ko matanggihan: ang opsiyon na maglingkod sa service mission. Hindi ko pinalampas ang isang segundo, agad akong pumayag.

Sa kabila ng hindi ko alam ang lahat ng mangyayari sa akin, alam ko na makakapaglingkod pa rin ako sa aking Diyos.

Paglilingkod na Tulad ng Gagawin ng Tagapagligtas

Ngayon, billang service missionary, tinutulungan ko pa rin ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may magiliw na kabaitan na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Naglilingkod ako sa isang humanitarian center, sa bishop’s storehouse, sa templo, at tumutulong pa ako sa pagtuturo sa marching band sa isang high school.

Kapag nagtuturo ka ng ebanghelyo, ibinabahagi mo ang mga salita ng Panginoon, at kapag naglilingkod ka sa iba, ikaw ang mga kamay ng Panginoon. Alinman sa dalawang ito, inaanyayahan mo pa rin ang iba na lumapit kay Cristo at mag-minister sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.