Kasama Ka sa Team!
Mayroon kang isang bagay na kahanga-hanga na maiaambag sa gawain ng Diyos.
Hindi ako magaling sa basketball. Pero sa kung anong dahilan, niyaya pa rin akong maglaro ng mga kaibigan ko. Sa isang game, inisip ko na sana ay hindi ipasa sa akin ang bola. Pero, ipinasa iyon sa akin, at nagpasiya akong mag-shoot. Habang lumilipad ang bola papunta sa basket, sigurado ako na hindi ito papasok. Tumama ang bola sa backboard at pagkatapos ay nahulog sa hoop.
Pumasok ang bola!
Nagbunyi ang mga kaibigan ko habang nakatayo ako at hindi makapaniwala. Wala na akong iba pang naiambag sa game na iyon, pero masarap sa pakiramdam ang maging bahagi ng isang team at makilahok sa sarili kong maliit na paraan.
Mas mahalaga at pangmatagalan kaysa maging bahagi ng isang basketball team, isang music o theater group, isang team sa trabaho, o anumang iba pang klase ng team ang maging bahagi ng team ng Diyos at makilahok sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
Iniisip mo ba kung marami kang magagawa sa gawain ng Diyos? Kung gayon, narito ang ilang bagay na makakatulong na dapat tandaan.
Ikaw ay Kailangan
Magagawa ng Diyos ang sarili Niyang gawain (tingnan sa 2 Nephi 27:20–21), pero may oportunidad tayong makilahok sa Kanyang gawain na kasama Niya. Kasama ka riyan!
Kung sakaling makaramdam ka ng kakulangan, tandaan na ayaw ng Diyos na nasa isang tabi ka lang. Kailangan ka Niya na lubos na maging tapat bilang miyembro ng Kanyang team at masayang makilahok sa Kanyang gawain.
Sabi nga ng Panginoon, “O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. …
“Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:2–3).
Kung nanaisin mo ito, kukunin ng Diyos ang iyong natatanging mga talento at kakayahan at gagamitin ang mga iyon sa kamangha-manghang mga paraan. Maaaring hindi mo ito nakikita ngayon, pero maraming bagay na kailangan ng Diyos na gawin mo para makatulong sa pagsusulong ng Kanyang dakilang gawain.
Alalahanin ang Dalawang Dakilang Kautusan
Hindi sapat na paglingkuran ang Diyos nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Kailangan din nating mahalin Siya sa lahat ng mayroon tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:5). Itinuro ng Tagapagligtas na ang pinakadakila sa lahat ng kautusan ay:
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo” at “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).
Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nagpapatibay sa ating mga hangarin at kakayahang paglingkuran Siya. Dinaragdagan din nito ang kakayahan nating mahalin at paglingkuran ang iba. Kung madarama ng mga nasa paligid mo na tunay mo silang minamahal at pinagmamalasakitan, makakahanap ka ng mga oportunidad na pagpalain at tulungan sila na madama ang pagmamahal ng Diyos.
Mag-aral—Pagkatapos ay Magsalita!
Bago inorganisa ang Simbahan, ipinahayag ng kuya ni Propetang Joseph Smith na si Hyrum ang kanyang hangaring maglingkod. Tinanong niya si Joseph kung ano ang magagawa niya para makatulong sa gawain ng Diyos. Nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag para kay Hyrum. Sabi ng Panginoon:
“Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 11:21).
Magandang aral at huwaran ito para sa ating lahat. Una, pag-aralan ang salita ng Diyos, ugaliin ito, at pagkatapos ay maaari ka nang magsalita at magbahagi nito. Hindi mo aakalain kung anong kabutihan ang darating kapag nagsalita ka. Makakatulong kang maghatid ng liwanag at katotohanan ng Diyos sa mga “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 123:12).
Magkaroon ng Walang-Hanggang Pananaw
Ang gawain ng Diyos ay para sa lahat ng Kanyang mga anak. Isinasagawa ang isang mahalagang bahagi ng gawaing iyan sa mga templo sa buong mundo, maging para sa mga taong nabuhay at “nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyo … , na … tatanggapin ito” (Doktrina at mga Tipan 137:7).
Maaari mong isipin kung talagang nakakagawa ng kaibhan ang ginagawa mo ngayon, pero matutulungan mo ang mga nasa kabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga binyag para sa kanila sa templo. Ang pagdalo at pagsamba sa templo sa buong buhay mo ay tutulong sa iyo na magpanatili ng walang-hanggang pananaw—na mag-isip nang selestiyal—at maghatid ng kagalakan at espirituwal na kapangyarihan sa iyo at sa iba pa sa buhay na ito at sa buhay na darating.
Sa walang-hanggang pananaw na ito, makikita mo na kasama ka sa team—ang panalong team ng Diyos—at may mahalagang bahagi kang gagampanan dito. Napakarami mong magagawa para makatulong sa mahalagang gawaing ito ng kaligtasan at kadakilaan.
Sumali at tingnan kung ano ang magagawa ng Diyos sa pamamagitan mo.