2012
Isang Mas Mabuting Halimbawa
Hunyo 2012


Isang Mas Mabuting Halimbawa

Sana nakinig kami sa mga tagubilin ng mga lider namin, pero hindi namin inisip na angkop ang mga ito sa amin.

Nagpasiya ang mga lider namin sa Young Women na magandang mag-overnight trip para maihanda kami sa kamping. Pinili nila ang pampang ng San Pedro River sa katimugang Arizona, USA, para mapraktisan ng aming kamping.

Matapos ilatag ang mga sleeping bag, gusto namin ng iba pang mga dalagita na maglibut-libot at lumusong sa tubig. Naisip ng mga lider na dapat munang talakayin ang kaligtasan at first aid. Kaya naupo kaming lahat sa isang lilim malapit sa ilog para makinig sa turo.

Hindi madaling makinig kapag nakikita namin ang ilog na kumikislap sa sinag ng araw. Umiihip ang hangin sa mga puno ng cottonwood habang nagsasalita si Sister Brown (iniba ang mga pangalan). Narinig na namin ang turong ito noon, at hindi ko maunawaan kung bakit kailangan namin ito ngayon. Alam na namin ang lahat tungkol sa pagdiin sa sugat para maampat ang dugo, pero heto siya at sinasabi niya itong muli sa amin.

Bago nila kami pinayagang umalis, inulit ng mga lider na huwag kaming lumusong sa ilog nang walang sapatos. “Hindi ninyo alam kung ano ang naroon, at kailangan ninyong proteksyunan ang mga paa ninyo.”

Pagdating ko sa gilid ng ilog, nagtatampisaw na sa tubig ang ilan sa mga dalagita. Nagkulay-brown ang tubig dahil sa putik. Wala pang isang talampakan ang lalim nito hanggang sa kabila, at hindi ako makapaniwala na mapanganib ito.

Nagpasiya akong maghubad ng sapatos. Isang pares lang ang dala ko, at wala akong makitang dahilan para basain ang mga ito at magsuot ako ng basang sapatos sa maghapon. Ipinaalala sa akin ng dalawang matalik kong kaibigan, sina Martha at Elizabeth, ang sinabi ng mga lider. Hinubad ko pa rin ang sapatos ko at ipinaliwanag ang aking mga dahilan. Naghubad din ng sapatos si Martha. Mas nag-alangan si Elizabeth. Nagtampisaw ako sa tubig at nanunuyang sinabi ko, “Isuot mo kung gusto mo.”

Naupo siya, naghubad ng sapatos, at patakbong lumusong sa tubig. Matapos makalimang hakbang tumigil siya, namutla, at kalmadong sinabi, “Naku.” Nang iangat niya ang kanyang paa mula sa tubig. Nakita kong dumadaloy ang dugo mula sa isang hiwa. Nakatapak siya ng basag na bote.

Hindi ako makapag-isip nang makita ko ang dugo. Kahit karirinig ko pa lang ng turo tungkol sa first aid, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Nagpasiya akong tumakbo para humingi ng tulong. Dalawang iba pa ang nag-ahon sa kanya sa tubig.

Nakita ko si Sister Brown at ikinuwento ko sa kanya ang nangyari. Akala niya nagbibiro ako. Ngunit nang makita niyang nakaupo sa daan si Elizabeth na dugo nang dugo ang paa, tumakbo siyang sumisigaw, “Diinan ninyo ang sugat!”

Unti-unti kong naalala ang turo nitong nakaraang 10 minuto bago nangyari iyon. Ang mga dalagita, na nakapalibot kay Elizabeth at minamasdan ang pagdurugo ng kanyang sugat, ay itinaas ang kanyang paa at diniinan ang sugat.

Dinala si Elizabeth sa ospital, kung saan sinabihan siya na muntik nang maputol ang kanyang paa. Maraming tahi ang kinailangan at matatagalan bago ito gumaling. Nang sumunod ko siyang makita nakasaklay na siya.

Ni minsan ay hindi ko inisip na makukumbinsi o kukumbinsihin ko ang matalik kong kaibigan na gumawa ng isang bagay na lubhang makakasakit sa kanya. Hindi ko kailanman naisip na masama akong impluwensya noon.

Ngayon ay sinisikap kong maging mas mabuting halimbawa sa mga kaibigan ko, at mas handa akong makinig sa mga lider ko. Alam nila ang sinasabi nila.

Paglalarawan ni Dilleen Marsh