Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paano Ko Haharapin ang Hindi Tiyak na Kinabukasan?
Pebrero 2025


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Ko Haharapin ang Hindi Tiyak na Kinabukasan?

Humayo kayo, … nang may kagalakan, hayaang akayin [kayo] ng Diyos, at hayaang gabayan Niya kayo nang ligtas sa daang hindi ninyo batid.

Mula sa isang mensahe sa pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University—Hawaii noong Disyembre 8, 2023.

dalagita na may bombilya

Maaari kang akayin ng iyong kinabukasan sa hindi batid na landas. Ngunit kung “[hahayaan ninyong akayin kayo] ng Diyos,” alam ko na ang Kanyang patnubay “sa [inyo’y magiging] mas mabuti kaysa liwanag at mas ligtas kaysa daang talos.”

Ano ang ibig sabihin ng “hayaang akayin ka ng Diyos”? Walang duda, ang ibig sabihin nito ay patuloy na hangaring mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at madama ang kagalakan ng Kanilang sakdal na pagmamahal. Nangangahulugan ito ng pagsamong maunawaan na palagi natin Silang kasama, kinikilala ang Kanilang presensya habang pinagaganda nito ang ating buhay, at nararanasan ang kagalakan at pasasalamat na malamang na binibigyang-inspirasyon ng pagsasamang iyon. Ang ibig sabihin nito ay “pag-iisip sa kahariang selestiyal.”

Mga kaibigan ko, kung sisikapin natin na sa Diyos lamang magpaakay at hindi sa anumang iba pang impluwensya, bibigyan tayo ng kapangyarihang harapin ang mga daang hindi natin talos sa hinaharap nang may matibay na pananampalataya at walang-hanggang tiwala. Dalangin ko na magkaroon kayo ng malaking kagalakan sa susunod ninyong mga hakbang.

Gamitin ang Liwanag ng Ebanghelyo

Kung gayon, paano tayo makararating doon? Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng liwanag na makakatulong at tutulong sa atin sa paghahanap ng kamay ng Diyos at ng kapayapaan at kagalakang inaasam Niyang matagpuan natin.

Si Jesucristo, ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang napakahalagang pinagmumulan ng liwanag sa ating buhay. Tiniyak Niya mismo sa atin, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” Ilaw ng buhay! Iyan Siya. Iyan ang inaalok Niya sa atin. Dahil sa Kanyang ilaw, talagang mapipili natin ang pag-asa at kagalakan sa kabila ng nakalilitong mga bagyo sa buhay. Kapag natuklasan ninyo ito, malalaman ninyo ang himala ng Kanyang liwanag na maaaring tumagos sa anumang kadiliman.

Ang pagsasamantala sa tanglaw ng liwanag na iyon sa ating buhay ay nangangahulugan ng pagtuklas sa inilarawan ni Pangulong Nelson na kagalakan ng araw-araw na pagsisisi. Ang paulit-ulit na pagbabalik sa Diyos tuwing malilihis tayo ng landas ay nagpapalaya sa atin mula sa gapos ng kasalanan at kalungkutan na ibabalot sa atin ng kaaway. Matututuhan nating gustuhin ang oportunidad na araw-araw—maging palagian—na magsisi at gawin ito nang may taos-pusong pasasalamat.

Ang mga banal na kasulatan ay isa pang mahalagang pinagmumulan ng liwanag sa ating buhay. Nasaan man kayo sa inyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, hinihikayat ko kayo na patuloy na maghanap at matuto. Hindi pa huli ang lahat para buksan natin ang ating puso sa mga banal na kasulatan at magabayan ng liwanag nito.

Tulad ng isang parola sa bagyo, ang templo ay isang hindi-natitinag na pinagmumulan ng liwanag at isang simbolo ng kaligtasan. Ang hindi-nagbabagong doktrina ng pagsamba sa templo ay nagbibigay ng nagpapatibay na katatagan sa isang mundo ng kaguluhan at kawalang-katiyakan. Hanapin ang Diyos sa Kanyang banal na bahay. Sapagkat, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”

Kapag kayo ay “[nagpaakay] sa Diyos,” habang hinahanap ninyo si Cristo, makabuluhang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, at gumagawa ng mga sagradong tipan sa templo, ang liwanag ng “pagsikat ng araw,” ng “ganap na araw” na iyon, ay unti-unting magniningning. Tunay ngang kayo mismo ay magiging bahagi ng liwanag na iyon.

Maglingkod sa Kapwa

Ang pag-akay sa iba sa paraan ng pag-akay ng Tagapagligtas, sa paraan na nais Niya tayong mamuno, ay ang paglingkuran sila. Kadalasa’y nangangailangan ng sakripisyo at paglago mula sa atin ang paglilingkod na iyon. Palagi, ang gayong paglilingkod ay makakatulong na pinuhin at pabanalin tayo, at babaguhin ang ating puso at huhubugin ang ating pagkatao para maging higit na katulad ng ating Huwarang si Jesucristo, ang pinakadakilang lingkod sa lahat.

Habang patungo kayo sa daang hindi ninyo talos, na mahigpit na nakahawak sa dalisay na mga pinagmumulan ng katotohanan at liwanag, hayaang maging mantra ninyo ang “Sino ang maaari kong paglingkuran?” Tandaan na ipinayo ni Cristo: “Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.” Sa paningin ng Panginoon, ang kadakilaan ay sinusukat hindi ayon sa ating mga personal na tagumpay kundi sa pakikitungo sa Kanyang mga anak nang may pagmamahal sa kapwa-tao.

Ilang paraan bang hindi mabilang “[itataas ng bawat isa sa inyo] ang mga kamay na nakababa?” Naniniwala ako sa kakayahan ninyong maglingkod sa sangkatauhan. Ang mas mahalaga, naniniwala sa inyo ang inyong Ama sa Langit. Personal Niyang kilala ang bawat isa sa inyo, at inaabot Niya sa inyo ang Kanyang kamay para akayin kayo. Humayo kayo, … nang may kagalakan, hayaang akayin [kayo] ng Diyos, at hayaang gabayan Niya kayo nang ligtas sa daang hindi ninyo batid.