Mga Banal na Kasulatan
Joseph Smith—Kasaysayan 1


Joseph Smith—Kasaysayan

Mga Hango mula sa Kasaysayan ni Joseph Smith, ang Propeta

History of the Church, Tomo 1, Kabanata 1 hanggang 5

Kabanata 1

Isinalaysay ni Joseph Smith ang kanyang angkang pinagmulan, ang mga kasapi ng mag-anak, at ang kanilang mga unang tirahan—Isang kakaibang kaguluhan tungkol sa relihiyon ang nangingibabaw sa dakong kanluran ng New York—Siya ay nagpasiyang maghanap ng karunungan gaya ng itinagubilin ni Santiago—Ang Ama at ang Anak ay nagpakita at tinawag si Joseph sa kanyang paglilingkod bilang isang propeta. (Talata 1–20.)

1 Sanhi ng maraming usap-usapang ikinalat ng masasama at mga manlilinlang na tao, kaugnay ng pagkakatatag at pag-unlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lahat ng yaon ay binalak ng mga nagpasimula niyon upang humadlang laban sa magandang pangalan nito bilang isang simbahan at sa pag-unlad nito sa daigdig—Ako ay naganyak na isulat ang kasaysayang ito, upang bigyang-linaw ang isipan ng madla, at upang ipaalam sa lahat ng mananaliksik ng katotohanan ang mga tunay na nangyari, ayon sa pagkakaganap nito, kaugnay ng aking sarili at ng Simbahan, sa abot ng aking nalalaman sa mga tunay na nangyari.

2 Sa kasaysayang ito ay ilalahad ko ang iba’t ibang pangyayari kaugnay ng Simbahang ito, sa katotohanan at kabutihan, ayon sa pagkakaganap ng mga ito, o ayon sa pag-iral ng mga ito sa kasalukuyan, sa ngayon (1838) ang ikawalong taon magmula nang itatag ang nasabing Simbahan.

3 Isinilang ako sa taon ng ating Panginoon isanlibo walong daan at lima, sa ikadalawampu’t tatlong araw ng Disyembre, sa bayan ng Sharon, Windsor County, Estado ng Vermont…Ang aking ama, si Joseph Smith, Senior, ay nilisan ang Estado ng Vermont, at lumipat sa Palmyra, Ontario (ngayon ay Wayne) County, sa estado ng New York, nang ako ay nasa ikasampung taong gulang, o humigit-kumulang doon. Pagkaraan ng halos apat na taon ng pagdating ng aking ama sa Palmyra, lumipat siya kasama ang kanyang mag-anak sa Manchester, sa yaon ding County ng Ontario—

4 Ang kanyang mag-anak ay binubuo ng labing-isang katao, alalaong baga’y ang aking ama, si Joseph Smith; ang aking ina, si Lucy Smith (na ang apelyido, bago ang kanyang pag-aasawa, ay Mack, anak ni Solomon Mack); ang mga kapatid kong lalaki, si Alvin (namatay noong ikalabinsiyam ng Nobyembre, 1823, sa kanyang ikadalawampu’t limang taon), si Hyrum, ako, si Samuel Harrison, si William, si Don Carlos; at ang mga kapatid kong babae, sina Sophronia, Catherine, at Lucy.

5 Noong nasa ikalawang taon pagkaraang kami’y lumipat sa Manchester, may kakaibang kaguluhan sa paksa ng relihiyon sa lugar na aming tinitirahan. Nagsimula ito sa mga Methodist, subalit dagliang naging karaniwan sa lahat ng sekta sa dakong yaon. Sa katunayan, ang buong purok ay tila nahikayat nito, at nagsama-sama ang maraming tao sa iba’t ibang pangkat ng mga relihiyon, na lumikha ng hindi maliit na kaguluhan at pagkakahati ng mga tao, ang ilan ay nagsisigaw ng, “Halina, rito!” at ang iba’y, “Halina, roon!” Ang iba ay nakikipagtalo para sa pananampalatayang Methodist, ang iba para sa Presbyterian, at ang iba’y para sa Baptist.

6 Sa kabila ng malaking pag-ibig na ipinamalas ng mga bagong kasapi ng iba’t ibang pananampalatayang ito noong panahon ng kanilang pagbabalik-loob, at ang dakilang pagpupunyagi na ipinakita ng kani-kanilang mga pastor, na silang masisigla sa pagpapasimuno at pagtataguyod ng di pangkaraniwang tagpong ito ng damdaming pangrelihiyon, upang ang lahat ay makuhang magbalik-loob, na ikinalulugod nilang itawag dito, hayaan silang sumapi sa anumang sekta na maibigan nila; gayon pa man, nang magsimulang magsihanay ang mga nagbalik-loob, ang ilan ay sa isang pangkat, at ang ilan sa iba, namalas na ang tila bagang mabubuting damdamin ng kapwa mga saserdote at nagbalik-loob ay higit na pagkukunwari kaysa tunay; sapagkat isang tagpo ng malaking kaguluhan at masamang damdamin ang kinahantungan—nakikipagtalo ang mga saserdote laban sa saserdote, at mga nagbalik-loob laban sa kapwa nagbalik-loob; anupa’t lahat ng kanilang mabubuting damdamin sa isa’t isa, kung sila ma’y nagkaroon nga nito, ay ganap na nawala sa sigalutan ng mga salita at sa tunggalian hinggil sa mga palagay.

7 Sa panahong ito ako ay nasa aking ikalabinlimang taong gulang. Ang mag-anak ng aking ama ay napaniwala sa pananampalatayang Presbyterian, at apat sa kanila ang sumapi sa simbahang yaon, alalaong baga’y ang aking ina, si Lucy; ang aking mga kapatid na lalaking sina Hyrum at Samuel Harrison; at ang aking kapatid na babaing si Sophronia.

8 Sa panahong ito ng malaking kaguluhan, ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala; subalit, bagaman ang aking mga damdamin ay matindi at kadalasan ay masidhi, gayon man nanatili akong malayo sa mga pangkat na ito, bagaman ako ay dumadalo sa ilan nilang pagpupulong na kasindalas ng ipinahihintulot ng pagkakataon. Sa paglipas ng panahon, ang aking pag-iisip ay bahagyang pumapanig sa sekta ng Methodist, at nakaramdam ako ng kaunting pagnanais na makiisa sa kanila; ngunit napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko, at walang kabatiran sa mga tao at bagay-bagay, na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali.

9 Kung minsan ang aking isipan ay labis na naguguluhan, ang sigawan at pag-iingay ay napakalakas at walang humpay. Ang mga Presbyterian ang pinakasalungat laban sa mga Baptist at Methodist, at ginamit ang lahat ng lakas kapwa sa pangangatwiran at sa kasanayan upang patunayan ang kanilang mga kamalian, o kahit paano, ay magawang papag-isipin ang mga tao na sila ay mali. Sa kabilang dako, ang mga Baptist at Methodist ay gayon din kasigasig sa pagpupunyagi na mapatunayan ang kanilang sariling aral at pasinungalingan ang lahat ng iba.

