2012
Nagpasiya Akong Makinig
Hunyo 2012


Nagpasiya Akong Makinig

Nancy Williamson Gibbs, Colorado, USA

Ilang taon na ang nakalilipas lagi akong binabagabag ng damdamin na kailangan kong magbuo ng isang family cookbook, kabilang na ang mga resipi ng mga kamag-anak ko. Binalewala ko ang ideyang iyon. Madalas kong sabihin sa sarili ko, “Wala akong panahong gumawa ng walang-katuturang cookbook! Abala ako sa anim kong anak! Ang paggawa ng cookbook ay para lang sa mga inang gumagawa ng tinapay at cinnamon roll nang walang hirap. Wala akong panahon para diyan!”

Ilang taon akong binagabag niyon hanggang sa ipasiya ko isang araw na seryosohin ito. Pero inisip ko kung sino sa pamilya ko ang gugustuhin man lang makibahagi rito. Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko, pumanaw na ang mga magulang ko, wala akong kapatid, at nakatira sa malayo ang karamihan sa mga kamag-anak ko. Gayunman, ipinasiya ko na ring pakinggan ang paramdam sa akin.

Kinontak ko ang pamilya ko, ipinaliwanag na nagtitipon ako ng family cookbook at inanyayahan ko silang magpadala ng mga resipi. Hanggang sa sumunod na taon, marami akong natanggap na resipi. Nagpadala pa ang ilang kamag-anak ko ng mga kuwento at retrato ng pamilya. Dahil dito nahikayat akong interbyuhin ang pinakamatatanda kong nabubuhay na kamag-anak at tipunin ang aming family history, na ipinasiya kong isama rin sa aklat.

Sa pagbubuo ng aklat, nalaman ko na ni hindi ko kilala ang marami sa mga kamag-anak ko na nagpadala ng mga resipi. Dahil dito ay ipinasiya kong magsama ng family tree. Hiningan ko ng impormasyon ang bawat isa, isinulat ang family tree, at inilagay ito sa manuskrito.

Nang tingnan ko sa huling pagkakataon ang nabuong aklat, binuklat ko ang pahina ng family tree at lubos kong nadama ang Espiritu. Tumulo ang mga luha ko sa aking pisngi nang mapagtanto ko kung bakit dapat kong buuin ang “walang-katuturang” cookbook na ito. Wala itong gaanong kinalaman sa mga resipi. Nakapagtipon ako ng mga pangalan at petsa ng mga henerasyon ng aking mga ninuno. Lahat sila ay magagawan na ngayon ng mga ordenansa sa templo. Bukod pa riyan, nakapag-ingat ako ng magagandang kuwento para sa darating na mga henerasyon.

Ngayon regular na kaming nagkakabalitaan ng ilan sa mga pinsan ko at masaya ang samahan naming magkakamag-anak. Kapag tinitingnan ko ang aking cookbook, madalas kong maisip ang talata sa banal na kasulatan na, “Dahil dito huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33). Namamangha pa rin ako kapag naiisip ko ang lahat ng masaya at magandang bagay na nangyari dahil sinunod ko ang isang pahiwatig at binuo ang isang simpleng cookbook.