2012
Isang Tunay na Kaibigan
Hunyo 2012


Isang Tunay na Kaibigan

“Ang iyong mga kaibigan ay nakatayo sa iyong tabi” (D at T 121:9).

Ang maikling liham ay nakasulat sa asul na papel na may nakadrowing na mga zigzag sa mga gilid, kaya kahit na iniabot ito sa kanya ni Jeremy, alam ni Melanie na galing iyon kay Rachel. Luminga-linga si Melanie. Tapos na ang oras ng pagbabasa, at inililigpit na ng mga kaklase niya ang kanilang mga aklat.

Alam ni Melanie na magsisimula ang sulat sa: “Mahal kong Matalik na Kaibigan.” Napangiti siya sa kanyang sarili. Magkaibigan na sila ni Rachel noon pang nasa ikalawang baitang sila. “Matalik pa rin kaming magkaibigan, kahit magkaibang-magkaiba kami,” naisip ni Melanie habang binubuksan ang maikling liham.

Mahal kong Matalik na Kaibigan,

Naninigarilyo ka ba?

—Rachel

Nagulat si Melanie. “Lagi kaming magkasama ni Rachel,” naisip niya. “Hindi ba niya alam na hindi ako naninigarilyo?”

Isinulat niya sa ibaba ng papel:

Hindi. Palagay ko masama iyon. Bakit gusto mong malaman?

—Melanie

Ibinalik ni Melanie ang sulat kay Jeremy. Di-nagtagal ibinalik itong muli ni Jeremy. Nabasa ni Melanie:

Kumupit ako ng isang pakete ng sigarilyo sa bahay ng tita ko. Gusto mo bang subukan natin paglabas natin ng paaralan?

—Rachel

Tinitigan ni Melanie ang sulat. Pagkatapos ay isinulat niya:

Rachel! Bakit mo gustong manigarilyo? Makakasama iyon sa iyo! Alam kong gusto mong sumubok ng mga bagong bagay, pero ayaw kong makita kang nasasaktan.

—Melanie

Sinagot ni Rachel ang sulat:

Hindi makakasakit sa akin ang ilang sigarilyo. Baka hindi ko pa nga maubos ang buong pakete.

—Rachel

Parang maiiyak na si Melanie. Isinulat niya:

Kaibigan kita at mahal kita. Huwag kang manigarilyo.

—Melanie

Minasdan ni Melanie si Rachel habang binabasa nito ang sulat. Ngayon parang si Rachel naman ang naiiyak. Matagal niyang hawak ang sulat. Pagkatapos ay sumulat siya. Nang makuha ni Melanie ang sulat, nabasa niya:

Salamat. Mahal din kita. Hindi ako maninigarilyo.

Nagpasalamat si Melanie na pinili niyang maging mabuting halimbawa. Napanatag siya na pinili ni Rachel ang tama.

Paglalarawan ni Matt Smith