Lahat ng May Kaugnayan sa mga Mission
Mga Sagot at Payo
Ang mission ay maaaring maging kapana-panabik at kamangha-mangha—pero bago rin at hindi kilala. Narito ang mga sagot mula sa mga missionary sa ilang karaniwang tanong ng mga kabataan.
Mga larawang-guhit ni Mike Mullan
Naglingkod ako sa unang 11 buwan ng aking mission sa Utah sa halip na sa lugar kung saan ako na-assign. Ang reassignment na ito ay dumating dahil sa pandemyang COVID-19. Nagsalita ako sa sarili kong wika, kumain ng pagkaing gusto ko, at bumisita sa pamilyar na mga mukha at lugar. Kamangha-mangha iyon!
Nang maalis ang mga restriksyon sa pagbiyahe, ginugol ko ang natitirang pitong buwan ng aking mission sa magandang Dominican Republic (ang orihinal kong assignment). Naglakad ako nang ilang oras sa maliliwanag at mataong kalye, nagsalita ng Spanish, kumain ng maraming plantain at mangga, at nagturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ilan sa pinakamapagpakumbaba, masaya, at tapat na mga taong nakilala ko. Talagang kamangha-mangha rin ito!
Walang dalawang mission na parehong-pareho. Tulad ng lahat tayo ay magkakaiba, magkakaiba rin ang ating mga mission! May mga tanong ba kayo tungkol sa mga mission? Ano ang mga ito, paano maghanda, at kung maaari kang maglingkod sa mission?
T&S tungkol sa mga Mission
Ipinadala sa amin ng mausisang mga kabataan (katulad mo!) ang kanilang mga tanong tungkol sa mga mission. Hiniling namin sa mga missionary sa Arizona Gilbert Mission na sagutin ang mga ito.
T: Ano ang kaibhan ng service mission at ng teaching mission?
S: “Ang mga service missionary at mga teaching missionary ay kapwa may mga pamantayan na dapat sundin para kumatawan kay Jesucristo. Ang mga service missionary ay kadalasang nakatira kasama ang kanilang pamilya at kumakatawan kay Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanilang sariling komunidad. Parehong tinatanggap ng Panginoon ang paglilingkod ng mga teaching missionary at ng service missionary. Pareho ang kanilang awtoridad at pareho silang mahalaga sa Kanya.”
Elder Joseph Duncan
T: Paano ka magiging malapit at komportable sa iyong kompanyon kung wala kayong gaanong pagkakatulad?
S: “Maging handang alamin ang tungkol sa kanya at matuto mula sa kanya. Pag-usapan ang anumang bagay at lahat ng bagay. Magkasamang lumikha ng mga karanasan. Ipagdasal siya at ang kanyang pamilya na binabanggit ang kanilang pangalan.”
Sister Riley Johnson
T: Paano mo nakakayanan ang pangungulila sa pamilya?
S: “Nakakayanan ko ang pangungulila sa pamamagitan ng paggawa ng gawaing misyonero, pagmamahal sa mga tao, at pag-alaala sa mga nagawa ko at kung gaano ako napagpala. Sa mission lang ako nakadama ng higit na tagumpay, na mas nakikita ako ng Diyos, at nagkaroon ng higit na kagalakan.”
Sister Lucy Chapman
T: Paano nagbago ang buhay mo mula nang magmisyon ka?
A: “Tinulungan ako ng mission na baguhin ang pinagtutuunan ko sa buhay. Bago ako nagmisyon, ang mahalaga lang talaga sa akin ay ang iniisip ng iba tungkol sa akin. Itinuro sa akin ng mission ko na kapag inuna ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo, lahat ng iba pa ay malalagay sa tamang kinalalagyan nito.”
Elder Jakob Blad
T: Paano ko dapat ihanda ang sarili ko sa pagmimisyon?