10 Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka, madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?

11 Habang ako ay naghihirap sa ilalim ng masisidhing suliranin sanhi ng pagtutunggalian ng mga pangkat na ito ng mga relihiyoso, isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang: Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.

12 Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon; na kung paano kikilos ay hindi ko alam, at maliban na kung makakukuha ako ng higit na karunungan kaysa sa aking taglay na, hindi ko kailanman malalaman; sapagkat ang mga guro ng iba’t ibang sekta ng relihiyon ay magkakaiba ang pagkaunawa sa iisang sipi ng banal na kasulatan na nakawawasak ng lahat ng tiwala sa paglutas ng katanungan sa pamamagitan ng pagsasangguni sa Biblia.

13 Sa wakas nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nakarating ako sa matibay na hangarin na “humingi sa Diyos,” nagpapasiya na kung siya ay nagbigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali.

14 Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. Ito ay sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.

15 Matapos na magtungo ako sa lugar na kung saan ko binalak magtungo, matapos kong tingnan ang aking paligid, at nang matiyak kong ako’y nag-iisa, ako’y lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. Bahagya ko pa lamang nagagawa ito, nang daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig, at may kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita. Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak.

16 Subalit, sa paggamit ng lahat ng aking lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas ako sa kapangyarihan ng kaaway na ito na sumunggab sa akin, at sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipaubaya ang aking sarili sa pagkawasak—hindi sa isang likhang-isip na pagkawasak, kundi sa kapangyarihan ng isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig, na may kagila-gilalas na lakas na kailanman ay hindi ko pa naramdaman sa anumang nilikha—sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

17 Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!

18 Ang aking layunin sa pagtatanong sa Panginoon ay upang alamin kung alin sa lahat ng sekta ang tama, upang malaman kung alin ang sasapian ko. Hindi pa natatagalan, samakatwid, nang ako ay matauhan, upang makapagsalita, nang aking tanungin ang mga Katauhan na nakatayo sa itaas ko sa loob ng liwanag, kung alin sa lahat ng sekta ang tama (sapagkat sa panahong ito hindi pa kailanman pumasok sa aking puso na ang lahat ay mali)—at alin ang dapat kong sapian.

19 Sinagot ako na hindi ako dapat sumapi sa alinman sa kanila, sapagkat lahat sila ay mali; at ang Katauhan na kumausap sa akin ay nagsabi na lahat ng kanilang sinasampalatayanan ay karumal-dumal sa kanyang paningin; na yaong mga guro ay tiwaling lahat; na: “lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin, itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito.”

20 Muli niya akong pinagbawalang sumapi sa alinman sa kanila; at marami pang ibang bagay ang sinabi niya sa akin, na hindi ko maaaring isulat sa ngayon. Nang ako ay muling matauhan, natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga, nakatingin sa kalangitan. Nang maglaho ang liwanag, ako ay wala nang lakas; subalit nang bahagyang bumuti-buti ang aking pakiramdam agad akong umuwi. At habang ako ay nakasandig sa dapugan, ang aking ina ay nagtanong kung ano ang nangyari. Sumagot ako, “Walang anuman, maayos ang lahat—mabuti na ang aking pakiramdam.” Pagkatapos ay sinabi ko sa aking ina, “Nalaman ko para sa aking sarili na ang Presbyterianismo ay hindi totoo.” Tila baga nalalaman ng kaaway, sa napakaagang panahon ng aking buhay, na ako ay nakatalagang mapatunayang tagabulabog at tagasuya ng kanyang kaharian; kung hindi ay bakit nagsama-sama ang mga kapangyarihan ng kadiliman laban sa akin? Bakit lumitaw ang pagsalungat at pag-uusig laban sa akin, halos sa aking kamusmusan?

Ang ilang mangangaral at ibang mga dalubhasa ng relihiyon ay tinanggihan ang ulat ng Unang Pangitain—Ang pag-uusig ay nabunton kay Joseph Smith—Pinatunayan niya ang katotohanan ng pangitain. (Talata 21–26)

21 Ilang araw pagkaraan ang pangitain kong ito, nagkataong ako’y kasama ng isa sa mga mangangaral ng Methodist, na napakasigasig sa nabanggit na kaguluhan sa relihiyon; at, sa pakikipag-usap sa kanya sa paksa hinggil sa relihiyon, ginamit ko ang pagkakataon upang ibigay sa kanya ang salaysay ng naging pangitain ko. Labis akong nagulat sa kanyang inasal; hindi lamang niya itinuring ang aking isinalaysay nang gayun-gayon lamang, kundi lakip ang labis na pag-aalipusta, nagsasabing ang lahat ng ito ay sa diyablo, na wala nang ganoong mga bagay tulad ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito; na ang ganoong mga bagay ay lumipas na kasama ng mga apostol, at kailanman ay hindi na magkakaroon ng mga gayon.

22 Daglian kong natuklasan, gayon pa man, na ang pagsasabi ko ng salaysay ay pumukaw ng labis na kapinsalaan laban sa akin sa mga mangangaral ng relihiyon, at naging sanhi ng labis na pag-uusig, na patuloy na lumubha; at bagaman ako ay di kilalang bata na nasa pagitan lamang ng labing-apat at labinlimang taong gulang, at ang aking katayuan sa buhay ay gayon na lamang upang ituring na isang batang walang kahalagahan sa daigdig, gayon pa man ang matataas na tao ay sapat na nagbibigay-pansin upang pukawin ang isipan ng madla laban sa akin, at lumikha ng mapait na pag-uusig; at ito’y pangkaraniwan na sa lahat ng sekta—nagkaisa ang lahat upang usigin ako.

23 Naging sanhi ito ng mataman kong pagmumuni-muni noon, at kadalasan na magbuhat noon, lubos na nakapagtataka na ang isang di kilalang bata, humigit lamang ng kaunti sa labing-apat na taong gulang at isa rin, na nakatadhana sa pangangailangan nang pagkuha ng di sapat na ikabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pang-araw-araw na gawain, ay dapat isiping isang katauhang may sapat na kahalagahan upang tumawag ng pansin sa mga tanyag na tao sa mga kilalang sekta sa panahong yaon, at sa pamamaraan upang lumikha sa kanila ng damdamin ng pinakamapait na pag-uusig at panlalait. Subalit nakapagtataka o hindi, gayon nga ito, at ito ang kadalasang sanhi ng labis na kalungkutan sa aking sarili.

