2012
Ini-release ang Website ng Simbahan tungkol sa mga Kapansanan sa Siyam pang Wika
Hunyo 2012


Ini-release ang Website ng Simbahan tungkol sa mga Kapansanan sa Siyam pang Wika

Nang unang ilunsad ang lds.org/disability noong 2007 sa wikang Ingles, pinagsama-sama nito ang mga impormasyong matatagpuan sa mga hanbuk, manwal, at iba pang mga website, upang mas madali nang ma-access ang mga tulong at ideya sa iisang lugar.

Ngayon, sa taong 2012, ang mga sangguniang iyon (na kinabibilangan ng impormasyon tungkol sa 10 magkakaibang kategorya ng mga kapansanan at iba’t ibang tulong) ay mababasa na rin sa siyam pang wika: Chinese, French, German, Italian, Japanese, Korean, Portuguese, Russian, at Spanish.

Itong pinakahuling paglulunsad ay tutulong sa mga pamilyang gaya ng mga Varin ng Paris, France. Sina Raymond at Isabelle Varin ay may isang anak na lalaki, si Jérôme, nang isilang ang kanilang ikalawang anak na si Jérémy, na may Down syndrome. Bagaman ang kinalabasan ng pagsusuri kay Jérémy ay lubhang ikinagulat ng kanyang mga magulang—kakaunti ang alam nila noon tungkol sa Down syndrome—karamihan sa mga karanasan ng pamilya Varin tungkol sa kapansanan ni Jérémy ay positibo naman. Sinabi ni Brother Varin na maraming taong nagmamahal kay Jérémy, na ayon sa kanya ay talagang napakabait ng mga miyembro ng Simbahan na nakapalibot at nagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kanya.

Naniniwala siya na makatutulong ang website sa pagkakaroon ng gayong mga pag-uugali. “Matutulungan nito ang mga lider at guro ng Simbahan na maunawaan ang mga kapansanan at kung paano aakma at haharap sa gayong mga sitwasyon,” sabi niya.

Ngunit ang site ay mahalaga rin sa mga taong may kapansanan at sa kanilang mga pamilya, sabi niya—hindi lamang para magbigay ng kaalaman kundi para pagmulan din ng panghihikayat.

“Ang site na ito ay mahalaga sa mga pamilya na may miyembrong may kapansanan dahil sa suportang alok nito,” sabi niya. “Binibigyan ka nito ng pananaw sa karanasan at patotoo ng iba, na maaaring magdulot ng mas positibong pananaw sa hinaharap. Sa lahat ng kadahilanang ito mahalagang makuha ang impormasyong ito sa iba’t ibang wika.”

Sumang-ayon si Elder Keith R. Edwards ng Pitumpu, na nagpapayo sa Disability Services para sa Simbahan.

“Malalaman ng mga miyembrong may kapansanan, ng kanilang mga pamilya, at mga caregiver na nagtutulung-tulong tayo para sa iisang layunin—‘ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’—at kailangan sa layuning iyan na tayo ay may ‘isang puso at isang isipan,’” sabi ni Elder Edwards (tingnan sa Moises 1:39; 7:18). “Malalaman at mauunawaan ng mga tao kung saan sila makahihingi ng tulong at kikilalanin na kapag ang Simbahan ng Panginoon ay kumikilos na gaya ng nararapat, walang sinumang makikibaka sa mga pagsubok nang mag-isa.”

Natuklasan ni Fatima Alves ng Portugal, na maysakit na spina bifida, na natulungan siya ng website na malaman na: hindi siya nag-iisa.

“Mahalaga para sa akin na may website ang Simbahan upang tulungan ang mga taong may mga kapansanan para madama nating nagkakaisa tayo bilang mga miyembro ng Simbahan. Malaking tulong ang malaman na nagmamalasakit ang Simbahan at nais nitong tulungan at suportahan ang mga taong espesyal ang sitwasyon,” sabi niya.

Ang pag-release ng site na ito ay isa sa ilang pagsisikap ng Simbahan na matulungan ang lahat ng miyembro ng Simbahan, sabi ni Elder Edwards.

“Bahagi ng ating ‘atas’ mula sa Panginoon ang ihatid ang ebanghelyo sa lahat sa paraang mauunawaan nila ito at makikinabang sila rito nang husto,” sabi ni Elder Edwards. “Nais naming hindi makaligtaan ang sinuman sa mga anak ng Panginoon sa pagbibigay ng mga makabuluhang oportunidad sa ebanghelyo.

“Hindi lamang tutulungan ng website ang indibiduwal kundi dinisenyo rin ito upang tulungan ang mga lider na malaman kung paano tutulong o saan sila makahihingi ng tulong sa paglilingkod sa mga miyembrong may mga kapansanan,” pagpapatuloy niya.

Mangyari pa, hindi nilayon na palitan ng website ang indibiduwal at personal na pakikipag-ugnayan ng mga miyembro ng Simbahan.

“Sa paglipas ng mga taon iba-iba ang antas ng ating tagumpay sa pakikitungo sa mga may espesyal na pangangailangan sa Simbahan,” sabi ni Elder Edwards. “Malaking tagumpay ang naging resulta nang magpasiya ang mga tao sa kanilang sarili na gumawa ng kaibhan. Ang susi sa pagtulong sa lahat—may kapansanan man sila o wala—ay ang mahalin sila at hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagtulong sa kanila.

“Tayong lahat ay inutusang mahalin ang ating kapwa gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 19:19). Ang Simbahan ay naglalaan lamang ng iba pang paraan ng pag-alalay sa pagtulong sa atin na makaunawa at magtagumpay sa hangarin nating tumulong sa gawain ng Panginoon.”

Magkakaroon ng Site ng Simbahan para sa mga May Kapansanan sa 2012 sa 10 wika: Chinese, English, French, German, Italian, Japanese, Korean (ipinakita rito), Portuguese, Russian, at Spanish.