S: “Noong naghahanda ako para sa misyon ko, isa sa pinakamalalaking pinagkukunan ko ng lakas ay ang regular na pagdalo sa templo at pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Ang paggugol ng oras sa bahay ng Panginoon ay magbibigay sa iyo ng kapangyarihan mula sa kaitaasan na humayo at maglingkod nang masigasig!”
Elder Ammon Runger
Para mabasa ang iba pa tungkol sa paghahandang magmisyon, bisitahin ang Gospel Living app sa buwang ito.
T: Paano mo haharapin ang mga personal na hamon?
S: “Kapag nahaharap ako sa mga personal na hamon, nakakatulong sa akin na suriin ang mga ito nang may walang-hanggang pananaw. Sabi ni Pangulong Nelson, ‘Kapag hindi mapahinga ang buhay ninyo sa problema, isipin ang kahariang selestiyal!’ Ang pag-iisip nang selestiyal ay tumutulong sa akin na malaman na sa pamamagitan ni Jesucristo ay malalampasan ko ang anumang hamon dahil alam Niya ang mismong pinagdaraanan ko at mabibigyan Niya ako ng lakas.”
Elder Benjamin Baker
T: Ano ang pinakamahirap na bahagi ng iyong mission?
S: “Ang adjustment sa mga inaasahan. Ang mga mission ay hindi palaging katulad mismo ng inaasahan mo, pero palaging katulad ito ng kailangang mangyari. Ang Diyos ang namamahala sa bawat detalye.”
Sister Taylee Martinez
T: Ano ang pinakamagandang bahagi ng pagiging nasa mission?
S: “Ang mga tao. Dahil nagmamalasakit ang Diyos sa mga pakikipag-ugnayan mo sa buhay, pinadadalhan ka Niya ng mga kompanyon, iba pang mga missionary, mga mission leader, mga ward member, at mga tao sa daan na magtuturo sa iyo ng mga aral, tutulong sa iyo na lumago, at makakaugnayan mo habambuhay. Magpapadala ang Diyos sa iyo ng mga taong kinakailangan mong impluwensyahan, at ng mga taong kinakailangan kang maimpluwensyahan.”
Sister Sarah Mueller
T: Paano ka napalakas ng pagmimisyon?
S: “Napalakas ako ng aking pagmimisyon sa pamamagitan ng aking ugnayan kay Jesucristo at sa Diyos Ama. Bago ako naglingkod, halos hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng mahalin Nila. Mula nang maging missionary ako, nakikita ko iyon araw-araw sa pamamagitan ng mga himala, pagmamahal sa iba, at higit sa lahat, sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa palagay ko hindi ko madarama ang Kanyang pagmamahal nang ganito sa anumang ibang paraan maliban sa paglilingkod sa Kanya.”
Elder Ethan Withers
T: Ano ang gagawin ko kung pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat na magmisyon?
S: “Mahirap para sa marami sa atin na makadama na tunay na karapat-dapat tayo upang kumatawan kay Jesucristo sa bawat sandali ng ating buhay. Napapanatag akong malaman na lagi Niyang ginagawang kwalipikado ang mga tao na nakadarama nang ganito nang gawin nila ang mga hakbang na kinakailangan para ipakita sa Diyos na sila ay nagsisikap at nagbabago! Nadama ko na karapat-dapat ako nang maranasan ko ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay ko. Alam ko na lahat tayo ay gagawing karapat-dapat kapag nagtitiwala tayo sa Kanya at ipinamumuhay ang Kanyang ebanghelyo!”
Elder Matthew Hollingsworth
“Ang mga miyembrong nagnanais na magmisyon ay dapat bumaling sa Tagapagligtas habang sila ay nagsisisi at naghahandang maglingkod. Maaari din nilang hingin ang mapagmahal na tulong ng mga kapamilya at mga lokal na lider ng Simbahan.”
T: Paano mo napapatibay ang ugnayan sa pamilya habang nagmimisyon ka?