24 Gayon pa man, ito ay isang katotohanan na ako’y nakakita ng isang pangitain. Mula noon napag-isipan ko, na ako ay tulad ni Pablo, nang ipagtanggol niya ang kanyang sarili sa harapan ni Haring Agripa, at iniulat ang salaysay ng kanyang naging pangitain nang nakakita siya ng liwanag, at nakarinig ng isang tinig; ngunit kakaunti pa rin ang naniwala sa kanya; ang sabi ng ilan siya ay manlilinlang, ang sabi ng iba siya ay baliw; at siya ay kinutya at nilait. Subalit hindi nawasak ng lahat ng ito ang katotohanan ng kanyang pangitain. Nakakita siya ng pangitain, alam niyang nakakita siya, at hindi ito magagawang baguhin ng lahat ng pag-uusig sa silong ng langit; at bagaman inusig nila siya hanggang sa kamatayan gayon pa man, alam niya, at alam niya hanggang sa kanyang huling hininga, na siya ay nakakita ng liwanag at nakarinig ng tinig na nagsasalita sa kanya, at ang buong daigdig ay hindi siya mapag-iisip o mapaniniwala nang taliwas dito.

25 At gayon din ako. Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; at habang ako’y kanilang inuusig, ako’y nilalait, at nagsasabi ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa akin nang walang katotohanan sa pagsasabi nito, dahil dito ay nasabi ko sa aking puso: Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan? Ako ay tunay na nakakita ng pangitain; at sino ako na aking kakalabanin ang Diyos, o bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita? Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa.

26 Ngayon ay palagay na ang aking isipan kung tungkol din lamang sa sekta ng mga relihiyon—na hindi ko katungkulang sumapi sa alinman sa kanila, kundi magpatuloy tulad ng dati hanggang sa maatasan. Napag-alaman kong tama ang patotoo ni Santiago—na ang isang taong nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo, at hindi masusumbatan.

Si Moroni ay nagpakita kay Joseph Smith—Ang pangalan ni Joseph ay kikilalanin sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa—Sinabi ni Moroni sa kanya ang tungkol sa Aklat ni Mormon at sa darating na paghahatol ng Panginoon, at umulit ng maraming banal na kasulatan—Ang lugar na pinagtataguan ng mga laminang ginto ay ipinahayag—Si Moroni ay nagpatuloy na tagubilinan ang Propeta. (Talata 27–54.)

27 Nagpatuloy ako sa aking pangkaraniwang gawain sa buhay hanggang sa ikadalawampu’t isa ng Setyembre, isanlibo walong daan at dalawampu’t tatlo, nagdurusa sa tuwina ng masidhing pag-uusig sa mga kamay ng lahat ng uri ng tao, kapwa relihiyoso at hindi relihiyoso dahil nagpatuloy akong nanindigan na nakakita ako ng pangitain.

28 Yaong panahong lumipas sa pagitan ng oras na nakakita ako ng pangitain at taong isanlibo walong daan at dalawampu’t tatlo—na napagbawalang sumapi sa alinmang sekta ng relihiyon noon, at sapagkat napakabata pa, at inusig ng mga taong yaon na dapat sana’y aking mga kaibigan at magpakita sa akin ng kabutihan, at kung inakala nila na ako’y nalinlang na pinagsikapan sa wasto at sa paraang may pagmamahal upang bawiin ako—naiwan ako sa lahat ng uri ng tukso; at, nakikisalamuha sa lahat ng uri ng lipunan, madalas akong makagawa ng maraming kamalian, at naipakita ang kahinaan ng kabataan, at ang mga kalokohan na likas sa tao; na ikinalulungkot kong sabihin, ang nagdala sa akin sa iba’t ibang tukso, na hindi kasiya-siya sa paningin ng Diyos. Sa pagtatapat na ito, walang sinuman ang dapat mag-akala na ako ay nagkasala ng anumang mabigat o lubhang mapaminsalang mga kasalanan. Ang pagpapasiya na gumawa nito ay kailanma’y wala sa aking pagkatao. Subalit nagkasala ako ng kawalang-isip, at kung magkaminsan ay naugnay sa masasayang barkada, atbp., hindi tugma sa pagkatao na nararapat panatilihin ng isang tinawag ng Diyos na tulad ko. Subalit ito ay hindi kataka-taka sa sinumang makaalaala sa aking kabataan, at nasanay sa aking likas na pagkamasayahin.

29 Bunga ng mga bagay na ito, madalas kong maramdaman na isinumpa ako dahil sa aking kahinaan at mga kamalian; nang, noong gabing nabanggit na ikadalawampu’t isa ng Setyembre, matapos akong humiga sa aking higaan sa gabing yaon, ipinasiya sa aking sarili na manalangin at magsumamo sa Pinakamakapangyarihang Diyos para sa kapatawaran ng lahat ng aking kasalanan at mga kalokohan, at para rin sa isang pagpapatunay sa akin, upang malaman ko ang aking kalagayan at katayuan sa harapan niya; sapagkat buo ang aking pagtitiwala na magtatamo ng banal na pagpapatunay, tulad ng dati.

30 Habang ako ay nasa ganoong ayos ng pagtawag sa Diyos, natuklasan kong may liwanag na lumitaw sa aking silid, na patuloy na nag-iibayo hanggang sa ang silid ay magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat, nang ang isang katauhan ay biglang lumitaw sa tabi ng aking higaan, nakatayo sa hangin, dahil ang kanyang mga paa ay hindi sumasayad sa sahig.

31 Siya ay nakasuot ng isang maluwag na bata na napakatingkad ang kaputian. Iyon ay kaputiang higit kaysa anumang bagay sa lupa na nakita ko na; anupa’t ako’y hindi naniniwala na mayroon pang bagay sa lupa na maaaring lumitaw na higit pa sa roon ang kaputian at ningning. Ang kanyang mga kamay ay nakalantad, at gayon din ang kanyang mga braso na mataas nang kaunti sa galanggalangan; at gayon din ang kanyang mga paa ay walang mga sapin, maging ang kanyang mga binti, na mataas nang kaunti sa bukung-bukong. Ang kanyang ulo at leeg ay nakalantad din. At napagwari kong wala siyang ibang kasuotan maliban sa bata, sapagkat ito ay bukas, kaya’t nakikita ko ang kanyang dibdib.

32 Hindi lamang ang kanyang bata ang may napakatingkad na kaputian, ang kanyang buong katauhan ay may kaluwalhatiang di kayang ilarawan, at ang kanyang kaanyuan ay tunay na parang kidlat. Ang silid ay lubhang maliwanag, subalit hindi kasingningning ng nakapaligid sa kanyang katauhan. Nang una ko siyang tingnan, ako ay natakot; subalit ang takot ay kaagad ding nawala sa akin.

33 Ako’y tinawag niya sa aking pangalan, at sinabi niya na siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos na pinaparito sa akin; na ang kanyang pangalan ay Moroni; na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin; at ang aking pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika, o magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao.

