2012
Ang Karangalan at Kaayusan ng Priesthood
Hunyo 2012


Ang Karangalan at Kaayusan ng Priesthood

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

Ang mga Susi ng Priesthood

“Noong 1976 isang area general conference ang idinaos sa Copenhagen, Denmark. Pagkatapos ng pangwakas na sesyon, hinangad ni Pangulong Spencer W. Kimball [1895–1985] na puntahan ang Simbahan sa Vor Frue kung saan makikita ang mga estatuwa ng Christus at ng Labindalawang Apostol na nililok ni Thorvaldsen. …

“Sa harapang bahagi ng simbahan, sa likod ng altar, ay nakatayo ang pamilyar na estatuwa ng Christus na ang Kanyang mga bisig ay medyo nakaunat, nakikita ang mga bakas ng pako sa mga kamay, at kitang-kita ang sugat sa Kanyang tagiliran. Sa magkabilang tabi nito nakatayo ang estatuwa ng mga Apostol, si Pedro na nasa unahan sa kanang bahagi at nakahanay ang iba pang mga Apostol.

“Karamihan sa aming grupo ay nasa bandang hulihan ng kapilya kasama ang tagapangalaga ng simbahan. Nakatayo ako sa bandang unahan kasama sina Pangulong Kimball, Elder Rex D. Pinegar at Johan Helge Benthin, pangulo ng Copenhagen stake, sa harapan ng estatuwa ni Pedro.

“Sa kamay ni Pedro, na yari sa marmol, naroon ang isang set ng malalaking susi. Itinuro ni Pangulong Kimball ang mga susi at ipinaliwanag ang simbolo nito. Pagkatapos, may ginawa siya na hinding-hindi ko malilimutan, siya ay bumaling kay Pangulong Benthin at itinuro ito nang buong katatagan at sinabi, ‘Gusto kong sabihin mo sa lahat ng tao sa Denmark na hawak ko ang mga susi! Hawak natin ang tunay na mga susi, at ginagamit natin ito sa araw-araw.’

“Hinding-hindi ko malilimutan ang pahayag na iyan, ang patotoong iyan mula sa propeta. Malakas ang epekto sa espirituwal; at kitang-kita ang pisikal na epekto nito.

“Pumunta kami sa bandang hulihan ng kapilya kung saan nakatayo ang ibang kasama sa grupo. Habang nakaturo sa mga estatuwa, sinabi ni Pangulong Kimball sa mabait na tagapangalaga, ‘Patay na ang mga Apostol na ito.’ Habang nakaturo sa akin, sinabi niya, ‘Narito ang buhay na mga Apostol. Si Elder Packer ay isang Apostol. Sina Elder Thomas S. Monson at Elder L. Tom Perry ay mga Apostol, at ako ay isang Apostol. Kami ang mga nabubuhay na Apostol.

“‘Nababasa ninyo ang tungkol sa mga Pitumpu sa Bagong Tipan, at narito ang dalawa sa mga nabubuhay na Pitumpu, sina Elder Rex D. Pinegar at Elder Robert D. Hales.’

“Ang tagapangalaga, na hanggang sa mga sandaling iyon ay nakatingin lamang, ay biglang napaluha.

“NapakaespesyaI ng karanasan kong iyon.”2

Ang Priesthood ay Hindi Nahahati

“Ang priesthood ay mas makapangyarihan kaysa anuman sa mga katungkulan nito. Sa unang pagtanggap ng isang tao ng Aaronic o Melchizedek Priesthood, iginagawad ito sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Matapos igawad sa kanya ang priesthood, siya ay oordenan sa isang katungkulan sa priesthood. Sa priesthood nagmula ang awtoridad ng lahat ng katungkulan.

“Ang priesthood ay hindi nahahati. Taglay ng isang elder ang priesthood na taglay ng isang Apostol (tingnan sa D at T 20:38). Kapag tumanggap ng priesthood ang isang lalaki, tinatanggap niya ito nang buo. Gayunman, may mga katungkulang nakapaloob sa priesthood—mga kani-kanyang awtoridad at responsibilidad. Maaaring gamitin ng isang lalaki ang kanyang priesthood ayon sa mga karapatan ng katungkulan kung saan siya inorden o itinalaga. …

“Sinumang maytaglay ng Melchizedek Priesthood o mas mataas na priesthood ay nagtataglay rin ng lahat ng awtoridad ng Aaronic o mas mababang priesthood.”3

Ang Panimulang Priesthood

“Ang tawagin itong nakakababang priesthood ay hindi nakakabawas sa kahalagahan ng Aaronic Priesthood. Sinabi ng Panginoon na kailangan ito sa Melchizedek Priesthood. (Tingnan sa D at T 84:29.) Sinumang maytaglay ng nakatataas na priesthood ay dapat ikarangal nang lubos ang pagsasagawa ng mga ordenansa ng Aaronic Priesthood, dahil malaki ang espirituwal na kahalagahan ng mga ito.

