Saan Ka Makasusumpong ng Lakas na Harapin ang Pagbabago?
Ailia C., edad 16, kasalukuyang naninirahan sa Nicosia, Cyprus
Mahilig magbasa, magsulat, at maglaro ng softball.
Sinasadya kong umiwas sa pagbabago. Gusto kong planuhin ang mga bagay-bagay. Pero dahil sa trabaho ng tatay ko, madalas lumipat ng tirahan ang pamilya namin. Sa ganitong estilo ng pamumuhay, hindi mo alam kung ano ang mangyayari.
Halimbawa, nang paalis na kami ng Zimbabwe, ang plano ay pupunta ang tatay ko sa Afghanistan nang isang taon. Ang iba pang mga miyembro ng aming pamilya ay makikitira sa mga magulang ng nanay ko. Gayunman, bago umalis ang tatay ko, nalaman namin na pansamatalang hindi sila magpapadala ng sinuman sa Afghanistan. Ibig sabihin, hindi lilipat ng tirahan ang pamilya namin. Kahit masaya ako na kasama ko ang tatay ko, talagang mahirap ang biglaang pagbabagong ito para sa aming lahat.
Nagalit ako, at sa kasamaang-palad ay galit na sinisi ko ang Ama sa Langit. Naaalala ko pa na nagdasal ako isang gabi na halos isigaw ko kung bakit ako nagagalit. Pero sa kabila ng galit ko, tinulungan Niya akong magpakumbaba kalaunan at makadama ng kapayapaan. Parang sinasabi Niya noon, “Anuman ang mangyari, maaaring mabuti ang kalabasan niyon. Magtiwala ka lang sa akin. Alam kong mahirap iyan ngayon, pero magiging maayos ang lahat sa huli.” Nagawa kong huminahon at mag-isip tungkol sa mga bagay-bagay. Kinailangan kong matutong magtiwala sa Ama sa Langit at maging OK sa mga bagay na hindi naaayon sa plano ko, dahil palaging mas mabuti ang Kanyang plano.
Ang mga karanasan ko sa napakadalas na paglipat ng tirahan ay naglapit sa akin sa aking Tagapagligtas dahil Siya ang tanging naaasahan ko palagi. Dumarating at umaalis ang mga kaibigan. Ang mga lugar ay paiba-iba. Pero laging nariyan ang Tagapagligtas, at lagi Siyang handang tumulong sa anumang nararanasan ko.