34 Sinabi niya na may nakalagak na isang aklat, na nakasulat sa mga laminang ginto, na nagbibigay-ulat tungkol sa mga dating naninirahan sa lupalop na ito, at kung saan sila nagbuhat. At kanya ring sinabi na ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo ay napapaloob dito, gaya ng ibinigay na ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao;

35 Gayundin, may dalawang bato sa mga balantok na pilak—at ang mga batong ito, na nakakabit sa isang baluti sa dibdib, ay siyang bumubuo ng tinatawag na Urim at Tummim—na nakalagak na kasama ng mga lamina; at ang pagmamay-ari at paggamit ng mga batong ito ay siyang kabuuan ng mga “tagakita” noong sinauna o nakaraang panahon; at ang mga yaon ay inihanda ng Diyos sa layuning maisalin ang aklat.

36 Matapos sabihin sa akin ang mga bagay na ito, sinimulan niyang ulitin ang mga propesiya sa Lumang Tipan. Una niyang inulit ang bahagi sa ikatlong kabanata ng Malakias; at inulit din niya ang ikaapat o huling kabanata sa yaon ding propesiya, bagaman may kaunting pagkakaiba sa kung paano ito mababasa sa ating mga Biblia. Sa halip na ulitin ang unang talata tulad ng mababasa sa ating mga aklat, inulit niya ito nang ganito:

37 Masdan, ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng palalo, oo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay masusunog na parang dayami; sapagkat yaong mga darating ang magsusunog sa kanila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na anupa’t hindi mag-iiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.

38 At muli, inulit niya ang ikalimang talata nang ganito: Masdan, ihahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.

39 Kakaiba rin niyang inulit ang sumusunod na talata: At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito.

40 Bilang karagdagan sa mga ito, inulit niya ang ikalabing-isang kabanata ng Isaias, at sinasabing malapit na itong matupad. Inulit din niya ang ikatlong kabanata ng Mga Gawa, ikadalawampu’t dalawa at ikadalawampu’t tatlong talata, na walang pagkakaiba sa mababasa natin sa Bagong Tipan. Sinabi niya na ang propetang yaon ay si Cristo; subalit hindi pa dumarating ang araw na “sila na hindi makikinig sa kanyang tinig ay pupuksaing lubos mula sa mga tao,” ngunit malapit nang dumating.

41 Inulit din niya ang ikalawang kabanata ng Joel, mula sa ikadalawampu’t walong talata hanggang sa huli. Sinabi rin niya na hindi pa ito natutupad, ngunit malapit na. At sinabi pa niya na ang kaganapan ng mga Gentil ay nalalapit na. Marami pa siyang inulit na iba pang sipi sa banal na kasulatan, at nagbigay ng maraming paliwanag na hindi maaaring banggitin dito.

42 Muli, sinabi niya sa akin, na kapag nakuha ko na ang mga lamina na kanyang binanggit—sapagkat ang panahon sa pagkuha nito ay hindi pa sumasapit—ay hindi nararapat na ang mga yaon ay ipakita ko kahit kanino mang tao; maging ang baluti sa dibdib na kasama ng Urim at Tummim; doon lamang sa kanila na ipag-uutos sa akin na pagpapakitaan ko ng mga yaon; at kung ipakikita ko roon sa mga hindi dapat makakita, ako ay mapaririwara. At habang nakikipag-usap siya sa akin tungkol sa mga lamina, ang pangitain ay nabuksan sa aking isip at nakita ko ang pook na kinalalagakan ng mga lamina, at iyon ay naging napakalinaw at namumukod-tangi kaya’t natukoy kong muli ang pook nang dalawin ko ito.

43 Pagkatapos ng pag-uusap na ito, ang liwanag sa silid ay nakita kong kaagad na nagsimulang matipon sa paligid ng taong nakipag-usap sa akin, at ito ay nagpatuloy hanggang sa ang silid ay muling magdilim, maliban sa malapit sa paligid niya; nang biglang makita ko, na waring isang lagusan ang nabuksan paakyat sa langit, at siya ay pumaitaas hanggang sa tuluyang maglaho, at ang silid ay naiwang kagaya nang una noong hindi pa lumilitaw ang makalangit na liwanag.

44 Sa aking pagkakahiga, ako ay nagnilay-nilay sa natatanging tagpo, at lubhang namangha sa mga sinabi sa akin nitong di pangkaraniwang sugo; nang sa gitna ng aking pagbubulay-bulay, bigla kong natuklasan na ang aking silid ay nagsisimula na namang lumiwanag, at sa isang iglap, kagaya noon, ang makalangit na sugo ring yaon ay nasa tabi na naman ng aking higaan.

45 Nagsimula siya, at isinalaysay niyang muli ang ganoon ding mga bagay na ginawa na niya noong una niyang pagdalaw, na walang anumang pagkakaiba; at pagkatapos noon, ipinaalam niya sa akin ang dakilang paghuhukom na darating sa lupa, na may malaking kalagiman sa pamamagitan ng taggutom, espada, at salot; at ang kalunus-lunos na paghuhukom na ito ay darating sa lupa sa kasalukuyang salinlahi. Matapos isalaysay ang mga bagay na ito, muli siyang pumaitaas kagaya nang ginawa niya noong una.

46 Sa mga sandaling iyon, sapagkat malalim ang pagkakakintal noon sa aking isipan, kung kaya’t ang antok ay napalis sa aking mga mata, at ako’y tuluyang nagupo sa pagkakamangha sa aking mga nakita at narinig. Subalit ganoon na lamang ang aking pagkabigla nang muli kong makita ang sugo ring yaon sa tabi ng aking higaan, at marinig na muli niyang inuusal at sinasabi sa akin ang mga binanggit niya noong una; at nagdagdag ng babala sa akin, at sinabi sa akin na susubukin akong tuksuhin ni Satanas (sa kadahilanang ang mag-anak ng aking ama ay maralita), na kunin ang mga lamina upang magpayaman. Dito ay pinagbawalan niya ako, at sinabi na wala akong dapat na maging layunin sa pagkuha ng mga lamina maliban sa ikaluluwalhati ng Diyos, at maudyukan ng ano pa mang layunin sa pagtatayo ng kanyang kaharian; kung hindi ay di ko makukuha ang mga yaon.

47 Matapos ang pangatlong pagdalaw na ito, ay muli siyang pumaitaas sa langit tulad ng dati, at ako ay naiwan na namang nagbubulay-bulay sa mga di pangkaraniwang pangyayaring kararanas ko lamang; nang halos kaagad-agad pagkatapos pumaitaas ang makalangit na sugo sa ikatlong ulit, ay tumilaok ang tandang, at napag-alaman ko na mag-uumaga na, kung kaya’t ang aming pag-uusap ay maaaring inabot ng magdamag.

