2020
Ang Aklat ni Mormon ang Aming Missionary
Pebrero 2020


Ang Aklat ni Mormon ang Aming Missionary

Larawan
couple praying about Book of Mormon

Paglalarawan ni Eva Vasquez

Matapos maaksidente nang malubha ang aming pamangkin, nag-usap kami ng asawa kong si Ana María tungkol sa hangarin naming malaman ang katotohanan sa napakaraming iba’t ibang relihiyon at paniniwala. Isang hapon, umupo ako sa kama at nanalangin, “Panginoon, tulungan po Ninyo akong makahanap ng paraan para malaman kung aling simbahan ang totoo.”

Pagkalipas ng limang minuto, tumunog ang telepono. Tumawag ang kaibigan namin para imbitahin kami sa kanyang tahanan upang matuto tungkol sa ilang produktong pangnutrisyon. Nagpunta kami, at habang naroon, binigyan kami ng aming kaibigan ng Aklat ni Mormon. Sa pahina ng pamagat ay may nakasulat na personal na mensahe: “Umaasa ako na matutulungan kayo ng aklat na ito na mas mapalapit sa ating Panginoong Jesucristo.”

Kinabukasan, tiningnan ko ang aklat at muli akong nanalangin, “Panginoon, sabihin po Ninyo sa akin kung totoo ang aklat na ito. Ayaw ko pong masaktan ang kalooban Ninyo sa pamamagitan ng pagbabasa ng bagay na masama.”

Sinimulan ko ang pagbabasa. Habang nagbabasa ako, pakiramdam ko ay tila kilala ko ang mga tao sa Aklat ni Mormon. Nang makaabot ako sa dulo, masyado akong nalungkot dahil sa pagkalipol ng mga Nephita kaya napaiyak ako. Daan-daan nang aklat ang nabasa ko, pero walang aklat na nakaantig sa akin tulad ng nagawa ng Aklat ni Mormon. Alam kong totoo ito.

Isang araw ng Linggo, niyaya ko si Ana María na samahan akong pumunta sa pinakamalapit na chapel ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Akala ko ay hindi siya sasama, pero pumayag siya. Nagustuhan namin ang mga narinig namin. Pagkatapos, tinanong ng mga miyembro ng ward kung maaari ba silang magpadala ng mga missionary sa amin. “Oo naman,” sagot namin.

Hindi nagtagal ay dumating ang mga missionary na may dalang Aklat ni Mormon at sabi nila may mensahe silang gustong ibahagi sa amin. “Maganda ang aklat na iyan,” sabi ko. “Nabasa ko na iyan.” Ikinagulat nila ito. Pagkatapos ay ginulat din ako ni Ana María. “At binabasa ko iyan ngayon,” sabi niya. “Nakaabot na ako sa aklat ni Mosias.”

Nakita niya ang aklat sa mesa kung saan ko ito iniiwan araw-araw bago ako magtrabaho at sinimulan na niya itong basahin. Kalaunan, ginulat niya ulit ako nang sabihin niya na noong nagdarasal ako para sa patnubay ng Ama sa Langit ilang linggo na ang nakararaan, ipinagdarasal niya rin iyon sa ibang bahagi ng tahanan namin.

Sinabi ko sa mga missionary na handa na akong magpabinyag. Itinuro nila sa amin ang mga lesson, at pagkalipas ng dalawang linggo, kaming mag-asawa ay nabinyagan at nakumpirma. Lubos kaming nagpapasalamat na ipinadala sa amin ng Panginoon ang Aklat ni Mormon para tulungan kaming malaman kung aling simbahan ang totoo.