Mahihirap na Panahon sa Inyong Pamilya?
Narito ang anim na katotohanan na dapat tandaan kapag pakiramdam mo ay hindi maganda ang sitwasyon sa iyong pamilya.
Mga larawang-guhit ni Emily Davis
Nakaranas ka na ba ng mahirap na sitwasyon sa pamilya?
Halimbawa, maaaring naranasan mo na ang:
-
Magdiborsyo ang mga magulang mo.
-
Magkaroon ng tensyon o pagtatalo sa bahay.
-
Mahirapang makisama sa isang kapatid o magulang.
-
Maabuso o mapabayaan.*
-
Isang miyembro ng pamilya na gumagawa ng mga maling pasiya, lumalayo sa Simbahan, o pumanaw.
Anuman ang tingin mo sa mahihirap na panahon sa iyong pamilya, ganoon talaga ang mga iyon—mahirap. Narito ang anim na bagay na dapat mong malaman.
1. Ikaw ay minamahal
Nadarama mo man o hindi ang pagmamahal ng iyong pamilya sa lupa, dapat mong malaman na ikaw ay isang miyembro ng pamilya ng Ama sa Langit, at mahal ka Niya nang higit pa sa inaakala mo. Bagama’t lumikha ang Diyos at si Jesucristo ng mga daigdig na hindi mabilang, kilala at mahal ka ng Diyos.
“Kahit hindi tayo perpekto, sakdal ang pag-ibig [ng Diyos] sa atin. Kahit nadarama nating naligaw tayo at walang gabay, yakap tayo ng pag-ibig ng Diyos.”
2. Hindi ka nag-iisa
Kung pakiramdam mo ay nag-iisa ka, huwag mong isipin iyan—may tatlong napaka-makapangyarihang Nilalang sa tabi mo. Maaari kang manalangin sa iyong Ama sa Langit, na nakikinig at sumasagot sa iyo. Makakaasa ka sa Tagapagligtas, na laging nakakaunawa, kahit hindi nakakaunawa ang ibang tao (tingnan sa Alma 7:11–12). At maaaring mapasaiyo ang Espiritu Santo palagi, upang aliwin at gabayan ka, habang sinisikap mong tuparin ang iyong mga tipan.
Bukod sa pinaka-makapangyarihang mga nilalang sa sansinukob, marami pang ibang tao sa tabi mo—sa magkabilang panig ng tabing. Ang “mga hukbo ng langit” ay ipinagbubunyi ka. Ikaw ay kailangan. Ikaw ay kabilang. Hindi ka nag-iisa kailanman.
“Balang-araw ay tatayo kayo sa isang tabi at makikita ninyo ang mga panahon ng inyong paghihirap, at matatanto ninyo na palaging nariyan [ang Diyos] sa inyong tabi.”
3. Mahalaga ang iyong halimbawa
Depende sa sitwasyon mo, maaaring marami o hindi marami ang maaari mong gawin para ayusin ang mga problema ng iyong pamilya o baguhin ang mga kilos at paniniwala ng isang miyembro ng pamilya. Pero kapag pinili mong sundin ang Tagapagligtas, maaaring makagawa ng mas malaking kaibhan ang iyong mabuting halimbawa kaysa inaakala mo.
“Ang mga halimbawa natin ng kabaitan, kabutihan, kagalakan, at tapat na pagmamahal para sa lahat ng tao na katulad ng kay Cristo ay lumilikha … ng gumagabay na liwanag para sa kanila.”
4. Matutulungan ka ng Panginoon na magmahal at magpatawad
Sa maraming sitwasyon, ang isa sa pinakamagagandang bagay na magagawa mo para sa iyong mga kapamilya ay sikaping mahalin at patawarin sila. Kung tila mahirap iyan, umasa na tutulungan ka ng Panginoon.
“Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi kailanman aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo.”
5. Ang mga walang-hanggang kaayusan ng pamilya ay magiging napakaganda
Nag-aalala ka siguro tungkol sa kinabukasan ng iyong pamilya—kahit sa kawalang-hanggan. Pero maaari kang magtiwala na maaaring ituwid ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang lahat.
“Mamuhay ka lang nang marapat para sa kahariang selestiyal, at ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo.”
6. Ang iyong mga pagsubok ay maaaring maging mga pagpapala
Kapag bumaling ka sa Ama sa Langit, tutulungan ka Niya sa iyong mga pagsubok. Magagawa Niya na ang mahihirap na bagay ay maging para sa iyong ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 98:3).
“At hindi ba maganda kung sa [pagtatapos] ng ating buhay ay makikita natin na ang mga ugnayang iyon, pati na ang mahihirap na sandali, ang mismong nakatulong sa atin na maging higit na tulad ng ating Tagapagligtas? Bawat mahirap na [pakikipag-ugnayan] ay pagkakataong matuto kung paano higit na magmahal—na tulad ng Diyos.”