“Naranasan ko, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na magpasa ng sakramento. Tinitiyak ko sa inyo na hindi maipaliwanag ang nadama kong karangalan at kapakumbabaang gawin ang maaaring isipin ng iba na karaniwang gawain lamang. …

“Noong unang panahon inasam ng mga tao ang pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng sakripisyo. Ginugunita natin ang pangyayaring iyon sa ordenansa ng sakramento.

“Ang sakripisyong iyon noon, at ang sakramento pagkaraan niyon, ay nakatuon kay Cristo, sa pagtigis ng Kanyang dugo, at pagbabayad-salang ginawa Niya para sa ating mga kasalanan. Ang awtoridad na isagawa ang mga ordenansang ito noon at ngayon ay nasa Aaronic Priesthood.

“Tunay na ito ay isang sagradong responsibilidad at ibinibilang kayo sa isang kapatiran kasama ng mga lingkod ng Panginoon noong araw. Hindi nakapagtataka na napapakumbaba tayo kapag nakibahagi tayo sa mga ordenansang itinalaga sa Aaronic Priesthood. …

“Ang ilan sa inyo na nakaupo ngayon diyan bilang mga deacon, teacher, at priest ay uupo rito balang araw bilang mga Apostol at propeta at mangungulo sa Simbahan. Dapat kayong maging handa.

“Tama ngang tawagin ang Aaronic Priesthood na panimulang priesthood.”4

Paanyaya sa mga Magiging Elder

“Ang katungkulan ng elder ay isang tungkuling may dignidad at karangalan, espirituwal na awtoridad at kapangyarihan. Ang salitang ‘magiging’ ay nagpapahiwatig ng pag-asa at magandang pananaw at posibilidad. Nagsasalita ako sa kanila ngayon, batid na marahil ay aangkop ang mensaheng ito sa marami pang iba. …

“Kung magbabalik kayo sa kapaligiran kung saan sinasambit ang mga espirituwal na katotohanan, maaalala ninyo ang mga bagay na inakala ninyong nawala. Lilitaw ang mga bagay na natago nang maraming taon dahil hindi nagamit at hindi nagalaw. Madaragdagan ang kakayahan ninyong unawain ang mga ito. …

“Kung babalik kayo sa piling ng mga Banal, hindi magtatagal at mauunawaan ninyong muli ang mga salitang nagbibigay-inspirasyon. At bago pa man ninyo malaman, parang hindi naman kayo nalayo kahit kailan. Ah, napakahalagang malaman ninyo na kung babalik kayo, maipadarama sa inyo na parang hindi kayo nalayo. …

“Hindi magtatagal at madarama ninyo na ganap at karapat-dapat kayo sa Kanyang Simbahan at sa Kanyang kaharian. At malalaman ninyo kung gaano kayo lubhang kailangan dito at gaano kabisa ang inyong karanasan sa pagtubos sa iba.”5

Mga Tungkulin sa Priesthood

“Ang tawag ay higit pa sa isang imbitasyon o kahilingan. Ito’y tawag mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang piling tagapaglingkod. Maraming taon na nang makaranas na magparating ng tawag si Pangulong Spencer W. Kimball, na noo’y pangulo ng isang stake sa Arizona. Bakante noon ang pagka-pangulo sa organisasyon ng Young Men sa stake. Iniwan ni Pangulong Kimball ang kanyang mesa sa bangko, binagtas ang kalye makalampas ng ilang pintuan papasok sa isang bahay-kalakal, at sinabing, ‘Jack, gusto mo bang maging pangulo ng Young Men sa stake?’

“Sabi ni Jack, ‘Naku, Spencer, baka hindi ako ang tinutukoy mo.’

“Sabi niya, ‘Ikaw. Bata ka pa, at mahusay kang makisama sa mga kabataan. Magiging mabuti kang pangulo.’

“At katulad ng inisip ni Pangulong Kimball, di kanais-nais ang naging pag-uusap dahil tinanggihan ni Jack ang tawag. Nagbalik siya sa bangko, naupo sa kanyang mesa, na nagngingitngit sa kanyang kabiguan. Pagkatapos ay natanto niya ang dapat niyang gawin. Iniwan niya ang kanyang mesa, binagtas ang kalye—patungo sa pintuan ding iyon, sa tao ring iyon—tinawag ito sa pangalan, at sinabing, ‘Noong nakaraang Linggo nagpulong ang stake presidency para pag-usapan ang bakante sa pagka-pangulo ng Young Men. Ipinagdasal namin iyon, at pinag-usapan. Sa huli, habang nakaluhod, nagtanong kami tungkol doon at nakatanggap ng inspirasyon mula sa Panginoon na ikaw ang dapat tawagin. Bilang tagapaglingkod ng Panginoon, narito ako para ihatid ang tawag sa iyo.’

