2012
Pagsasanggunian ng Mag-asawa
Hunyo 2012


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagsasanggunian ng Mag-asawa

Bilang marriage and family therapist sa Victoria, Canada, kinausap ko ang mag-asawang Bob at Mary (binago ang mga pangalan), na madalas magtalo kapag magkasama silang nagdedesisyon. Minsan nang mag-usap kami sinabi sa akin ni Bob, “Sinisikap kong mangulo at gawin ang lahat, pero kapag sinasabi ko kung ano ang dapat naming gawin, ayaw niyang suportahan ang priesthood!”

Batay sa sinabi niya masasabi ko na hindi niya lubos na naunawaan ang ibig sabihin ng mangulo. Kapag nagpakasal ang magkasintahan, nagiging magkatuwang sila na may pantay na karapatan at nagsisikap silang magdesisyon nang may pagkakaisa.

Ibinahagi ko sa mag-asawang ito ang ilang alituntunin tungkol sa pagsasanggunian ng mag-asawa na natutuhan ko sa ginagawa ng mga priesthood council. Bagaman medyo naiiba ang mga council sa tahanan sa mga council sa Simbahan, maraming magkakaparehong alituntunin ang angkop. Kapag nagsikap tayong gamitin ang mga alituntuning ito sa ating tahanan, matutulungan tayo nitong patibayin ang ating pagsasama bilang mga mag-asawa sa paraang nakasisiya sa Panginoon.

Alituntunin 1: Nagkakaisa sa Paggawa ng Desisyon

Sa mga Priesthood Council

Ang mga presidency, council, at bishopric ay pawang nagtatrabaho ayon sa mga alituntunin ng pagkakaisa at pagkakasundo. Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard na ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkakaisa muna ng desisyon bago nila kumilos tungkol sa anumang isyu: “Pinag-uusapan namin ang iba’t ibang isyu, mula sa pangangasiwa sa Simbahan hanggang sa mga kaganapan sa mundo, at ginagawa namin ito nang prangkahan at tapatan. Kung minsan tinatalakay ang mga isyu nang ilang linggo, buwan, at paminsan-minsan ay ilang taon pa nga bago kami magdesisyon.”1 Napakahalagang magkaisa sila kaya hindi sila nagdedesisyon hangga’t hindi sila nagkakaisa.

Itinuro ng Panginoon ang alituntuning iyon ng pagkakaisa sa mga council kay Joseph Smith: “At bawat pagpapasiyang gagawin ng alinman sa mga korum na ito ay kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan; na, bawat kasapi sa bawat korum ay kinakailangang sumang-ayon sa mga pasiya nito, upang magawa ang kanilang pagpapasiya sa gayon ding kapangyarihan o bisa sa isa’t isa” (D at T 107:27).

Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alituntuning ito nang ituro niya, “Hindi tayo makatatanggap ng inspirasyon kung hindi tayo nagkakaisa.”2 Kapag nagkakaisa tayo sa ating layunin at panalangin, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na gabayan tayo at bigyan ng inspirasyon.

Sa Tahanan

Ang pagkakaisa ay angkop sa mga priesthood council, at angkop din sa mag-asawa. Itinuro ng mga Kapatid na ang family council ang pangunahing council ng Simbahan.3 Pansinin na hindi nila itinuro na ang lalaki ang pinaka-pangunahing council o ang babae ang pinaka-pangunahing council. Silang dalawa ang bumubuo sa council na ito.

Karaniwan na sa mag-asawa ang mahirapan na magkaisa ng desisyon, lalo na kapag mahalaga ang pinagpapasiyahan. Bukod pa riyan, kapag mas iniisip ng bawat isa na siya ang tama kaysa hingin ang opinyon ng isa’t isa, “[humihinto] ang pakikipag-usap sa Ama sa Langit, [at] hihinto rin ang pag-uusap ng mag-asawa. At hindi mamamagitan ang Ama sa Langit. Karaniwang hindi Siya nakikialam kapag hindi Siya inaanyayahan.”4 Ang mahalaga ay anyayahan—sa halip na isantabi—ang ating Ama sa Langit sa ating mga pag-uusap. Kung mapakumbaba tayong magtutulungan at makikinig sa isa’t isa, mapapasaatin ang mahalagang patnubay ng Panginoon.

