2020
Gusto Ko Nang Umuwi
Pebrero 2020


“Gusto Ko Nang Umuwi”

Larawan
woman waving to man at a gas station

Paglalarawan ni Allen Garns

Habang nanananghalian kaming mag-asawa sa isang tindahan ng sandwich sa aming lugar, pumasok ang isang lalaki na mukhang gusgusin, naliligaw, at naguguluhan. Nang lumapit siya sa mesa namin, nagulat ako na hindi siya humingi ng pera. Nagtanong lang siya kung paano magpunta sa Flagstaff, Arizona. Binigyan namin siya ng direksyon papunta roon. Pinasalamatan niya kami at pagkatapos ay umalis na siya.

Pagkakain namin ay bumiyahe na kami pauwi. Maya-maya pa, nakita ko ang lalaki na naglalakad papunta sa isang gasolinahan. Naramdaman ko na kailangan ko siyang tulungan kaya sinabihan ko ang aking asawa na huminto sa gasolinahan. Nilapitan ko ang lalaki at nagpakilala ako. Makikita ang lungkot at pagod sa kanyang mga mata. Tila kulu-kulubot na ang kanyang mukha dahil sa kahirapan.

Tinanong ko kung paano niya balak pumunta sa Flagstaff. Sinabi niya na balak niyang maglakad. Alam ko na imposibleng magawa iyon dahil mahigit 120 milya (193 km) ang layo ng Flagstaff. Binigyan ko siya ng pera at sinabi ko sa kanya na maaari muna siyang pumunta sa isang kalapit na restawran para bumili ng pagkain at babalikan ko siya para dalhin sa istasyon ng bus at bilhan ng tiket papuntang Flagstaff.

Bumalik ako sa sasakyan at sinabi ko sa aking asawa kung ano ang nangyari. Dahil may problema sa kalusugan ang aking asawa, tumawag ako sa isang kaibigan at inanyayahan ko siya na samahan akong bumalik. Pumayag siya. Nagbaon kami ng panustos, pagkain, at tubig. Pagkatapos ay bumiyahe na kami papunta sa restawran para sunduin ang lalaki.

Habang bumibiyahe kami papunta sa istasyon ng bus, paulit-ulit na sinasabi ng kawawang lalaking ito na, “Gusto ko nang umuwi.” Itinanong ko kung sa Flagstaff siya nakatira. Hindi raw, pero nakatira roon ang kanyang anak na ilang taon na niyang hindi nakakausap. Ipinaliwanag niya na kalalaya lamang niya mula sa bilangguan mga dalawang linggo na ang nakararaan. Siya at ang isa pang napalayang bilanggo ay ibinaba sa istasyon ng bus at binigyan ng tig-isang tiket. Ninakaw ng kasama niyang bilanggo ang kanyang tiket at ang kakaunting perang mayroon siya. Mula noon ay nagpagala-gala na siya sa lansangan. Walang sinuman na gustong tumulong sa kanya.

“Gusto ko nang umuwi,” sabi niyang muli.

Dumating kami sa istasyon ng bus. Binilhan ko siya ng tiket at binigyan ng pera at ng panustos na baon namin. Nagpasalamat siya sa amin at umupo. Habang bumibiyahe kami pauwi, paulit-ulit pumasok sa isip ko ang sinabi ng lalaking iyon: “Gusto ko nang umuwi.”

Hindi ba iyon ang nais nating lahat? Lumisan tayong lahat sa mapagmahal na tahanang kinagisnan natin nang pumarito tayo sa lupa. Maaari tayong maligaw ng landas, kaya ipinakita ni Jesucristo ang landas na dapat nating tahakin at, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, binayaran Niya ang kahuli-hulihang kabayaran para sa ating mga kasalanan. Tulad ng lalaking iyon na hindi makauwi nang hindi tinutulungan, hindi rin tayo makababalik sa ating tahanan sa langit kung wala ang ating Tagapagligtas.