2012
Ang Potensyal ng Paglilingkod na Pinangungunahan ng mga Kabataan
Hunyo 2012


Paglilingkod sa Simbahan

Ang Potensyal ng Paglilingkod na Pinangungunahan ng mga Kabataan

Paboritong sabihin ng mga taga-Nigeria na nabubuhay sila sa ilalim ng “matinding sikat ng araw ng Africa.” Ang mga temperatura malapit sa equator ay di-gaanong nag-iiba anuman ang panahon. Kaya nang magkaroon kami ng proyektong pangserbisyo sa Africa noong Agosto, nagsimula kami nang alas-7:00 n.u. para marami kaming magawa hangga’t malamig pa ang panahon.

Dala-dala ang mga pala, kalaykay, at itak, naghawan kami ng mga talahib at naghakot ng basura sa bakanteng lote malapit sa gusali ng aming Yaba Ward sa Lagos Nigeria Stake. Matapos magtrabaho nang tatlong oras, nahawan namin ang halos tatlong akre (1.2 ektarya) ng apat na akre (1.6 ektarya) ng lupa.

“Ano kaya kung tapusin na muna natin ang maliit na bahaging ito at sa ibang araw na lang natin tapusin ang paghahawan?” tanong ng bishop.

Nang maulinigan ang bishop, nalungkot si Emmanuel, ang teachers quorum president.

“Kapag iniwan po nating hindi tapos ang bahaging ito, hindi mararamdaman ng mga kabataan na marami silang nagawa ngayon,” wika niya. “Tapusin na po sana natin.”

Dahil mga anim na talampakan (1.8 m) ang taas ng talahib sa halos buong lugar, hindi namin matanaw ang kabila nito at mahirap malaman kung gaano pa kalawak ang lilinisin.

“Brother Hill, tingnan natin kung gaano katagal nating mahahawan ang isang makipot na daan, siguro mga dalawang piye lang ang lapad,” sabi ni Emmanuel. “Kung magagawa natin ito nang mabilis, makikita ng iba na posibleng matapos tayo nang mas maaga kaysa akala nila.”

Ang mga binatilyo, na naghati sa dalawang grupo, ay nagtatrabaho sa magkabilang dulo ng lote sa buong maghapon. Walang isa man sa kanila ang naghawan sa sala-salabat na talahib patawid sa kabilang panig. Nang sumakit ang likod ko, lumuhod ako para magpahinga nang kaunti habang patuloy kong hinahawan ang mga talahib gamit ang itak. Nag-aalalang pinuntahan ako ng ilang binatilyo para tingnan kung makakatulong sila at tumulong nang makita na magkasalubong kaming naghahawan ni Emmanuel. Ilang minuto lang at nagkasalubong na kami, at nagkatuwaan ang lahat. Nang makita nila na nahawan na ang daan, pares-pares nang nagtrabaho ang iba na gayon din ang ginagawa.

Wala pang isang oras ay tapos na kami. Dahil sa kasiyahan, binati namin ang isa’t isa—lalo na si Emmanuel, na literal na nagbigay ng daan na sinundan ng iba.

Naisip namin ng bishop na, sa aming edad at karunungan, alam namin kung ano ang magagawa ng mga kabataang ito. Tanging nainitan at pagod na mga kabataan ang nakita namin, pero nakakita si Emmanuel ng pagkakataong palakasin ang dignidad at kumpiyansa ng kanyang mga kaibigan. Alam niya na mas makasisiya sa kanila ang mapagod nang kaunti kaysa ipagpaliban ang pagtatapos ng gawain. Ipinaalala niya sa amin ang lakas ng mga kabataan ng Simbahan at kung paano tayo makikinabang na lahat kapag tumulong sila at nanguna.

Natanto ko na hindi natin kailangang hintayin pang tumanda ang ating mga kabataan—may magagawa silang kaibhan ngayon kung hahayaan natin sila.

Paglalarawan ni Brian Call