Mahalagang gumawa ng desisyon na may patnubay ng Espiritu—lalo na kung ang desisyon ay tila hindi siyang pinakamainam. Ipinaliwanag ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na sinang-ayunan ng Panginoon ang payo ng nagkakaisang mga pinuno at na pagagandahin Niya ang di-gaanong perpekto nilang plano at “daragdagan ito ng Kanyang karunungan at kapangyarihan at gagawin itong epektibo.”5 Ang pangakong ito ay para sa lahat ng council, kabilang na ang mga mag-asawa.

Gayunman, ang paggawa ng desisyon ay hindi laging kailangang gawin sa pormal na proseso. Itinuro ni Elder Ballard na “kapag nag-uusap ang mag-asawa, nagpupulong na sila bilang pamilya.”6

Bukod pa riyan, tulad ng hindi tayo inuutusan ng Panginoon sa lahat ng bagay, hindi kailangang magdaos ng council ang mag-asawa para sa bawat desisyon. Dapat magtiwala ang mag-asawa sa isa’t isa sa paggawa ng mga desisyon araw-araw na walang gaanong epekto sa kawalang-hanggan. Sa patnubay ng Panginoon, ng mga banal na kasulatan, at mga salita ng mga propeta, magkasama nilang inaalam ang mga desisyong iyon na kailangan nilang pag-usapan.

Alituntunin 2: Ganap na Pakikibahagi

Sa mga Priesthood Council

Sa pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno noong Nobyembre 2010, ibinahagi ni Julie B. Beck, Relief Society general president, ang sumusunod na talata sa banal na kasulatan: “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (D at T 88:122). Sinundan ni Elder Walter F. González ng Panguluhan ng Pitumpu ang kanyang mga komento sa pagsasabi na naghihikayat ng inspirasyon ang pakikibahagi.7 Kapag may pantay na pagkakataon ang lahat na makibahagi, tumitibay ang pinagsama-samang ideya ng bawat isa.

Sa Tahanan

Ang alituntunin ng pakikibahagi ay itinuturo sa atin na mahalagang magtulungan ang mag-asawa sa paggawa ng desisyon. Hindi sapat na isa lang sa kanila ang gagawa ng lahat ng desisyon at sasang-ayon lang ang isa. Mas nagtatagumpay ang mag-asawa kapag pareho silang hihingi ng inspirasyon at pagkatapos ay makikinig sa mga ideya at damdamin ng isa’t isa.

Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95): “Ang lalaking nagtataglay ng priesthood ay tinatanggap ang kanyang asawa bilang katuwang sa pamununo sa tahanan at pamilya na may lubos na kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng desisyong kaugnay nito. … Layon ng Panginoon na ang babae ay maging katuwang ng lalaki (ang ibig sabihin ng katuwang ay kapantay)—ibig sabihin, isang asawang may pantay na karapatan at mahalaga sa lubos na pagsasamahan.”8 Nilikha tayo para magtulungan. Kapag inanyayahan at tinanggap natin ang pakikibahagi ng ating asawa, matatamasa natin ang isa sa malalaking biyaya ng buhay may-asawa.

Alituntunin 3: Pangungulo nang Matwid

Sa mga Priesthood Council

Ang pag-unawa sa tamang kahulugan ng pangungulo ay mahalaga sa pagdaraos ng epektibong priesthood council. Ang mga nangungulo ay “[nagbabantay] sa simbahan” (Alma 6:1) at responsibilidad nilang tiyakin na ang pagkakaisa, pantay na pakikibahagi, at iba pang alituntunin ng pagpapayo ay sinusunod. Ipinaalala sa atin ni Elder Ballard na “hindi dapat kalimutan kailanman ng mga maytaglay ng priesthood na wala silang karapatang gamitin ang awtoridad ng priesthood para takutin ang iba. … Ang priesthood ay para maglingkod, hindi mang-alipin; mahabag, hindi mamilit; magmalasakit, hindi magkontrol. Yaong kabaligtaran ang iniisip ay kumikilos nang hindi ayon sa awtoridad ng priesthood.”9

