2020
Isang Templo para kay Ítalo
Pebrero 2020


Isang Templo para kay Ítalo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Hindi na siya makapaghintay na makapasok doon balang-araw!

“Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).

Nasasabik na si Ítalo sa pagpunta ng kanilang ward sa templo. Pupunta sila sa Recife Brazil Temple. Magbibiyahe sila nang 15 oras!

Umalis nang maaga si Ítalo, ang kanyang kuya na si Henrique, at ang kanilang mga magulang. Habang nasa biyahe, naiisip pa rin ni Ítalo ang sinabi ng nanay niya sa kanya. “Ngayong taon, makikita mo kung gaano kaganda ang labas ng templo,” sabi nito. “Sa susunod na taon, nasa hustong gulang ka na para makita kung gaano kaganda ang loob ng templo.”

Hindi pa nakapunta si Ítalo sa anumang templo. Pero pinapanood niya ang pagtatayo ng bagong templo sa Fortaleza, kung saan nakatira ang kanyang pamilya. Napakaganda niyon!

Huminto muna sila para mananghalian. Kumain si Ítalo ng kanyang paboritong feijoada, nilagang black bean na may kasamang kanin at mga kahel. Habang kumakain, naiisip pa rin niya ang templo. Kapag nailaan na ang templo sa Fortaleza, maaari itong puntahan palagi ng kanyang pamilya. Hindi na nila kakailanganing bumiyahe nang napakalayo.

Palubog na ang araw nang dumating si Ítalo at ang kanyang pamilya sa templo sa Recife. “Que bonito!” sabi ni Ítalo. “Napakaganda!” Hindi niya mapigilang ngumiti.

Kinaumagahan, dinala si Ítalo ng nanay niya sa silid-hintayan ng mga bata. “Kahit hindi ka pa makakapasok sa loob ng templo ngayon,” sabi nito, “tingnan mo kung may madarama kang espesyal habang nasa bakuran ka ng templo.” Pagkatapos ay pumasok na sa templo ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Ítalo.

Binantayan ng mababait na manggagawa sa templo si Ítalo at ang iba pang mga bata habang naghihintay sila. Nagbasa sila ng mga kuwento mula sa Livro de Mórmon (Aklat ni Mormon). “Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay mabuting paraan upang makapaghanda para sa pagpasok sa templo,” naisip ni Ítalo. Nakadama siya ng kapanatagan at kaligtasan. Tama ang nanay ko, naisip niya. Mapayapa rito.

Pagkatapos ay inilibot ng mga manggagawa sa templo si Ítalo at ang iba pang mga bata. Doon napansin ni Ítalo ang mga salita sa pasukan ng templo. “Santidade ao Senhor. A casa do Senhor,” sabi rito. “Kabanalan sa Panginoon: ang Bahay ng Panginoon”

Kaya pala payapa ang pakiramdam ko rito, naisip niya. Ito ay bahay ng Diyos.

Nang matapos na ang pagbisita nila sa templo, umuwi na si Ítalo at ang kanyang pamilya. Gusto niyang maalala ang nadama niya sa templo. Ano ang puwede niyang gawin?

Para kay Ítalo, kung minsan ay mas madaling idrowing kung ano ang nadama niya kaysa magsulat tungkol dito. Kaya nagdrowing siya ng larawan ng templo. Pagkatapos ay ipinakita niya ito sa nanay at tatay niya.

“Maipapaalala nito sa akin kung saan ko gustong pumunta,” sabi niya. Inilagay niya ang larawan sa kanyang silid kung saan makikita niya ito araw-araw.

“Gusto kong maging handa,” sabi niya. “Dahil gusto kong makapasok doon balang-araw!” ●

Mga paglalarawan ni Mitch Miller