Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Tulong ng Diyos sa Pagmamahal sa Aking Kuya
Pebrero 2025


Mga Tinig ng mga Kabataan

Ang Tulong ng Diyos sa Pagmamahal sa Aking Kuya

Jesse S., edad 16, Minnesota, USA

Mahilig sa pangangabayo, pagtugtog ng piyano at gitara, Nordic skiing, at sa pagtakbo sa mga track at cross-country race.

magkapatid

Larawang-guhit ni Adam Howling

Medyo hindi maganda ang samahan namin ng kuya kong si Michael. Normal na awayan lang ng magkapatid, tulad ng pang-iinis at pang-aasar namin sa isa’t isa. Pero ilang linggo ko nang ipinagdarasal sa Diyos na pagpalain si Michael at tulungan akong mahalin siya at maging mabait sa kanya.

Pagkatapos noong isang araw ng Linggo sa sacrament meeting, nasa sacrament table ang kuya ko para basbasan ang tinapay. Habang ipinapasa ang tinapay, umusal ako ng isa pang munting panalangin sa aking isipan: “Panginoon, biyayaan po sana Ninyo ng kaligayahan ang kuya kong si Michael.”

Sa sandaling iyon, naramdaman ko na lang ang napakalaking pagmamahal na ito para sa kuya ko, at natanto ko kung gaano siya kamahal ng Diyos. Iyon ay payapa at mapitagan na pakiramdam, pero napakatindi niyon sa akin.

Matapos ipasa ang sakramento, lumapit si Michael at umupo. Naaasiwa ako, pero bumaling ako sa kanya at sinabi ko na mahal siya ng Diyos.

Nadama ko ang pagmamahal ng Diyos para sa mga tao sa paligid ko, at personal kong nadama iyon. Alam ko na mahal ka rin Niya.