Para sa Lakas ng mga Kabataan
Huwag Matakot na Gumawa ng Mabuti
Pebrero 2025


Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 6

Huwag Matakot na Gumawa ng Mabuti

Maaaring baluktutin ng mga tinig ng mundo ang katotohanan, ngunit maaasahan natin ang Panginoon para sa tiwala na kailangan natin para maibahagi ang Kanyang kabutihan.

bulaklak

Kunwari ay may hawak kang larawan ng isang kaibig-ibig at makulay na bulaklak. Ipinapakita mo ito sa kaibigan mo dahil sa tingin mo ay masisiyahan sila sa kagandahan nito.

Gayunman, nakakagulat na sumimangot ang kaibigan mo at nagsabing, “Hindi iyan retrato ng totoong bulaklak! Nangangarap ka lang.” Pinunit nila ito at itinapon ang mga piraso sa hangin habang galit silang lumabas.

Natural na masaktan ka. Nagpasiya ka na hindi na muling ipakikita ang mga paborito mong retrato kahit kanino. Ayaw mo ng isa pang ganyang reaksyon.

Parang katawa-tawa, ‘di ba? Bakit dapat maging hadlang ang isang masamang karanasan para subukan mong muli?

Maraming tinig sa mundo na magsasabi sa iyo na ang isang bagay na mabuti at totoo ay mali o masama. Dahil diyan, kung minsan ay nag-aatubili, kinakabahan, o nag-aalala tayong gumawa ng mabuti sa pagbabahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo, kahit na may hangarin tayo. Iniisip natin, “Paano kung tanggihan nila ako?” o “Ayokong makialam.” Kinukumbinsi natin ang ating sarili na mas natutulungan natin ang isang tao sa hindi pagbabahagi ng kabutihan.

Pero ang totoo ay palaging magiging mabuti ang kabutihan. Kahit na pinunit ng kaibigan mo ang iyong retrato at sinabing hindi tunay ang bulaklak, hindi nagbabago ang katotohanan na iyon ay retrato ng isang magandang bulaklak. Maaari mo pa ring ipaalala sa sarili mo na alam mo ang katotohanan.

Alam ng Panginoon ang Ating mga Pangamba

Kahit maaaring magalit o masaktan ang isang tao kapag nagbabahagi ka ng mga katotohanan ng ebanghelyo, hindi nito binabago ang katotohanan na ang ibinahagi mo ay totoo o mabuti. Sa kabila nito, ang pagkabalisa sa lipunan, pagkabalisa sa pangkalahatan, o iba pang mga hamon sa kalusugan ng isipan ay maaaring gawing mahirap na makaramdam ng tiwala sa pagsasalita at paggawa ng mabuti. At kahit hindi gayon ang iyong mga pakikibaka, maaaring mahirap mapaglabanan ang mga pangamba tungkol sa paghatol o kahihiyan.

Noong naipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo, isa sa mga unang iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ay ipalaganap ang salita—magpadala ng mga missionary. Dahil maraming simbahan ang nagsasabing nasa kanila ang katotohanan, ang mga miyembro ng bagong ipinanumbalik na Simbahan ay tumanggap ng maraming hindi-patas at puno ng kapootan na paghatol dahil sa iba’t ibang paniniwala.

Alam ng Panginoon kung anong uri ng mga takot ang nadama ng Kanyang mga bagong tawag na missionary (lalo na’t sila mismo ay mga bagong convert o binyag!). Inalo Niya sila, sinasabing, “Kung kanilang tatanggihan ang aking mga salita, at ang bahaging ito ng aking ebanghelyo at ministeryo, pinagpala kayo, dahil, wala silang magagawa sa inyo na higit pa sa ginawa nila sa akin” (Doktrina at mga Tipan 6:29).

Kung gayon, ano ang ibig sabihin niyon?

Ang Ipinapangako Niya sa Atin

“Wala silang magagawa sa inyo na higit pa sa ginawa nila sa akin.” Si Jesucristo ay malakas. Siya ay mas makapangyarihan kaysa kay Satanas, ang kaaway. Bagama’t kailangan ang pagdurusa sa lahat ng sakit ng mundo para matupad ang Pagbabayad-sala, napagtagumpayan pa rin Niya ang lahat ng ito. Sa kabila ng sakit na maidudulot sa atin ng mga opinyon, salita, at kilos ng iba, matutulungan Niya tayong mapagtagumpayan din ang mga iyan.

“Pinagpala kayo.” Anuman ang sabihin ng iba kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo o “gumawa ng mabuti,” nangako ang Panginoon na pagpapalain tayo. At ang mga pagpapalang iniaalok Niya ay higit na mahalaga kaysa sa mga opinyon ng iba.

Kaya, sa kabuuan, nangako ang Panginoon na kapag nagbabahagi tayo ng kabutihan, pagpapalain tayo, at hindi natin kailangang mag-alala sa maaaring gawin o sabihin ng iba, dahil nasa panig natin ang Diyos!

Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith (at sa atin), “Huwag matakot na gumawa ng mabuti … ; … kung kayo ay naghahasik ng mabuti kayo rin ay aani ng mabuti bilang inyong gantimpala” (Doktrina at mga Tipan 6:33). Sa madaling salita, kung ipapalabas natin ang kabutihan sa mundo—sa pagbabahagi man ng ebanghelyo, paglilingkod, o pagsisikap lamang na maging lalong katulad ni Cristo—madarama at matatanggap natin ang higit na kabutihan sa ating buhay. Ang kailangan lang nating gawin ay magpokus kay Jesucristo at umasa sa Kanya para sa lakas. “Kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig” (Doktrina at mga Tipan 6:34).