48 Di naglaon ay bumangon ako sa aking higaan, at tulad ng dati ay nagtungo sa mga gawaing kinakailangan sa araw na iyon; subalit sa pagtatangka kong gumawa gaya ng mga ibang pagkakataon, ay napansin kong ang aking lakas ay naglaho kaya ako’y lubusang nawalan ng kakayahan. Ang aking ama na noon ay gumagawang kasama ko ay napunang may bumabagabag sa akin, at pinagsabihan ako na umuwi na. Tumalima ako na may layuning umuwi ng bahay; subalit sa aking pagtatangkang tumawid ng bakod palabas sa bukid na kinaroroonan namin, ay tuluyang nawala ang aking lakas, at ako ay bumagsak sa lupa na nanghihina, at ilang sandali ring nawalan ng kamalayan sa anumang bagay.

49 Ang tinig na nagsasalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan ang unang bagay na naalaala ko. Tumingala ako, at nakita ko ang sugo ring yaon, na nakatayo sa aking ulunan, at napalilibutan ng liwanag tulad noong una. Muli niyang isinalaysay sa akin ang mga isinalaysay na niya noong nakaraang gabi, at inutusan ako na magtungo sa aking ama at sabihin ang pangitain at ang mga kautusang natanggap ko.

50 Sumunod ako; at ako’y nagbalik sa aking ama sa bukid, at inilahad ko sa kanya ang buong pangyayari. Tumugon siya sa akin na yaon ay sa Diyos, at sinabihan ako na humayo at sundin ang iniuutos ng sugo. Nilisan ko ang bukid, at ako’y nagtungo sa pook na sinabi sa akin ng sugo na pinaglalagakan ng mga lamina; at dahil sa pamumukod-tangi ng pangitain ko tungkol sa bagay na ito, ay natukoy ko kaagad ang pook pagdating ko roon.

51 Malapit sa nayon ng Manchester, Ontario County, New York, ay isang burol na may kalakihan at siyang pinakamataas sa buong kapaligiran. Sa dakong kanluran ng burol na ito, di kalayuan sa tuktok, sa ilalim ng isang batong may kalakihan ay nakalatag ang mga laminang nakalagak sa isang kahong bato. Ang batong ito ay makapal at pabilog sa may bandang gitnang itaas, at papanipis tungo sa mga gilid, kung kaya’t ang gitnang bahagi nito ay nakikita sa ibabaw ng lupa, subalit ang gilid sa palibot ay natatabunan ng lupa.

52 Matapos kong maalis ang lupa, ay kumuha ako ng panikwas, at aking iniayos sa ilalim ng gilid ng bato, at sa kaunting pag-iinot ay naiangat. Tiningnan ko ang loob at nakita ko, naroroon nga ang mga lamina, ang Urim at Tummim at ang baluti sa dibdib kagaya ng sinabi ng sugo. Ang kahon na kinalalagyan ng mga iyon ay niyari sa pamamagitan ng paglalatag ng mga bato at pagdirikit sa mga ito ng mga sangkap na may uring semento. Sa ilalim ng kahon ay nakalatag ang dalawang bato na pahalang sa kahon, at sa mga batong ito nakapatong ang mga lamina at ang iba pang mga bagay na kasama nito.

53 Tinangka kong ilabas ang mga yaon, ngunit ako’y pinagbawalan ng sugo, at muling pinagsabihan na ang panahon ng paglalabas nito ay hindi pa dumarating, at hindi pa darating, hanggang sa makalipas ang apat na taon magmula sa panahong yaon; subalit pinagsabihan niya ako na kinakailangang magtungo ako sa pook na yaon sa ganap na isang taon mula sa panahong iyon, at doon ay makikipagtagpo siya sa akin, at ako ay kinakailangang magpatuloy na gawin ang gayon hanggang sa sumapit ang panahong maaari nang kunin ang mga lamina.

54 Kagaya ng ipinag-uutos sa akin, ako ay pumaparoon tuwing katapusan ng bawat taon, at sa tuwina ay natatagpuan ko roon ang sugo ring iyon, at tumatanggap ako ng tagubilin at kaalaman tuwing kami’y mag-uusap, tungkol sa kung ano ang gagawin ng Panginoon, at kung paano at sa anong paraan ang kanyang kaharian ay pangangasiwaan sa mga huling araw.

Pinakasalan ni Joseph Smith si Emma Hale—Natanggap niya ang mga laminang ginto mula kay Moroni at isinalin ang ilan sa nakaukit—Ipinakita ni Martin Harris ang mga nakaukit at pagsasalin kay Prof. Anthon, na nagsabing: “Hindi ko mababasa ang isang aklat na natatatakan.” (Talata 55–65).

55 Dahil sa hikahos na katayuan ng aking ama, kailangan naming gumawa sa pamamagitan ng aming mga kamay, namamasukan sa mga gawaing arawan at iba pa, hangga’t makakukuha kami ng pagkakataon. Kung minsan ay nasa tahanan kami at kung minsan ay nasa ibang lugar, at sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ay nakatamo ng maginhawang kabuhayan.

56 Noong taong 1823 ang mag-anak ng aking ama ay naharap sa isang matinding dalamhati dahil sa pagkamatay ng aking pinakamatandang kapatid na lalaki, si Alvin. Noong buwan ng Oktubre, 1825, namasukan ako sa isang matandang ginoo na nagngangalang Josiah Stoal, na naninirahan sa Chenango County, Estado ng New York. Nakarinig siya ng tungkol sa isang minahan ng pilak na binuksan ng mga Kastila sa Harmony, Susquehanna County, Estado ng Pennsylvania; at bago ang aking pamamasukan sa kanya, ay naghuhukay, upang kung maaari, ay matuklasan ang minahan. Matapos akong sumamang manirahan sa kanya, kinuha niya ako, kasama ang iba pa niyang mga tauhan, upang maghukay sa minahan ng pilak, kung saan ako nagpatuloy na gumawa nang halos isang buwan, na walang tagumpay sa aming ginagawa, at sa wakas ay napahinuhod ang matandang ginoo na itigil na ang paghuhukay rito. Doon nagsimula ang laganap na kuwento ng aking pagiging isang tagahukay ng salapi.

57 Sa panahon ng aking pamamasukan, nangasera ako kay Ginoong Isaac Hale, ng pook na yaon; doon ko unang nasilayan ang aking asawa (ang kanyang anak), si Emma Hale. Noong ika-18 ng Enero, 1827, ikinasal kami, habang namamasukan ako kay Ginoong Stoal.

58 Dahil sa aking patuloy na paninindigan na ako ay nakakita ng isang pangitain, patuloy akong sinundan ng pag-uusig, at ang mag-anak ng ama ng aking asawa ay labis na sumasalungat sa aming pagpapakasal. Kaya nga, ako ay napasailalim sa pangangailangan na dalhin siya sa ibang lugar; dahil dito, kami ay umalis at nagpakasal sa bahay ni Squire Tarbill, sa South Bainbridge, Chenango County, New York. Pagkatapos na pagkatapos ng aming kasal, nagbitiw ako kay Ginoong Stoal, at nagtungo sa aking ama, at kasama niyang nagsaka nang panahong yaon.

