2020
Paano Ako Nagkaroon ng Pananampalataya nang Madama Ko na Tila Nawala na sa Akin ang Lahat
Pebrero 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ako Nagkaroon ng Pananampalataya nang Madama Ko na Tila Nawala na sa Akin ang Lahat

Ang pagkawala ng aking kamay at ng mga mahal ko sa buhay ay mahihirap na pagsubok, ngunit tinulungan ako ng Ama sa Langit na magbago at maging mas mabuti.

Isang gabi habang nakaluhod ako sa tabi ng kama, hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong magkaroon ng higit na pananampalataya, na naaalala ang isang talata sa Bagong Tipan kung saan hiniling ng isang disipulo kay Jesucristo na “dagdagan mo ang pananampalataya namin” (tingnan sa Lucas 17:5). Wala akong ideya noon na kaagad pagkatapos ng panalanging ito, mahaharap ako sa ilan sa pinakamahihirap na pagsubok sa buhay ko. Lubos akong nagpapasalamat na hiniling ko na noon na dagdagan ang aking pananampalataya sa Tagapagligtas nang dumating ang mga pagsubok na iyon, dahil hindi ko alam kung paano ko malalagpasan ang mga iyon nang walang tulong ng aking Ama sa Langit.

Ilang araw pagkatapos ng panalanging iyon, nagkaroon ako ng matinding aksidente kung saan halos mawala sa akin ang buong kaliwang kamay ko at kinailangang putulin ang lahat ng daliri ko sa kamay na iyon. Malinaw na hindi na naging katulad ng dati ang buhay ko. Bagama’t nadama ko ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit at ng aking pamilya at mga kaibigan sa mahabang proseso ng mga operasyon at therapy, napakahirap niyon.

Isang araw matapos sabihin sa akin ng doktor ko na kakailanganin kong magpa-physical therapy nang ilang buwan, umuwi akong umiiyak at tinanong ko ang Ama sa Langit, “Gaano katagal ko po kailangang tiisin ito?” Kaagad, parang may banayad at malinaw na tinig na nagsabi sa akin, “Hindi ka uunlad nang walang mga pagsubok. Higit pa riyan ang kailangan mo.”

Hindi ako makapaniwala na nakatanggap ako kaagad ng sagot sa aking panalangin. Sa sandaling iyon, determinado akong sumulong nang may pananampalataya. Nagpasiya akong muling ipasa ang aking papeles sa misyon at maglingkod sa Diyos, sa kabila ng mga pagsubok sa buhay ko. Makaraan ang ilang buwan natanggap ko ang aking mission call sa Guatemala Guatemala City South Mission! Ngunit hindi rin naging madali iyon. Nangailangan iyon ng tapang at lakas-ng-loob na tanggapin ang aking sitwasyon, kalimutan ang aking sarili, at anyayahan ang iba na sundin si Cristo.

Pag-alaala na Magagawa Ko ang Mahihirap na Bagay

Napakaganda ng misyon ko. Natutuhan kong higit pang pahalagahan ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at nagkaroon ako ng tiwala sa sarili na ibahagi ang aking patotoo at maghatid ng pag-asa sa maraming tao na hindi alam kung saan ito matatagpuan. Nadama ko na binabago ng Ama sa Langit ang puso ko. Noon ko lang naranasan ang pakiramdam na mahalin ang mga taong hindi ko kilala at maging handang ibigay ang lahat ng mayroon ako para sa kanila nang walang pag-aatubili hanggang ngayon—naglalakad araw-araw, umulan man o umaraw, pagod at masakit ang aking mga paa.

Pagkatapos ng misyon ko, lahat ng karanasang iyon ay nakatulong sa akin na manatiling nagtitiwala habang nabubuhay sa magulo at paimbabaw na mundo sa pag-uwi ko. Umuwi ako sa panahong napakahirap para sa aking pamilya at aking bansa. Maraming problema sa pulitika at ekonomiya, at maraming pamilya ang nangibang-bayan dahil sa kawalan ng pagkakataong makapagtrabaho at makapag-aral. Hindi ako makapaniwala na napakalaki ng pagbabago ng mga bagay-bagay sa napakaikling panahon, maging sa sarili kong pamilya. Pumanaw na rin ang ilan sa mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan. Nagulat ako sa lahat ng paghihirap na nakapaligid sa akin.

Isang araw, na nalulungkot, inilabas ko ang study notebook ko at isinulat ang mga nadarama ng aking puso. Naisip ko ang maraming bagay na naranasan ko habang naglilingkod ako sa iba sa aking misyon. Ang paggunita sa espesyal na mga karanasang iyon ang mismong kailangan ko para mas makapagtuon ako sa Kanyang gawain, para maglingkod at patuloy na mapagbuti ang mga kaloob na bigay Niya sa akin. Isang napaka-espesyal na pananalita na palaging inulit-ulit sa amin ng asawa ng aking mission president ang nangibabaw sa akin sa araw na iyon: “Magagawa ninyo ang mahihirap na bagay.” Sinikap ko na palaging maalala iyon, pati na noong inaalam ko ang paggamit ng prosthetic hand at nagsisikap na mabuhay nang normal.

Nagbago at Naging mas Mabuti

Sa lahat ng paghihirap na naranasan ko, lumakas ang aking patotoo—lalo na ang pananalig ko na mayroong mga himala. Nangyayari ang mga himala kung ipinapasiya nating gawin ang isang bagay nang may determinasyon, katatagan, at pananampalataya. Yaong mga naniniwala sa Ama sa Langit ay maaaring magkaroon palagi ng pag-asa sa anumang sitwasyon.

Alam ko na magpapatuloy ang mga pagsubok sa buhay ko sa mundo, ngunit hindi ako dapat matakot dahil ang mga pagsubok ay maaaring maglapit sa atin sa Ama sa Langit, na makakatulong sa atin para malaman natin kung paano umunlad. Ang aksidente at lahat ng mahirap na pagsubok na naranasan ko mula noon ay nagpapaalala sa akin na humingi ng tulong sa Ama sa Langit. At natulungan Niya akong magbago at maging mas mabuti. Napakasaya ko dahil ipinagdasal ko na maragdagan ang aking pananampalataya, at alam ko na sa pamamagitan ng mga pagsubok sa akin, nagawa kong maglingkod sa Ama sa Langit at mas mapalapit sa Kanya. Kahit nabago ang buhay ko ng mga pagsubok, talagang masaya ako at lubos na nagpapasalamat na malayo ang narating ko sa tulong ng Ama sa Langit. Nasasabik na ako sa araw na mabubuhay akong muli—na makikita ko Siyang muli at sasabihin sa Kanya, “Salamat po! Salamat po na ginawa Ninyo akong mapagpakumbaba, salamat at hinubog Ninyo ako, salamat at ‘dinagdagan Ninyo ang aking pananampalataya!’”