“Sabi ni Jack, ‘Sige, Spencer, kung ‘yan ang sabi mo.’

“At sabi niya, ‘Yan ang sabi ko.’”6

“Dapat malaman ng bawat elder na ang tawag ay higit pa sa isang paanyaya o kahilingan, higit pa nga sa isang takdang-gawain. Napakadalas nating marinig ang mga salitang, ‘Hinilingan akong maglingkod bilang tagapayo sa elders quorum presidency.’ Mas tamang sabihing, “Tinawag akong maglingkod bilang tagapayo.’

“Hindi natin tinatawag ang ating sarili sa mga katungkulan sa Simbahan. Sa halip ay tumutugon tayo sa tawag ng mga nangungulo sa atin. Responsibilidad ng mga nangungulo na mapanalanging tanungin ang Panginoon kung ano ang Kanyang kalooban hinggil sa isang katungkulan sa Simbahan. Sa gayon ay umiiral ang alituntunin ng paghahayag. Ang tawag ay ipababatid pagkatapos ng namumunong lider na kumakatawan sa Panginoon.”7

Ang Kahalagahan ng Ordinasyon

“Ang priesthood ay iginagawad sa pamamagitan ng ordinasyon, hindi lamang sa pamamagitan ng pakikipagtipan o pagtanggap ng basbas. Ganyan na sa simula pa lang. Anuman ang ipalagay o ipahiwatig o ipahayag nila sa anumang sinabi o isinulat, noon o ngayon, partikular na pag-oorden sa isang katungkulan sa priesthood ang paraan, at tanging paraan, ng paggagawad nito noon pa man at hanggang ngayon.

“At napakalinaw na isinaad sa mga banal na kasulatan na ang tanging balidong paggawad ng priesthood ay mula sa ‘isang may karapatan at alam sa simbahan na siya ay may karapatan at maayos na inordenan ng mga pinuno ng simbahan’ [D at T 42:11]. …

“Huwag kaligtaan ang simple at malinaw na alituntuning iyan: Ang priesthood ay laging iginagawad sa pamamagitan ng ordinasyon ng isang maytaglay ng wastong awtoridad, at alam sa Simbahan na taglay niya ito. At kahit naigawad na ang priesthood, ang isang tao ay walang awtoridad na higit pa sa taglay ng partikular na katungkulan kung saan siya inorden. Ang mga limitasyong iyon ay angkop din sa isang katungkulang itinalaga sa isang tao. Ang mga ordinasyon at pagtatalaga na ibinigay nang walang awtoridad ay walang kabuluhan, ni kapangyarihan ni karapatan ng priesthood.”8

Ang Kapangyarihan ng Priesthood

“Napakaganda ng nagawa natin sa pamamahagi ng awtoridad ng priesthood. Naitatag natin ang awtoridad ng priesthood sa halos lahat ng dako. Mayroon tayong mga korum ng mga elder at high priest sa buong mundo. Ngunit sa palagay ko nauna ang pamamahagi ng awtoridad ng priesthood kaysa kapangyarihan ng priesthood. Ang priesthood ay walang lakas na dapat taglayin at hindi magkakaroon ng lakas maliban kung matatag na nakatuon ang kapangyarihan ng priesthood sa mga pamilya na tulad ng nararapat. …

“Nasa atin ang awtoridad ng priesthood. Matapos ang lahat ng pinag-ugnay-ugnay at inorganisa natin, responsibilidad natin ngayong pakilusin ang kapangyarihan ng priesthood sa Simbahan. Ang awtoridad sa priesthood ay nakukuha sa pamamagitan ng ordinasyon; ang kapangyarihan sa priesthood ay nagmumula sa tapat at masunuring pamumuhay sa pagtupad ng mga tipan. Nag-iibayo ito sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng priesthood.

“Ngayon, mga ama, ipaaalala ko sa inyo ang kabanalan ng inyong tungkulin. Taglay ninyo ang kapangyarihan ng priesthood mula mismo sa Panginoon para protektahan ang inyong tahanan. May mga panahon na lahat ng tumatayong kalasag sa pagitan ng inyong pamilya at ng kasamaan ng kaaway ay siyang magiging kapangyarihang iyon. Tatanggap kayo ng tagubilin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.”9

“Ang kapangyarihan na matatanggap ninyo ay depende sa ginagawa ninyo sa sagrado at di-nakikitang kaloob na ito.