59 Sa tinagal-tagal ay dumating ang panahon upang kunin ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib. Noong ikadalawampu’t dalawa ng Setyembre, isanlibo walong daan at dalawampu’t pito, matapos akong magtungo gaya ng nakaugalian sa katapusan ng isa pang taon sa pook na kinalalagakan ng mga yaon, ay ibinigay sa akin ang mga iyon ng nasabi ring makalangit na sugo, at nagtagubilin nang ganito: Na ako ang may pananagutan sa mga yaon; na kung ang mga ito’y mawawala dahil sa kawalang-ingat, o dahil sa aking kapabayaan, ako ay iwawaksi; subalit kung aking gagawin ang lahat ng pagsisikap upang ang mga ito ay maingatan, hanggang kunin niya, ang sugo, ang mga ito, ito ay pangangalagaan.

60 Agad kong napag-alaman ang dahilan kung bakit tumanggap ako ng ganoong kahigpit na mga tagubilin na pakaingatan ang mga yaon, at kung bakit sinabi ng sugo na kung matupad ko ang mga nararapat kong gawin na iniatang sa aking mga kamay, ay kukunin niya ang mga yaon. Sapagkat hindi pa gaanong nagtatagal na nabunyag na ang mga yaon ay nasa akin, ay isang walang tigil na pamimilit ang ginamit upang ang mga yaon ay maagaw sa akin. Lahat ng pakana na maaaring gawin ay ginamit sa ganoong layunin. Ang pag-uusig ay higit na naging mapait at matindi kaysa noong una, at ang mga tao ay laging nakahanda upang makuha sa akin kung maaari ang mga yaon. Subalit sa karunungan ng Diyos, yaon ay nanatiling ligtas sa aking mga kamay, hanggang sa matapos ko ang mga kinakailangan na iniatang sa aking mga kamay. Alinsunod sa napagkasunduan, nang hingin ng sugo ang mga iyon ay ibinigay ko yaon sa kanya; at ang mga yaon ay nasa kanyang pag-iingat magpahanggang sa araw na ito, na ikalawang araw ng Mayo, isanlibo walong daan at tatlumpu’t walo.

61 Ang kaguluhan, gayon man, ay nagpatuloy pa rin, at ang usap-usapan lakip ang isanlibo niyang dila ay buong panahong nagpapalaganap ng mga kasinungalingan tungkol sa mag-anak ng aking ama, at tungkol sa aking sarili. Kung ilalahad ko ang isa sa isanlibong bahagi ng mga yaon, ay makapupuno ng mga aklat. Ang pag-uusig, gayon man, ay umabot na sa kasukdulan na napilitan akong umalis sa Manchester, at kasama ang aking asawa ay nagtungo sa purok ng Susquehanna, sa estado ng Pennsylvania. Habang naghahandang lumisan—sa labis na kahirapan, at napakabigat na pag-uusig sa amin na wala ng pagkakataon upang magkaroon ng pagbabago sa amin—sa gitna ng aming mga paghihirap ay nakakita kami ng kaibigan sa isang ginoong nagngangalang Martin Harris, na nagtungo sa amin at nagbigay sa akin ng limampung dolyar upang makatulong sa aming paglalakbay. Si Ginoong Harris ay naninirahan sa kabayanan ng Palmyra, Wayne County, sa estado ng New York, at isang iginagalang na magsasaka.

62 Dahil sa napapanahong tulong na ito ay nagawa kong makarating sa lugar na aking paroroonan sa Pennsylvania; at agad-agad pagkarating ko roon ay sinimulan kong sipiin ang mga titik mula sa mga lamina. Nakasipi ako ng marami-raming bilang nito, at sa pamamagitan ng Urim at Tummim isinalin ko ang ilan sa kanila, na aking ginawa sa pagitan ng panahong dumating ako sa bahay ng ama ng aking asawa, sa buwan ng Disyembre, at ng sumunod na Pebrero.

63 Isang araw sa buwan ng Pebrero, ang nabanggit na si Ginoong Martin Harris ay dumating sa aming lugar, kinuha ang mga titik na naiguhit ko mula sa mga lamina, at dinala ang mga yaon sa lunsod ng New York. Kung ano man ang naganap sa kanya at sa mga titik, ihaharap ko ang sarili niyang salaysay ng mga pangyayari, ayon sa mga inilahad niya sa akin pagkabalik niya, ito ang mga sumusunod:

64 “Nagtungo ako sa lunsod ng New York, at ipinakita ang mga titik na naisalin na, lakip ang pagkakasalin nito, kay Profesor Charles Anthon, isang tanyag na ginoo dahil sa kanyang kakayahang pampanitikan. Sinabi ni Profesor Anthon na wasto ang pagkakasalin, higit pa sa alinmang isinalin mula sa wikang Egipto na nakita na niya. Pagkatapos ay ipinakita ko sa kanya yaong mga hindi pa naisasalin, at sinabi niya na ang mga ito ay mga nasa wikang Egipto, Caldeo, Asiria, at Arabo; at sinabi niya na tunay na mga titik ang mga yaon. Binigyan niya ako ng isang katibayan, na nagpapatunay sa mga taga-Palmyra na tunay na mga titik ang mga yaon, at ang pagkakasalin ng mga yaong naisalin na ay wasto rin. Kinuha ko ang katibayan at isinilid ito sa aking bulsa, at papaalis na sa kabahayan, nang muli akong tawagin ni Ginoong Anthon, at tinanong ako kung paano natuklasan ng kabataang lalaki na may mga laminang ginto sa lugar na kinatagpuan niya nito. Sumagot ako na isang anghel ng Diyos ang naghayag nito sa kanya.

65 “Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, ‘Maaari ko bang makita ang katibayang iyan.’ Alinsunod dito, kinuha ko ito sa aking bulsa at ibinigay sa kanya, nang kinuha niya ito at puniting pira-piraso, sinasabing wala nang gayong bagay tulad ng paglilingkod ng mga anghel sa ngayon, at kung dadalhin ko ang mga lamina sa kanya ay isasalin niya ang mga ito. Ipinaalam ko sa kanya na isang bahagi ng mga lamina ay mahigpit na nakasara, at pinagbawalan akong dalhin ang mga yaon. Tumugon siya, ‘Hindi ako makababasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara.’ Iniwan ko siya at nagtungo kay Doktor Mitchell, na pinatibayan ang sinabi ni Profesor Anthon hinggil sa mga titik at pagkakasalin.”

· · · · · · ·

Naglingkod si Oliver Cowdery bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon—Natanggap nina Joseph at Oliver ang Pagkasaserdoteng Aaron mula kay Juan Bautista—Sila ay nabinyagan, naordenan, at natanggap ang diwa ng propesiya. (Talata 66–75.)

