2012
Mga Tanong at mga Sagot
Hunyo 2012


Mga Tanong at mga Sagot

“Kung minsan nahihirapan ako kapag iniisip ko ang lahat ng bagay na kailangan kong gawin upang maipamuhay ang ebanghelyo. Saan ako magsisimula?”

Mahirap ang buhay kapag pinipilit mong gawin nang sabay-sabay ang napakaraming bagay. Halimbawa, kung pinilit mong magpunta sa seminary, paaralan, trabaho, templo, at Mutual sa isang araw, mahihirapan ka. Pero kung uunahin mo ang mga aktibidad na pang-ebanghelyo at magpaplano ka ng oras para dito, uunlad ka. Ang mga aktibidad na pang-ebanghelyo tulad ng seminary, pagdarasal, at Tungkulin sa Diyos o Pansariling Pag-unlad ay ilan sa pinakamahahalagang bagay na magagawa mo bilang tinedyer. Oo, nangangailangan ito ng ekstrang oras, pero pagpapalain ka sa bawat sakripisyong ginagawa mo para maging masunurin.

Upang malaman kung paano maglaan ng oras para sa mga aktibidad na ito, maghangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-iisip kung paano mo gagamitin ang iyong oras. Ang Linggo ay magandang araw para planuhin ang mga aktibidad sa simbahan at iba pang mahahalagang aktibidad para sa buong linggo. Makakatulong din na talakayin ang tanong na ito sa iyong mga magulang at lider ng Simbahan.

Kapag inisip mo ang lahat ng kailangan mong gawin, alalahanin na ang mga klase, programa, at aktibidad sa Simbahan ay binigyang-inspirasyon—tutulungan ka ng mga ito na mapalakas ang iyong patotoo, masunod ang mga utos, at maghanda sa pagmimisyon at makasal sa templo.

Kapag nagsikap kang maging tapat sa ebanghelyo, ang Panginoon ay “maghahanda ng paraan” (1 Nephi 3:7) para tulungan kang sundin ang Kanyang mga utos, kahit nahihirapan ka. Ang pagsunod sa mga utos ay mag-aanyaya ng Espiritu sa iyong buhay. At ang pagdama sa Espiritu ay magpapaalam sa iyo na umuunlad ang iyong espirituwalidad.

Gawin ang Maliliit at Simpleng mga Bagay

Sa ngayon ay hindi pa inaasahan ng Panginoon na maging perpekto tayo sa lahat ng bagay, pero nais Niyang gawin natin ang lahat ng makakaya natin. Kung mangahulugan iyon ng pagsisimula sa mahahalagang bagay tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal araw-araw, malulugod Siya sa ating mga pagsisikap. Kapag handa tayong ipamuhay ang ebanghelyo at gawin ang maliliit at simpleng mga bagay na hinihingi sa atin, lahat ng tila mahirap na bagay na iniuutos Niya sa atin ay hindi na magiging napakahirap pa.

Hunter D., edad 17, Tennessee, USA

Ipamuhay ang Ebanghelyo Kasama ang Iyong Pamilya

Napakahalagang ipamuhay ang ebanghelyo kasama ang ating pamilya. Masisimulan nating ipamuhay ito kasama sila sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya, family home evening, at paggawa ng family history. Malaking tulong ang mga pangunahing alituntuning ito para lubos na maunawaan ang magagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay.

Cherry O., edad 19, Davao, Pilipinas

Gawin ang Makakaya Mo

Nalaman ko na kapag pinilit mong gawin ang lahat ng bagay, maaari kang mahirapan. Kung sisikapin mo lang gawin ang lahat ng makakaya mo bawat araw, hindi ka mahihirapan. Kung makikinig ka sa Espiritu Santo at mananatiling malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaayos ang mga bagay-bagay at di-maglalaon ay kahihinatnan mo ang taong nais ng Panginoon na kahinatnan mo. Sinikap kong maging halos perpekto at nag-alala ako na baka hindi sapat ang ginagawa ko, pero hindi iyon ang nais ng Panginoon. Ang makadama ng kakulangan at hindi maganda sa iyong sarili ay hindi mula sa Panginoon. Kaya ibigay mo lang sa Kanya ang lahat ng makakaya mo, at mapapayapa at magagalak ka sa buhay.

Zandi C., edad 16, Wyoming, USA

Humingi ng Tulong sa Panginoon

Magbasa ng mga banal na kasulatan at manalangin araw-araw. Laging hangaring maging sensitibo sa Espiritu Santo. Tutulungan ka ng Ama sa Langit na ipamuhay ang ebanghelyo. Laging humingi ng Kanyang tulong. Hingin ang Kanyang patnubay para magawa mo ang inaasahan Niyang gawin mo. Sa bawat tamang pasiyang ginawa mo, madarama mo ang presensya ng Espiritu. Dahil diyan gugustuhin mong gumawa ng iba pang tamang mga pasiya.

Thaís S., edad 15, Rio Grande do Sul, Brazil

Magtiwala sa Panginoon

Narito ang ebanghelyo para tulungan tayo, hindi para mag-alala tayo. Kung may tiwala tayo sa Panginoon, maaari tayong magtiwala sa Kanyang ebanghelyo. Kapag may tiwala ka, hindi magiging napakahirap ipamuhay ang ebanghelyo dahil nauunawaan mo kung bakit mo ito ipinamumuhay.

Charlotte R., edad 14, Utah, USA

Magtuon sa Kasalukuyang Gawain

Huwag isipin ang lahat ng bagay na kailangan mong gawin sa buong buhay mo; isipin kung ano ang kailangang gawin ngayon. Gawin mo ang lahat ng makakaya mo, at tutulungan ka ng Ama sa Langit na magawa ito. Halimbawa, habang naghahanda akong magturo ng isang seminary lesson tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson, inisip ko kung paano ko mapapanatiling nakikinig, natututo, at interesado ang pitong bata (na pawang mas matatanda sa akin). Nagpasiya ako na sikaping makabahagi ang lahat hangga’t kaya ko. Mabuti naman ang kinalabasan! Kaya’t gawin lang ang lahat ng makakaya mo sa ginagawa mo.

Bethany F., edad 15, Kentucky, USA

Unti-unting Pag-unlad

Sinabi ng Panginoon na bibigyan Niya tayo ng doktrina nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Huwag nating asahang maunawaan ang ebanghelyo nang minsanan, kundi kapag nagsimula tayo sa mahahalagang alituntunin—pag-ibig sa kapwa, pananampalataya, at pag-asa—at pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, ipinamuhay natin ito araw-araw, at lagi tayong magdarasal, unti-unti tayong uunlad at makikita natin na napapalapit tayo kay Cristo.

Riley C., edad 16, Utah, USA