“Ang inyong awtoridad ay nagmumula sa inyong ordinasyon; ang inyong kapangyarihan ay nagmumula sa inyong pagsunod at pagkamarapat. …

“Ang kapangyarihan ng priesthood ay nagmumula sa paggawa ng inyong tungkulin sa mga karaniwang bagay: pagdalo sa mga pulong, pagtanggap ng mga gawain, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa Word of Wisdom.”10

Mga Tunay na Lingkod ng Panginoon

“Wala tayong nababalitaang mga susi ng priesthood na ginagamit sa ibang mga simbahang Kristiyano. Tila kakatwang sabihin ng ilan na tayo ay hindi Kristiyano samantalang tayo lamang ang may awtoridad at nasa atin ang organisasyon na Kanyang itinatag.

“Ang kasalukuyang Labindalawa ay napaka-ordinaryong mga tao. Hindi sila pambihirang indibiduwal, tulad ng orihinal na Labindalawa, ngunit sa kabuuan ang Labindalawa ay isang grupo na may kapangyarihan.

“Iba’t iba ang aming trabaho. Kami ay mga siyentipiko, abugado, at guro.

“Si Elder [Russel M.] Nelson ay isang siruhano sa puso. …

“Ilan sa Korum na ito ay [naglingkod] sa militar—isang marinero, mga sundalong marino, mga piloto.

“Iba-iba ang naging katungkulan nila sa Simbahan: mga home teacher, guro, misyonero, quorum president, bishop, stake president, mission president, at higit sa lahat, mga asawa at ama.

“Lahat sila ay mag-aaral at guro ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang dahilan ng pagkakaisa namin ay ang aming pagmamahal sa Tagapagligtas at sa mga anak ng Kanyang Ama at ang aming patotoo na Siya ang namumuno sa Simbahang ito.

“Halos lahat ng Labindalawa ay nanggaling sa abang pinagmulan, tulad noong narito Siya. Ang buhay na Labindalawa ay nagkakaisa sa ministeryo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nang sila ay tinawag, iniwan ng bawat isa ang kanyang mga lambat, tulad ng binanggit ko, at sumunod sa Panginoon.”11

“Pinatutunayan ko sa inyo na ang 14 na kalalakihang ito na inorden kasama ko ay tunay na mga Apostol. Sa pagsasabi nito, wala na akong ibang sasabihin maliban sa itinuro ng Panginoon, maliban sa maaaring ihayag sa sinumang naghangad nang may matapat na puso at tunay na layunin ng patotoo ng Espiritu.

“Ang mga kalalakihang ito ay mga lingkod ng Panginoon; makinig sa kanilang payo.”12

Patotoo ng Isang Apostol

“Kulang ako ng maraming katangian. Kulang ang kakayahan ko sa paglilingkod. May iisang bagay lamang, isang kuwalipikasyon na magpapaliwanag nito. Tulad ni Pedro at [ng] lahat ng mga noon pa man ay naordenan, nasa akin ang patotoong iyon.

“Alam ko na ang Diyos ang ating Ama. Ipinakilala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith. Ipinahahayag ko sa inyo na alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Siya ay isinilang sa kalagitnaan ng panahon. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo at nagdanas ng pagsubok. Siya ay pinahirapan at ipinako at nabuhay [na] muli sa ikatlong araw. Siya, tulad ng Kanyang Ama, ay may katawang may laman at buto. Isinakatuparan Niya ang Kanyang Pagbabayad-sala. Siya ay aking pinatototohanan. [Saksi Niya ako].”13

Mga Tala

  1. “Paano Igawad ang Priesthood: Ang Doktrina, ang Alituntunin, at ang Pagsasagawa,” Pandaigdigang Miting sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 1.

  2. “Ang Labindalawa,” Liahona, Mayo 2008, 85.

  3. “What Every Elder Should Know—and Every Sister as Well: A Primer on Principles of Priesthood Government,” Tambuli, Nob. 1994, 17; tingnan din sa Ensign, Peb. 1993, 8.

  4. “The Aaronic Priesthood,” Ensign, Nob. 1981, 30–31.

  5. “An Appeal to Prospective Elders,” Ensign, Mayo 1975, 104, 105, 106.

  6. “Paano Igawad ang Priesthood,” Pandaigdigang Miting sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 1–2.

  7. “What Every Elder Should Know,” Tambuli, Nob. 1994, 21–22.

  8. “The Temple, the Priesthood,” Ensign, Mayo 1993, 20.

  9. “Ang Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2010, 7, 9.

  10. “The Aaronic Priesthood,” Ensign, Nob. 1981, 32, 33.

  11. “Ang Labindalawa,” Liahona, Mayo 2008, 85–86.

  12. “The Twelve Apostles,” Ensign, Nob. 1996, 8.

  13. “Ang Labindalawa,” Liahona, Mayo 2008, 87.

Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, ni Walter Rane © IRI

Paglalarawan ni Cody Bell

Paglalarawan © IRI