66 Noong ika-5 araw ng Abril, 1829, dumating si Oliver Cowdery sa aking tahanan, kailanma’y hindi ko pa siya nakita kundi noon lamang. Sinabi niya sa akin na sa pagtuturo sa paaralan na malapit sa lugar na tinitirahan ng aking ama, at ang aking ama bilang isa sa mga nagpadala sa paaralan, siya ay nagtungo upang mangasera ng ilang panahon sa kanyang bahay, at habang naroroon ay inilahad ng mag-anak sa kanya ang mga pangyayari sa pagkakatanggap ko ng mga lamina, at alinsunod dito ay nagtungo siya upang magtanong sa akin.

67 Dalawang araw pagkarating ni Ginoong Cowdery (noong ika-7 ng Abril) sinimulan kong isalin ang Aklat ni Mormon, at nagsimula siyang magsulat para sa akin.

· · · · · · ·

68 Ipinagpatuloy pa rin namin ang gawain ng pagsasalin, nang, isang araw ng sumunod na buwan (Mayo, 1829), kami ay nagtungo sa kakahuyan upang manalangin at magtanong sa Panginoon hinggil sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na natagpuan naming nabanggit sa pagkakasalin ng mga lamina. Habang kami ay nasa gayong ayos, nananalangin at nananawagan sa Panginoon, isang sugo mula sa langit ang bumaba sa isang ulap ng liwanag, at habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin, inordenan niya kami, sinasabing:

69 Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang sa ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan.

70 Sinabi niya na ang Pagkasaserdoteng Aaron na ito ay walang kapangyarihan ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, subalit ito’y igagawad sa amin pagkaraan nito; at inutusan niya kami na humayo at magpabinyag, at nagbigay sa amin ng tagubilin na dapat kong binyagan si Oliver Cowdery, at pagkatapos ay dapat niya akong binyagan.

71 Alinsunod dito, humayo kami at nabinyagan. Una ko siyang bininyagan, at pagkatapos ay bininyagan niya ako—matapos ito ay ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo at inordenan siya sa Pagkasaserdoteng Aaron, at pagkatapos ay ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa akin at inordenan ako sa yaon ding Pagkasaserdote—sapagkat sa gayon kami inutusan.*

72 Ang sugo na dumalaw sa amin sa pagkakataong ito at naggawad sa amin ng Pagkasaserdoteng ito, ay nagsabi na Juan ang kanyang pangalan, siya ring tinatawag na Juan Bautista sa Bagong Tipan, at na siya ay kumikilos sa ilalim ng tagubilin nina Pedro, Santiago at Juan, na may hawak ng mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, na kung aling Pagkasaserdote, sinabi niya, ay igagawad sa amin sa takdang panahon, at ako ay dapat tawaging ang Unang Elder ng Simbahan, at siya (Oliver Cowdery) ang pangalawa. Ito ay noong ikalabinlimang araw ng Mayo, 1829, na kami ay inordenan sa ilalim ng mga kamay ng sugong ito, at nabinyagan.

73 Agad-agad sa pag-ahon namin sa tubig matapos kaming mabinyagan, nakaranas kami ng dakila at maluwalhating mga pagpapala mula sa ating Ama sa Langit. Hindi pa natatagalan nang mabinyagan ko si Oliver Cowdery, nang napasakanya ang Espiritu Santo, at tumayo siya at nagpropesiya ng maraming bagay na di maglalaon ay mangyayari. At muli, hindi pa natatagalan matapos niya akong mabinyagan, ako rin ay nagkaroon ng diwa ng propesiya, nang, sa pagtayo, nagpropesiya ako hinggil sa paglaganap ng Simbahang ito, at marami pang ibang bagay na nauugnay sa Simbahan, at sa salinlahing ito ng mga anak ng tao. Napuspos kami ng Espiritu Santo, at nagsaya sa Diyos ng aming kaligtasan.

74 Ngayong naliwanagan na ang aming mga isipan, nagsimulang mabuksan sa aming mga pang-unawa ang mga banal na kasulatan, at ang tunay na kahulugan at layunin ng higit na mahiwaga nilang mga sipi ay inihayag sa amin sa isang pamamaraan na hindi namin kailanman naabot noong una, ni hindi namin naisip ito noon. Samantala, napilitan kaming ipaglihim ang mga pangyayari sa pagkakatanggap ng Pagkasaserdote at ng aming pagkakabinyag, sanhi sa diwa ng pag-uusig na makikita sa aming purok.

75 Binantaan kaming durumugin, manaka-naka, at ito, rin, ng mga mangangaral ng relihiyon. At ang kanilang mga tangkang dumugin kami ay nahadlangan lamang dahil sa impluwensiya ng mag-anak ng ama ng aking asawa (sa ilalim ng awa at tulong ng Diyos), na naging napakabait sa akin, at tumututol sa mga mandurumog, at sumasang-ayon na ako ay pahintulutang magpatuloy sa gawain ng pagsasalin nang walang abala; at kaya nga nag-alok at nangako sa amin na pangangalagaan mula sa lahat ng hakbang na labag sa batas, sa abot ng kanilang makakaya.

  • Inilarawan ni Oliver Cowdery ang mga pangyayari nang ganito: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan—ang maupo sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ng isang sukdulang pasasalamat ang pusong ito! Sa araw-araw ako ay nagpatuloy, nang walang umaabala, na magsulat mula sa kanyang bibig, habang isinasalin niya sa pamamagitan ng Urim at Tummim, o gaya ng sinasabi ng mga Nephita, ‘Mga Tagasalin,’ ang kasaysayan o talaang tinatawag na ‘Ang Aklat ni Mormon.’

    “Ang bigyang-pansin, maging sa ilang salita, ang kawili-wiling ulat na ibinigay ni Mormon at ng kanyang matapat na anak, na si Moroni, na tungkol sa isang pangkat ng mga tao na minsan ay minahal at pinagpala ng langit, ay makalalabis sa aking balakin sa ngayon; kaya nga ipagpapaliban ko muna ito sa darating na panahon, at gaya ng aking nabanggit sa pambungad, higit na tatalakay sa ilang pangyayari na tuwirang nag-uugnay sa simula ng Simbahang ito, na maaaring maging kawili-wili sa ilang libong nagsilapit, sa gitna ng hindi pagsang-ayon ng mga bulag na tagasunod at paninirang-puri ng mga mapagkunwari, at tinanggap ang Ebanghelyo ni Cristo.

    “Walang sinuman, sa kanilang mahinahong pag-iisip, ang makapagsasalin at makapagsusulat ng mga tagubilin na ibinigay sa mga Nephita mula sa bibig ng Tagapagligtas, sa wastong pamamaraan kung paano itatayo ng tao ang Kanyang Simbahan, at lalung-lalo na’t ang katiwalian ay nagpalaganap ng pag-aalinlangan sa lahat ng kaayusan at mga pamamaraang isinasagawa sa tao, nang hindi maghahangad ng pribilehiyong maipakita ang kahandaan ng puso sa pamamagitan ng paglilibing sa likidong libingan, upang makasagot ng may ‘malinis na budhi sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo.’