S: “Ginagamit ko ang mga karanasan ko sa pamilya para matulungan ako na maisakatuparan ang layunin ko bilang missionary dahil sila ang ilan sa pinakamagagandang halimbawa sa akin! Ginagawa ko ang lahat para hindi sila makagambala sa akin ngunit ginagamit ko ang kanilang pagmamahal, kagalakan, at suporta upang gawin ang lahat ng makakaya ko para sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo!”
Sister Kimberly Pannell
T&S na mga Digital Extra
T: Gaano kadalas ka nakikipagkilala/nagtuturo sa mga tao?
S: “Araw-araw ay may oportunidad kang makipagkilala sa mga bagong tao at magbahagi ng pagmamahal ni Jesucristo sa kanila, pakikipag-usap man ito sa daan o sa mga miyembro sa ward. Isang pribilehiyo ang magkaroon ng oportunidad na makipagkilala at matuto mula sa napakaraming anak ng Diyos.”
Sister Nicole Hatch
T: Gaano katagal ka sa missionary training center?
S: “Ang dami ng oras na gugugulin mo sa MTC ay depende sa kung saan ka nanggaling at saan ka pupunta. Ang minimum ay mga 2 linggo at ang maximum ay mga 9 na linggo. Ang mas mahabang pananatili ay nagpapahiwatig na mag-aaral ka ng isang bagong wika.”
Elder Samuel Martin
T: Paano mo iniiskedyul ang iyong oras para makapagluto ng pagkain?
S: “Pinaplano ko ang aking pagkain para sa buong linggo sa preparation day. Nagluluto ako ng masasarap na pagkain na madali at mabilis iluto. Gustung-gusto kong matutong magluto at sumubok ng mga bagong pagkain!”
Elder Tyson Burr
T: May oras ka bang mag-ehersisyo?
S: “Bilang mga missionary, araw-araw kaming nag-eehersisyo. Sa oras na iyon, maaari kang tumakbo, o gumamit ng anumang workout equipment na maaaring mayroon ka o ang iba pang mga missionary.”
Elder Ethan Gibson
T: Gaano katagal bago ka naka-adjust sa mission?
S: “Para sa akin ilang linggo lang ang inabot dahil kinalimutan ko agad ang sarili kong mga personal na hangarin nang isuot ko ang tag. Maaga akong nagdesisyon na isuko ang aking kalooban sa Panginoon at hayaan Siyang gawin akong tao na nais Niya na maging ako.”
Elder Nathan Meyers
T: Nadama mo ba na handa ka nang iwan ang iyong pamilya at mga kaibigan bago ka nagmisyon?
S: “Matagal ko nang gustong magmisyon, pero alam ko na mangungulila ako sa maraming bagay. Nang manampalataya ako kay Jesucristo, at mahigpit kong tinupad ang aking mga tipan sa templo, lalo na ang batas ng paglalaan, nakita ko kung gaano kalaki ang inilalaan ng Panginoon para sa akin.”
Sister Elanor Eden Van Slyke
T: Paano mo nalaman na gusto mong maglingkod?
S: Nagpasiya ako noong nasa primary pa lang ako na magmimisyon ako! Sa buong kabataan ko nagkaroon ako ng maraming espirituwal na karanasan na nagpatunay na kailangan kong sabihin sa iba ang tungkol sa ebanghelyong ito!
Elder Carter Seeman
T: Maaari mo bang piliin ang pupuntahan mo?
S: Sa huli ay ang Panginoon pa rin ang magpapasiya. Hindi mo mapipili ang pupuntahan mo. Saan ka man pumunta ay doon ka kailangan ng Panginoon, at kailangan Niya ang personalidad at pagkatao mo sa mission na iyon.
Elder Denis McLaughlin
Kung nag-aalala ka kung paano maaaring makaapekto ang ilang lokasyon o assignment sa iyong pisikal, mental, o emosyonal na kalusugan o kasalukuyang medikasyon, kausapin ang iyong bishop o stake president. Matitiyak nila na maisasaalang-alang ang lahat ng iyon kapag ginawa ang assignment mo.