Kapag ang Pagpili ay Nagdudulot ng Pasakit
Ano ang magagawa mo kapag ang mga pinipili ng ibang tao ay nagpapalayo sa kanila sa kagalakan ng ebanghelyo?
Larawang-guhit ni Gabrielle Cracolici
Mayroon ka nito. Mayroon nito ang matalik na kaibigan mo. Kahit ang tiyuhin ng ina ng pangalawang pinsan mo ay mayroon nito! Ito ay kaloob ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak sa lupa. Kaya ang tanong mo ba ay ano ang kaloob na ito? Ito ang kalayaan, ang kakayahang pumili at kumilos.
Ang kakayahan nating pumili ay nagpapalago sa atin, at napakahalaga niyan para makabalik tayo at makapiling natin ang Ama sa Langit. Ngunit kung minsan ang kaloob na ito ay nagdudulot ng pighati at pasakit: itinuro sa atin ng Panginoon na “bawat tao ay pumili para sa kanyang sarili” (Doktrina at mga Tipan 37:4), at ang mga pagpiling ginagawa ng mga tao ay hindi palaging positibo at maganda ang kinalalabasan.
Kapag gumagawa ng nakalulungkot na mga pagpili ang mga taong mahal mo, lalo na ng mga pagpiling naglalayo sa kanila kay Jesucristo, maaari itong maging masakit. Masakit pagmasdan ang isang taong mahal mo na gumagawa ng mga bagay na alam mong maghahatid ng kalungkutan sa kanila sa huli. Maaari kang mapaisip kung may dapat ka bang ginawa para makatulong. Maaaring magalit o masaktan ka na ginamit nila ang kanilang kalayaan sa gayong paraan. Maaari mo pa ngang madama na medyo responsable ka sa pagpiling ginawa nila.
Kung ganito ang nadarama mo, patuloy na magbasa. Liwanagin natin ang ilang bagay.
Ang Gawain ng Tagapagligtas
Ang unang dapat tandaan ay na may Tagapagligtas na ang iyong mga mahal sa buhay. Tiniis na ni Jesucristo ang “[mga pa]sakit ng lahat ng tao, oo, ang [mga pa]sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata” (2 Nephi 9:21). Mahal Niya ang iyong mga kapamilya at kaibigan, alam Niya ang nasa puso nila, at hindi sila isusuko. Alam din Niya kung paano sila pinakamainam na tutulungan.
Bagama’t hindi mo trabahong gawin ang bagay na ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa, maaari mong tulungan Siya na tipunin ang Kanyang nawawalang mga tupa. Pero ano ang partikular na magagawa mo? At ano ang hindi mo dapat gawin? Narito ang ilang ideya.
HINDI Mo Trabaho
-
Huwag mong akuin ang responsibilidad para sa mga pagpili ng ibang tao. Bawat taong may pananagutan ay responsable sa kanilang sariling mga pagpili. OK lang na malungkot para sa mga desisyon ng isang tao, pero hindi mo trabahong baguhin o ituwid sila.
-
Huwag manghusga. Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na ang Diyos ang hahatol sa atin sa huli (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:11). Sa halip na husgahan ang isang tao, palitan ng kapatawaran at pagmamahal ang di-makatwirang panghuhusga.
-
Huwag masyadong paulit-ulit. Ang pagsasabi sa isang tao na masama ang ginawa niyang desisyon tuwing hindi ka sumasang-ayon sa kanya ay malamang na hindi makatulong. Kapag nahiwatigan mo na dapat kang magpatotoo tungkol sa katotohanan, tiyakin na iyon ay dahil sa iyong pagmamahal.
-
Huwag mainis sa iyong sarili. Kung minsan ay nasasaktan natin ang kalooban ng iba kahit sinisikap nating tumulong. Kung mangyayari iyon, huwag mainis sa iyong sarili. Sa halip, humingi ng paumanhin, makipag-usap sa mapagpakumbabang paraan, at subukan ang isang bagong bagay.
Ang Trabaho Mo
-
Tumulong nang may pagmamahal. Kahit hindi ka sang-ayon sa lahat ng pagpili na ginagawa ng isang tao, maaari mo pa rin siyang pakitaan ng pagmamahal. Paano ka makakakonekta sa kanya sa iba pang maayos na mga paraan? Alamin ang pagkakatulad ninyo!
-
Manalangin. Makapangyarihan ang panalangin, lalo na kapag ipinagdarasal mo ang iyong kapamilya o kaibigan na binabanggit ang kanyang pangalan. Hilingin sa Diyos na pagpalain siya at pagpalain kang malaman kung paano tutulong. Pagkatapos ay matiyagang hintayin ang Kanyang takdang panahon at mga sagot.
-
Makinig sa Espiritu Santo. Maaari kang makatanggap ng partikular na paghahayag (at kapanatagan!) para sa iyong sitwasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gumugol ng oras sa mga lugar na maaaring naroroon ang Espiritu.
-
Maging isang halimbawa. Patuloy na gawin at tuparin ang sarili mong mga tipan sa Diyos. Kapag mas malapit ka sa Kanya, magiging mas madaling tumanggap ng inspirasyon kung paano mo matutulungan ang iyong mahal sa buhay. Maging isang halimbawa at liwanag.
Bagama’t nagdudulot ng pasakit ang paraan ng paggamit ng isang tao sa kanyang kalayaan, may pagpapagaling at pag-asa para sa iyo at sa mga taong mahal mo at mahalaga sa iyo. Maging matiyaga, umasa sa Tagapagligtas, at patuloy na gamitin ang iyong sariling kalayaan para sa kabutihan.