2020
Ang Espiritu ang Gumawa ng Kaibhan
Pebrero 2020


Mga Pagpapala ng Pag-asa sa Sarili

Ang Espiritu ang Gumawa ng Kaibhan

Dahil sa isang kurso ng Self-Reliance Services at sa patnubay mula sa Espiritu Santo, nagkaroon ng lakas ng loob si Molly Kohrman na magsimula ng sarili niyang negosyo.

Larawan
woman working in her bakery

Paano kaya nangyari na ang isang tao na may degree sa recreational therapy at 10 taong karanasan sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ay nagpasiyang magbukas ng isang tindahan ng panghimagas na nagbebenta ng makukulay na brownies, blondies, at sorbetes?

Para kay Molly Kohrman, simple lang ang sagot. Noong 2017, dumalo siya sa 12-linggong kurso ng Self-Reliance Services na nagtuturo kung paano magsimula at magpalago ng sariling negosyo. Dahil sa kursong iyon, nagkaroon siya ng lakas ng loob na gawin ang matagal na niyang gustong gawin.

“Nag-aral ako ng paggawa ng pastry sa Washington, D.C., at pumasok sa isang paaralan sa pagluluto sa Utah,” sabi niya. “Nang ibalita sa stake namin na magkakaroon ng mga klase ng self-reliance, naisip ko, ‘Siguro dapat kong alamin kung ano ito. Matagal ko nang gustong magkaroon ng sarili kong negosyo. May nadaluhan na akong ibang mga klase tungkol sa pagnenegosyo. Wala namang masama kung dadagdagan ko pa ang nalalaman ko.’”

Ang kursong ito ay hindi katulad ng iba pang mga klase sa pagnenegosyo o paggawa ng pastry na nadaluhan ni Molly. Ayon sa kanya, naiiba ito dahil sa presensya ng Espiritu Santo at sa pagkakaibigan ng mga miyembro ng klase.

“Maganda at nakakatulong ang mga talakayan tungkol sa negosyo,” sabi niya, “pero ang espirituwal na aspeto na iniuugnay sa mga talakayan tungkol sa negosyo ang gumawa ng pinakamalaking kaibhan para sa akin.”

Mga Talento at Mahirap na Pagpapasiya

“Nahirapan akong magpasiya,” sabi ni Molly. “Inisip ko kung ang paggamit ng lahat ng aking naimpok na pera, panahon, at lakas para magsimula ng negosyo ang pinakamagandang gawin sa resources ko, sapagkat noong panahong iyon ay tumutulong ako na mapigilan ang mga taong nagtatangkang magpatiwakal.”

Sa kanyang unang klase, si Molly at ang iba pang mga dumalo ay nagkaroon ng talakayan tungkol sa pagnanais ng Panginoon na magtagumpay ang Kanyang mga Banal at pumili ng kabuhayan na magpapasaya sa kanila. Tinanong niya ang grupo, “Paano ninyo pagtutugmain ang paggamit ng mga talentong ibinigay sa inyo para sa paggawa ng mahahalagang bagay at ang mga talento ninyo para sa paggawa ng mga bagay na gusto lang ninyong gawin?”

Habang pinag-uusapan ng grupo ang kanyang tanong, napagtanto ni Mollie na hindi lamang siya basta magbebenta ng brownies. Kung magtatagumpay ang negosyo niya, makakapagbigay siya ng trabaho sa mga tao, magkakaroon siya ng pera para makapag-ambag sa mga makabuluhang adhikain, at kapag nabawasan na ang oras niya sa trabaho, maaari siyang magboluntaryo sa gawaing panlipunan.

“Sa talakayang iyon ko lang talaga lubos na naunawaan. Hindi ko iyon napagtanto hanggang sa makasama ko sa isang silid ang mga taong kapareho kong mag-isip,” sabi niya. “Magkakaiba ang estado ng mga negosyo namin at magkakaiba rin ang kalagayan namin sa buhay, pero naroon ang Espiritu, at talagang pinatnubayan nito ang aming talakayan—sa bawat klase. Napagtanto ko na kung talagang gusto kong magkaroon ng sariling negosyo, susuportahan ako ng Ama sa Langit.”

Mga Brownies at Pagpapala

Sa kalagitnaan ng kanyang 12-linggong kurso, nagsimula nang mag-bake at mamigay ng brownies si Molly sa 10 miyembro ng kanyang grupo sa self-reliance.

“Mukhang nagustuhan naman nila, at nagbigay pa ng magandang feedback ang iba,” sabi niya. “Sinubukan kong gumawa ng iba’t ibang timpla at frosting at gumamit ng iba’t ibang sangkap. Sa pagtatapos ng klase, may magandang ideya na ako kung ano ang gusto kong gawin.”

Ayon kay Molly, kailangang magtipon ang kanyang grupo linggu-linggo, siguraduhing nagagawa ng bawat isa ang ipinangako nila noong nakaraang linggo, alamin kung paano at kanino hihingi ng tulong, at ituro sa bawat isa ang kinakailangang resources.

“Sa buong panahon na magkakasama kami, nadama kong pinagpala at sinuportahan ako ng mga tao sa aking grupo,” sabi niya. “Tinulungan ako ng klase na malaman ang lahat ng bagay na dapat kong malaman.”

Matapos buksan ang kanyang tindahan ng brownie noong taglagas ng 2018, natuklasan kaagad ni Molly na mas maraming oras pala ang kailangan sa pagpapatakbo ng negosyo kaysa sa inakala niya. Pero patuloy siyang pinagpapala ng alituntuning natandaan niya mula sa kanyang klase sa self-reliance.

“Tinalakay namin na kakailanganin namin ng maraming oras para sa negosyo, pero may magagawang kaibhan kung maglalaan kami ng oras para sa Espiritu,” sabi niya. “Napatunayan kong totoo iyon. Kapag nalulula at napapagod ako sa dami ng gagawin, nakikinig ako ng mga banal na kasulatan o ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya habang mag-isa akong nagtatrabaho sa umaga, at napapagaan nito ang pakiramdam ko at napapayapa ako.”

Ang kapayapaang iyon at ang mga suking sabik, masaya, at nalulugod ang naghihikayat kay Molly na magpatuloy—kahit pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho.

“Hindi ko masisimulan ang negosyong ito kung wala ang tulong ng Ama sa Langit,” sabi niya. “At kung wala ang tulong at suporta ng iba pang tao, hindi ito magiging posible. Napakagandang pagkakataon nito. Matagal ko na itong gustong gawin.”

At salamat sa kanyang klase sa self-reliance, “Nabigyan ako ng pagkakataon na sumubok.”

Larawan ng mga gamit sa pagbe-bake mula sa Getty Images