2012
Paglalaan ng Panahon para Makapagmisyon
Hunyo 2012


Paglalaan ng Panahon para Makapagmisyon

Isasakripisyo ba ninyo ang pagkakataong makamtan ang pangarap ninyo sa buhay para makapagmisyon?

Pawisan ang mukha, nakatitig sa bola ang sikat na Australian rugby na si William Hopoate. Kaharap ng kanyang koponan, ang Blues, na kumakatawan sa New South Wales, ang kanilang kalaban, ang Maroons mula sa Queensland, sa pinakamatinding labanan ng taon. Matapos ang unang 20 minuto, nahuhuli na ang koponan ni Will at kailangan nilang makahabol kaagad. Maraming gustong patunayan si Will dahil ito ang una niyang laban sa koponan. Siya rin ang pinakabatang manlalaro sa kanyang koponan at pangalawang pinakabatang naglaro sa mga kompetisyon sa Estado ng Origin.

Nakatingin si Will nang ipasa ang bola sa kanyang kakampi at saka ito inihagis sa kanya. Lumundag siya para saluhin ito. Nasalo niya! Hawak ang bola, mabilis na tumakbo si Will papunta sa goal line. Katabi ang depensa sa kanan niya, agad siyang tumakbo patawid sa field. Ilang yarda na lang at aabot na siya sa goal. Sa pinakadulo ng field, sa pagitan ng muntikang pag-iskor at paglampas, halos kapos na sa oras si Will. Ginamit niya ang buo niyang lakas, lumundag nang may pananampataya patungo sa goal, at ibinalibag ang bola sa lupa. Sandaling natigilan ang lahat. Nakaiskor ba siya? Pagkatapos ay narinig niyang nagsigawan ang mga manonood!

Paglaki sa Larong Rugby

Noong 4 na taong gulang si Will, ini-enroll siya ng kanyang mga magulang sa rugby club sa kanilang lugar. Napakabata pa niya, pero kahit na, mahilig si Will sa “footy” (slang ng “rugby”). Noong edad 12 na si Will, naging higit pa sa laro ang rugby para sa kanya at napili siyang maglaro sa isang junior league team. Sa edad na 16 naglaro siya sa junior professional league team.

Sa Australia, kapag edad 20 na ang mga manlalaro, sapat na ang edad nila para propesyonal na maglaro sa isang liga ng matatanda. Kahit 18 pa lang si Will, kabilaan na ang alok sa kanya. Maraming gustong kumuha sa kanya. Isang koponan ang nag-alok sa kanya ng kontrata na nagkakahalaga ng 1.5 million Australian dollars—na hindi kadalasang inaalok sa mga manlalaro sa kanyang edad. Pero hindi iyon ang plano ni Will sa malapit na hinaharap. Nagpasiya na si Will na magmisyon.

Pagpapasiyang Magmisyon

Nang kailanganing ibalita ni Will kung magmimisyon siya o tatanggapin ang kontrata sa rugby league, madali siyang nakapagpasiya. “Bata pa ako ay nakatuon na ang puso’t isipan ko sa pagmimisyon, at nangako ako sa sarili na hindi ko tutulutang baguhin ng kamunduhan ang isipan ko,” wika niya.

Maaaring itanong ng mga tao, Paano na ang pera? ang mga kontrata? ang propesyonal na paglalaro ng rugby—na matagal na niyang pangarap sa buhay? Paano mag-iiba ang kanyang buhay kung tinanggap niya ang kontrata? “Makakatulong iyon sa kabuhayan ng pamilya ko. Magiging maayos din ang kinabukasan ko hanggang sa susunod na ilang taon,” pag-amin niya.

Pero bakit hindi niya tinanggap ang alok? “Ang pagmimisyon ay iniuutos ng Panginoon sa akin, sa mga binata sa Simbahan,” wika niya. “Isang paraan ito ng pasasalamat sa Panginoon para sa lahat ng nagawa Niya para sa akin sa 19 na taon ko rito sa mundo. At sa pagtatapos ng araw, palagay ko hindi ako ganito kasaya kung hindi ako magmimisyon. Nagpasiya akong magmisyon dahil ang footy ay lagi lang nariyan.”

Marami ang nagtaka at nagulat sa ibinalita ni Will. Sa pagkukuwento tungkol sa kanyang mga kaibigang hindi miyembro, sinabi niya, “Hindi nila nauunawaan ang tunay na dahilan ng aking pag-alis; nakikita lang nila na hindi ako makakalaro nang dalawang taon.” Sinabi ni Will sa kanila, “Nagtuturo ako sa mga tao tungkol kay Jesucristo at naglilingkod sa kapwa. Ito ang gusto kong gawin.” Matapos marinig ang paliwanag ni Will, lalo siyang sinuportahan ng kanyang mga kaibigan.

Paghahandang Maglingkod

Natanto ni Will na hindi sapat na gusto mo lang magmisyon. Alam niya na mahalagang maghanda. Ang isang bagay na ginawa niya ay sumama siya sa pagtuturo ng mga full-time missionary. “Nang hilingin ng mga misyonero na sagutin ko ang mga tanong, parang dumaloy ang mga salita sa isipan ko na hindi ko alam na makakatulong sa investigator na mas makaunawa pa,” wika niya. “At ang ilan sa mga investigator na tinuturuan nila—nang kasama ako—ay nabinyagan na kamakailan. Pinagpala akong makita iyon.”

Si Will ay naglilingkod ngayon sa Australia Brisbane Mission, ngunit hindi niya tuluyang tinalikuran ang larong rugby. Kahit hindi siya makalaro, naglilingkod siya bilang misyonero nang may kasigasigang tulad ng paglalaro niya ng rugby. Bago siya magmisyon sinabi niya, “Pareho ang pagkahilig at sigla sa paglalaro ng rugby at paglilingkod sa Panginoon. Sa isport kailangan ay masigasig ka para magtagumpay. Maiuugnay mo iyan sa gawaing misyonero dahil masigasig akong maghanap ng mga taong gustong makinig sa ebanghelyo.”

Marangal na Pagbabalik

Kapag umaalis ang isang sikat na manlalaro sa isports sa loob ng ilang panahon, at lalo na sa loob ng dalawang taon, iniisip ng mga tao, ano ang mangyayari pagbalik niya? Alam ni Will na sa pagmimisyon, marami siyang tatalikuran, ngunit alam niya rin na tinalikuran niya ito para sa mas mabuting bagay. “Palagay ko malaking sakripisyo ito, pero handa akong gawin ito,” wika niya. “Maraming maaaring mangyari, at ang dalawang taon ay mahabang pahinga sa isport. Sa akin lang, gusto kong bumalik at maglaro ng footy.”

Kahit noon pa niya pangarap sa buhay na maglaro ng rugby, nauunawaan ni Will ang mga walang hanggang pagpapalang dulot ng pagmimisyon. “Sa larong rugby, palaging naroon ang tuwa sa pagkapanalo at pag-iskor, ngunit ang kagalakang iyon ay magtatagal lamang nang ilang linggo o ilang araw. Ganoon lamang katagal ang katuwaan mo,” paliwanag niya. “Sa kabilang banda, mapapangiti ka magpakailanman kapag nagsimba ang isang kaibigan o mga investigator at nalaman na mapagpapala ng ebanghelyo ang kanilang buhay magpakailanman.”

Larawang kuha ni by Bryan Rowland

Kaliwa: larawang kuha ni Mark Metcalfe © Getty Images; itaas: larawang kuha ni Michael Ramirez