2012
Sapat na ang Alam Mo
Hunyo 2012


Sapat na ang Alam Mo

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008.

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Nangyayari ang ating pagbabalik-loob nang paunti-unti, nang taludtod sa taludtod. Una tayong sumasalig sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Mahigit 40 taon na ang nakararaan pinag-isipan kong magmisyon, nakadama ako ng labis na kakulangan sa kakayahan at paghahanda noon. Naaalala kong idinalangin ko ito, “Ama sa Langit, paano po ako makakapagmisyon kung kaunti lang ang alam ko?” Naniniwala ako sa Simbahan, pero kakaunti ang espirituwal na kaalaman ko. Habang nagdarasal ako, may nadama ako: “Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo!” Ang katiyakang iyon ay nagbigay sa akin ng tapang na gawin ang susunod na hakbang para magmisyon.

Ang ating espirituwal na paglalakbay ay habambuhay na proseso. Hindi natin alam ang lahat sa simula o maging habang tayo ay naglalakbay. Nangyayari ang ating pagbabalik-loob nang paunti-unti, nang taludtod sa taludtod. Una tayong sumasalig sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Pinahahalagahan natin ang mga alituntunin at ordenansa ng pagsisisi, pagbibinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Isinasama natin ang patuloy na pagdarasal, kahandaang sumunod, at patuloy na [pagpapatotoo] sa Aklat ni Mormon.

Sa gayon nananatili tayong matatag at matiyaga habang umuunlad tayo sa buhay na ito. Kung minsan, ang sagot ng Panginoon ay, “Hindi mo alam ang lahat, ngunit sapat na ang alam mo”—sapat para masunod ang mga utos at gawin ang tama. Alalahanin ang mga salita ni Nephi: “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

Bawat isa sa atin ay may mga sandaling nakadarama tayo ng espirituwal na kapangyarihan, mga sandali ng inspirasyon at paghahayag. Dapat nating ikintal ang mga ito sa kaibuturan ng ating mga kaluluwa. Sa paggawa nito, inihahanda natin ang ating espirituwal na imbakan sa mga sandaling nahihirapan tayo. Sabi ni Jesus, “Pagpasiyahan ninyo ito sa inyong mga puso, na gagawin ninyo ang lahat ng bagay na aking ituturo sa inyo, at iuutos sa inyo” (Joseph Smith Translation, Luke 14:28 [sa Luke 14:27, footnote b]).

Ilang taon na ang nakalipas, isang kaibigan ko ang namatayan ng anak na babae sa isang malagim na aksidente. Naglaho ang pag-asa at mga pangarap. Hindi makayanan ng kaibigan ko ang lungkot na nadama niya. Nagsimula siyang magduda sa mga itinuro sa kanya at sa mga itinuro niya bilang misyonero. Sinulatan ako at hinilingan ng kanyang ina na basbasan ko ang kanyang anak. Nang ipatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulunan, nadama kong sabihin ang isang bagay na hindi ko naisip sa gayong paraan noon. Ang impresyong dumating sa akin ay: Ang pananampalataya ay hindi lamang isang damdamin; ito ay isang desisyon. Kailangan niyang piliing manampalataya.

Hindi alam ng kaibigan ko ang lahat, ngunit sapat na ang alam niya. Pinili niyang manampalataya at sumunod. Lumuhod siya. Bumalik ang kanyang espirituwalidad.

Ilang taon matapos kong basbasan ang aking kaibigan, nakatanggap ako ng liham mula sa kanyang anak na nasa misyon. Puno ito ng pananalig at patotoo. Nang basahin ko ang maganda niyang liham, nakita ko kung gaano napagpala ang sumunod na henerasyon sa pagpili ng isang ama na manampalataya sa napakahirap na sandali.

Mga hamon, paghihirap, pagtatanong, pagdududa—ang mga ito ay bahagi ng buhay natin sa lupa. Ngunit hindi tayo nag-iisa. Bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, mayroon tayong malaking espirituwal na imbakan ng liwanag at katotohanan. Hindi maaaring magsabay ang takot at pananampalataya sa ating puso. Sa panahong nahihirapan tayo, pinipili natin ang landas ng pananampalataya. Sabi ni Jesus, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).

Sa paglipas ng mga taon paulit-ulit nating ginagawa ang mahahalagang espirituwal na hakbang na ito. Nalalaman natin na, “siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24). Ang ating mga tanong at pagdududa ay nalulutas o hindi na gaanong bumabagabag sa atin. Nagiging payak at dalisay ang ating pananampalataya. Nalalaman natin ang alam na natin.

Paglalarawan ni Annie Henrie