Sa Tahanan

Ang tungkulin ng lalaki bilang patriarch na nangungulo sa tahanan ay hindi upang maghari sa iba kundi tiyakin na bumubuti ang samahan nilang mag-asawa at ng kanilang pamilya. Ipinaliwanag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na balang araw ay magkakaroon ng personal na interbyu ang bawat lalaki sa Tagapagligtas: “Una, pag-uulatin ka Niya tungkol sa pakikitungo mo sa iyong asawa. Ginawa mo ba ang lahat para paligayahin siya at tiyakin na natutugunan ang kanyang mga pangangailangan bilang indibiduwal?”10

Pananagutan ng lalaki na maging maunlad at maligaya ang pagsasama nilang mag-asawa, ngunit ang pananagutang ito ay hindi nagbibigay sa kanya ng karapatang pagharian ang kanyang asawa. Kapwa sila may tungkulin sa kanilang pagsasama. Sa matwid na pag-uusap ng mag-asawa magkapareho ang mga kabanalan nila na kapag ginamit ay tutulungan silang magtuon sa isa’t isa.

Maaari nating pag-aralan ang ilan sa mga kabanalang ito sa Doktrina at mga Tipan 121:41: “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”

Hindi natin dapat gamitin ang priesthood para maghari at mag-impluwensya. Samakatwid, hindi tayo maaaring gumamit ng masamang paraan para kontrolin ang ating asawa. Ang tunay na kapangyarihan ay dumarating lamang kapag nagtulungan tayo sa kabutihan at naging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Panginoon.

Pagpapatatag ng Kasal na Walang Hanggan

Ang mga mag-asawang may problema o hindi magkasundo sa paghawak ng oras, pera, mga anak, mga biyenan, o iba pang bagay ay dapat pag-isipan na suriing muli ang mga batayang alituntuning napili nilang sundin sa kanilang pagsasama. Mapapabuti ba nila ang kanilang pagsasama sa pagkakaroon ng huwaran na nag-uusap sila nang walang pakunwaring pag-ibig?

Ang mga alituntunin ng pagkakaisa, pakikibahagi, at matwid na pangungulo ay nagtutulot sa atin na makasundo ang ating asawa at maanyayahan ang Espiritu sa ating buhay. Ang pagmamahal at kabaitan ay magpapatigil ng maraming pagtatalo, hahantong sa mas masayang pagsasama, at bubuo ng ugnayang magtatagal nang walang hanggan.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, Counseling with Our Councils: Learning to Minister Together in the Church and in the Family (1997), 18–19.

  2. David A. Bednar, sa “Panel Discussion,” 2010 Worldwide Leadership Training Meeting, lds.org/broadcasts/archive/worldwide-leadership-training/2010/11.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 251.

  4. M. Russell Ballard, “Mga Pagpupulong ng Pamilya: Isang Pakikipag-usap kina Elder at Sister Ballard,” Liahona, Hunyo 2003, 17.

  5. Gospel Truth: Discourses and Writings of George Q. Cannon, tinipon ni Jerreld L. Newquist (1957), 163.

  6. M. Russell Ballard, “Mga Pagpupulong ng Pamilya,” Liahona, Hunyo 2003, 14.

  7. Tingnan sa “Panel Discussion,” 2010 Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno.

  8. Howard W. Hunter, “Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 50–51.

  9. M. Russell Ballard, “Strength in Counsel,” Ensign, Nob. 1993, 78.

  10. David O. McKay, sinipi ni Robert D. Hales, “Understandings of the Heart” (mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University, Mar. 15, 1988, 8), speeches.byu.edu.

Tulad ng pagsisikap ng mga priesthood council na magkaisa sa kanilang mga desisyon, mahalaga ring magkaisa ang mag-asawa.

Sa matwid na pagsasanggunian ng mag-asawa, kapwa nila sinisikap—sa pamamagitan ng paggalang, kabaitan, at lubos na pakikibahagi—na patatagin ang pagsasama at magkaisa.

Mga paglalarawan ni Robert Casey, maliban kung iba ang nakasaad; kanan: paglalarawan ni Craig Dimond