    “Matapos isulat ang ulat na ibinigay hinggil sa ministeryo ng Tagapagligtas sa labi ng mga binhi ni Jacob, sa lupalop na ito, madaling makita, gaya ng sinabi ng propeta, na ang kadiliman ay bumalot sa mundo at labis na kadiliman sa mga isipan ng tao. Sa pagbubulay-bulay pa ay napakadaling makita na sa gitna ng labis na sigalutan at ingay hinggil sa relihiyon, walang may karapatan mula sa Diyos upang isagawa ang mga ordenansa ng Ebanghelyo. Sapagkat maaaring itanong, ang tao ba ay may karapatang gumawa sa pangalan ni Cristo, na nagtatatwa ng mga paghahayag, samantalang ang kanyang patotoo ay wala nang iba kundi ang diwa ng propesiya, at ang Kanyang relihiyon ay nakabatay, nakatayo, at itinataguyod sa pamamagitan ng kaagad na paghahayag, sa lahat ng kapanahunan ng daigdig nang Siya ay nagkaroon ng mga tao sa mundo? Kung ang mga katotohanang ito ay nailibing, at maingat na itinago ng mga tao na ang mga katusuhan ay maaaring magdulot ng panganib kung mapahihintulutang magliwanag kahit minsan sa mga mukha ng tao, ang mga ito ay hindi sa atin; at maghihintay lamang tayo ng kautusang ibibigay ‘Magsipagbangon at magpabinyag.’

    “Ito ay hindi matagal na hinangad bago naganap. Ang Panginoon na sagana sa awa, at sa tuwina’y nakahandang sumagot sa walang tigil na panalangin ng mapagpakumbaba, matapos kaming manawagan sa kanya sa mataimtim na paraan, maliban sa mga tinitirahan ng mga tao, ay nagpakababa upang ipaalam sa amin ang kanyang kalooban. Nang bigla, tila baga mula sa gitna ng kawalang-hanggan, ang tinig ng Manunubos ay nangusap ng kapayapaan sa amin, habang ang tabing ay nahawi at ang anghel ng Diyos ay bumaba na nadaramitan ng kaluwalhatian, at inihatid ang pinakahihintay na mensahe, at ang mga susi ng Ebanghelyo ng pagsisisi. Anong ligaya! anong kababalaghan! anong panggigilalas! Habang ang daigdig ay pinahirapan at nagkakagulo—habang ang milyun-milyon ay nangangapa tulad ng bulag na naghahanap ng pader, at habang ang lahat ng tao ay nakasandig sa kawalang-katiyakan, na pangkalahatan, namalas ng aming mga mata, narinig ng aming mga tainga, tulad ng ‘sikat ng araw’; oo, higit pa—sa ibabaw ng kislap ng sinag ng araw ng Mayo, na nagsabog ng kanyang kaningningan sa mukha ng kalikasan! Nang panahong iyon ang kanyang tinig, bagaman malumanay, ay tumagos sa kaibuturan, at ang kanyang mga salita, ‘Ako ay inyong kapwa tagapaglingkod,’ ay pumawi sa lahat ng takot. Kami ay nakinig, kami ay tumitig, kami ay humanga! Ito ay tinig ng isang anghel mula sa kaluwalhatian, ito ay isang mensahe mula sa Kataas-taasan! At nang aming marinig kami ay nagsaya, habang ang Kanyang pag-ibig ay pumupukaw sa aming mga kaluluwa, at kami ay nabalot sa pangitain ng Pinakamakapangyarihan! Mayroon pa bang puwang sa pag-aalinlangan? Wala na; kawalang-katiyakan ay naglaho, ang pag-aalinlangan ay lumubog upang hindi na muling lumitaw, habang ang kathang-isip at panlilinlang ay naglaho magpakailanman!

    “Subalit, mahal kong kapatid, mag-isip, saglit na mag-isip pa, anong ligaya ang pumuspos sa aming mga puso, at sa pagkabigla kami ay napaluhod, (sapagkat sino ba ang hindi luluhod sa gayong pagbabasbas?) Nang aming matanggap sa ilalim ng kanyang kamay ang Banal na Pagkasaserdote tulad ng kanyang sinabi, ‘Sa inyo aking mga kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng ito at karapatang ito, na mananatili sa lupa, upang ang mga Anak na Lalaki ni Levi ay maaari muling mag-alay ng isang handog sa Panginoon sa kabutihan!’

    “Hindi ko tatangkaing ilarawan sa iyo ang damdamin ng pusong ito, ni ang dakilang kagandahan at kaluwalhatiang pumalibot sa amin sa pagkakataong ito; subalit paniniwalaan ninyo ako kung aking sasabihin, na ang mundo, ni mga tao man, sa kagalingan ng panahon, ay hindi masisimulang madamitan ang wika ng kasing kaakit-akit at kahanga-hangang pamamaraan gaya ng banal na katauhang ito. Wala; ni ang mundong ito ay may kapangyarihang magbigay ng kaligayahan, magkaloob ng kapayapaan, o maunawaan ang karunungan na nakapaloob sa bawat pangungusap habang ang mga ito ay inihahatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu! Maaaring malinlang ng tao ang kanyang kapwa, ang panlilinlang ay maaaring sundan ng panlilinlang, at ang mga anak ng masasama ay maaaring magkaroon ng kapangyarihang akitin ang hangal at ang hindi naturuan, hanggang sa mapawalang-saysay subalit ang bungang-isip ang nagpapakain sa marami, at natatangay ng bunga ng kabulaanan sa kanyang agos ang salawahan tungo sa libingan; subalit isang haplos ng daliri ng kanyang pagmamahal, oo, isang sinag ng kaluwalhatian mula sa itaas ng daigdig, o isang salita mula sa bibig ng Tagapagligtas, mula sa sinapupunan ng kawalang-hanggan, maipalalagay ang lahat ng ito sa kawalang-saysay, at binubura ito magpakailanman mula sa isipan. Ang katiyakan na kami ay nasa harapan ng isang anghel, ang katiyakan na narinig namin ang tinig ni Jesus, at ang katotohanang walang dungis habang ito ay dumadaloy mula sa isang dalisay na katauhan, idinidikta ng kalooban ng Diyos, para sa akin ay hindi mailalarawan, at ako kailanman ay tatanaw sa pagpapahiwatig na ito ng kabutihan ng Tagapagligtas nang may kamanghaan at pasasalamat habang ako ay pinahihintulutang mabuhay; at sa mga tahanang yaon kung saan nananahanan ang kaganapan at ang kasalanan ay hindi makapaparoon, umaasa ako na pakamamahalin sa araw na yaon na hindi magwawakas.”—Messenger and Advocate, tomo 1 (Oktubre, 1834), pp. 14–16.