Limang Mensahe para sa Lahat ng Anak ng Diyos
Kung hangad ninyo ito, gagabayan kayo ng Diyos kapag minamahal ninyo Siya nang buong puso at sinisikap ninyong pagpalain ang iba.
Bawat isa sa atin ay naiiba at nahubog ng mga natatanging karanasan. Mayroon din tayong isang napakahalagang katangian na karaniwan sa lahat—lahat tayo ay mga anak ng Diyos.
Bagama’t maaaring magkakaiba ang ating kalagayan, may ilang mensahe na kailangang marinig ng lahat ng anak ng Diyos. Gusto kong ibahagi sa inyo ang lima sa mga mensaheng ito—mga mensahe na inaasahan kong madarama ninyo na para sa inyong indibiduwal na kalagayan at sitwasyon sa buhay, na ibinigay sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, para lamang sa inyo.
1. Lumapit sa Liwanag
Hindi kailanman nagbabago ang ikot ng araw. Ito ay nananatili sa kinalalagyan nito, matatag sa kalangitan, nagbibigay ng init at liwanag sa lupa.
Gayundin, ang Diyos ay nasa Kanyang kalangitan. Hindi Niya kailanman binabago o iniiba ang Kanyang landas, pero binabago natin ito.
Kailangan nating lahat ang liwanag ng Diyos sa ating buhay, subalit lahat tayo ay may mga sandali na pakiramdam natin ay nasa kadiliman tayo. Kapag dumating ang mga panahong iyon, mapanatag na ang Diyos, tulad ng araw, ay palaging nariyan. Kapag ibinaling ninyo ang inyong puso sa Kanya, yayakapin Niya kayo at pupuspusin ng liwanag, init, kaalaman, at patnubay ang inyong kaluluwa. Nariyan Siya palagi.
2. Mas Mabuti Kayo Kaysa Inaakala Ninyo
Palaging ginagamit ng Panginoon ang maliliit at mahihinang bagay ng mundo para isakatuparan ang Kanyang maluluwalhating layunin. Madalas Niyang isinasakatuparan ang pinakamarami sa mga taong nakadarama na sila ang may pinaka-kaunting naisakatuparan.
Marahil, mas mababa ang tingin ninyo sa inyong sarili. Hindi karapat-dapat. Walang talento. Hindi espesyal. Hindi nagtataglay ng puso, isipan, kabuhayan, karisma, o pangangatawan para magkaroon ng malaking silbi sa Diyos.
Hindi ka kamo perpekto? Hindi sapat ang kabutihan mo? Pareho tayo! Maaaring ikaw mismo ang taong hinahanap ng Diyos.
Sapagkat “ang imposible sa tao ay posible sa Diyos.”
Kukunin Niya ang iyong mga talento at kakayahan at pararamihin ang mga iyon—kahit tila kakaunti ang mga iyon na katulad ng ilang tinapay at isda. Kung magtitiwala kayo sa Kanya at magiging tapat, palalakihin Niya ang epekto ng inyong mga salita at kilos at gagamitin ang mga ito para pagpalain at paglingkuran ang maraming tao!
Hindi kailangan ng Diyos ng mga taong perpekto. Hinahanap Niya ang mga taong mag-aalay ng kanilang “puso at may pagkukusang isipan,” at gagawin Niya sila na “ganap kay Cristo.”
3. Matutong Mahalin ang Diyos at ang Inyong Kapwa
Nang tanungin ng isang Fariseo si Jesus kung alin ang pinakadakila sa mga kautusan, nilinaw nang lubusan ng Tagapagligtas ang dapat nating unahin bilang mga indibiduwal at bilang isang Simbahan:
Kapag nakaharap natin ang Tagapagligtas sa hukumang-luklukan, mananagot tayo sa kung paano natin ipinamuhay ang dalawang dakilang kautusan.
Talaga bang hinanap natin ang Diyos? Minahal ba natin Siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?
Minahal ba natin ang ating mga pamilya, kaibigan, at kapwa? Paano natin ipinakita ang pagmamahal na iyon?
Kailangan nating palaging tandaan na ang “buong kautusan at ang mga propeta” ay nakaturo sa dalawang dakilang kautusan.
Ito ang sentro ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang saligan ng kung sino tayo bilang Kanyang mga tagasunod.
4. Ang Alitan ay Hindi Maiiwasan at ang Pakikipagtalo ay Isang Pagpili
Kung minsan ay maiisip ninyo na napakasaya sana ng buhay kung hindi lang dahil sa napakaraming oposisyon, pero ang alitan ay hindi maiiwasan. Ito ay isang kalagayan ng mortalidad at bahagi ng ating pagsubok. Gayunman, ang pakikipagtalo ay isang pagpili. Ito ay isang paraan na pinipili ng ilang tao na tumugon sa alitan.
Labis ang pagtatalo sa ating mundo. Mayroon tayong 24/7 na access dito: sa balita, sa social media, at, paminsan-minsan, kahit sa mga mahal natin sa buhay.
Hindi natin mababago ang tindi ng kapaitan, poot, o galit ng iba. Gayunman, maaari nating piliin ang ating tugon. Maaari tayong pumili ng mas mabuting paraan—ang paraan ng Panginoon! Mangyari pa madaling sabihin iyan pero mahirap gawin.
Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, tinutularan natin ang Kanyang halimbawa. Hindi natin hinihiya o inaatake ang iba. Hangad nating mahalin ang Diyos at paglingkuran ang ating kapwa. Hangad nating masayang sundin ang mga kautusan ng Diyos at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. At inaanyayahan natin ang iba na gayon din ang gawin.
Hindi natin mapipilit ang sinuman na magbago. Ngunit maaari natin silang mahalin. Maaari tayong maging halimbawa ng diwa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari nating anyayahan ang lahat na pumarito at mapabilang. At ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagkatutong mahalin ang Diyos at pagtulong na mapagpala ang iba.
The Way [Ang Daan], ni Jeanette Borup
5. Ang ating Ama sa Langit ay Isang Diyos ng mga Bagong Simulain
Hangga’t nabubuhay tayong mga mortal sa kahanga-hanga at magandang planetang ito, makakagawa tayo ng mga pagkakamali.
Hindi na ito ikinagugulat ng Diyos.
Isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para mamuhay ng isang sakdal na buhay at gumawa ng isang dakila at walang-hanggang sakripisyo na naglilinis sa atin mula sa kasalanan at nagbubukas ng pintuan tungo sa kabanalan, kapayapaan, at kaluwalhatian sa buong kawalang-hanggan kapag tayo ay nagsisisi, nagbabago, at nananampalataya sa Kanya.
Ang ating Ama sa Langit ang Diyos ng mga bagong simula. Tulad ng pagsikat ng araw na naghuhudyat ng simula ng isang bagong araw, tuwing nagsisisi kayo, nagsisimula kayong muli sa inyong landas ng pagkadisipulo. Maaari kayong magsimulang muli. Paulit-ulit, araw-araw, maaari kayong magsimulang muli.
Anuman ang mga pagkukulang ninyo, anuman ang mga kapintasan ninyo, maaari kayong paghilumin, bigyang-inspirasyon, at linisin ng Diyos. Sapagkat Siya ang Diyos ng mga bagong simulain.
Mahal kong kaibigan, dalangin ko na makasumpong ka ng pag-asa, lakas, at kagalakan sa iyong paglalakbay sa buhay, na mahanap mo ang Diyos at mahalin Siya nang iyong buong puso, at sikapin mong pagpalain ang buhay ng iba.