2012
Isang Bautismuhang Walang Laman
Pebrero 2012


Mula sa Larangan ng Misyon

Isang Bautismuhang Walang Laman

Paano tayo makapagbibinyag kung walang tubig sa bautismuhan?

Alas-7:45 n.u. iyon sa isang maulang umaga ng Agosto rito sa Freetown, Sierra Leone, West Africa. Nagplano kami (mga full-time missionary sa Freetown District) ng isang serbisyo sa binyag at determinado kaming idaos iyon, umulan man o umaraw. Noon ko natanggap ang tawag ni Brother Allieu, isang miyembro ng branch namin, pero hindi ko lubos na maunawaan ang sinasabi niya, dahil mabilis siyang nagsasalita sa Krio, ang katutubong wika roon. Sinabi ko sa kanya na huminga nang malalim at magsalita nang dahan-dahan. Ginawa nga niya iyon at sinabing, “Elder Naeata, walang tubig sa bautismuhan. Sori po. Walang tubig.”

Pinasalamatan ko siya sa pagtawag at saka ko ipinaabot ang masamang balita sa iba pang mga elder. Agad kaming nag-isip kung paano pa namin maisasagawa ang sagradong ordenansang ito. At noon ipinaalala sa amin ni Elder Agamah ang isang talon at batis sa itaas ng kalapit na bundok sa isang lugar na tinatawag na Mellow. Sumang-ayon ang lahat ng elder na dapat naming subukang idaos doon ang binyag, kaya humingi kami ng pahintulot na gawin iyon.

Nang mangagtipon ang lahat kalaunan noong umagang iyon sa paanan ng bundok, saka pa lamang naisip ng grupo na napakahirap ng gagawin namin. Gayunman, walang pag-aatubiling nagsimulang umakyat ng bundok ang grupo. Naglakad at nagkuwentuhan ang kalalakihan at kababaihan at maging ang mga bata paakyat ng basa at madulas na daanan. Habang daan-dahang umaakyat, bahagya kaming lumihis ng daan para makatawid ng ilog.

Habang naglalakad, nawala ang sigla ng ilan sa grupo nang lumakas ang ulan, ngunit nagpatuloy pa rin kami nang may pag-asa. Gayunpaman, tila walang katapusan ang baku-bakong daan. Sa wakas ay dumating din kami sa aming pupuntahan. Nagalak ang aming puso, ngunit patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan sa amin. Habang naghahanda kami para sa serbisyo sa binyag, sumilong kami mula sa ulan sa ilalim ng malaking puno ng mangga.

Nagsimula kami sa pag-awit ng himnong “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2). Matapos ang pambungad na debosyonal nagtungo kami sa lugar na pagbibinyagan. Mabilis ang bagsak ng tubig mula sa talon patungo sa batis kung saan namin isasagawa ang sagradong ordenansa.

Lumusong ang isang ama sa batis at tinulungan ang anak na lalaki sa paglusong sa tubig nang biglang tumigil ang ulan. Tumagos ang mga sinag ng araw sa mga ulap at napuno ng liwanag ang batis. Dama namin ang presensya ng Espiritu. Matapos binyagan ng ama ang kanyang anak, bininyagan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at bininyagan naman ng mga elder ang kanilang mga investigator. Patuloy na sumikat ang araw, gayon din ang mga ngiti sa aming mukha.

Tinapos namin ang serbisyo sa pag-awit ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67). Oo, tunay ngang sumunod kami sa Kanya. Sinundan namin ang aming Tagapagligtas paakyat at pababa ng bundok, patawid ng umaapaw at umaagos na mga batis, paakyat ng matarik at basang mga daanan, at sa gitna ng ulan. At ang mga bininyagan ay tunay ngang sumunod sa halimbawa ng Tagapagligtas nang lumusong sila sa tubig ng binyag.

Paglalarawan ni Allan Garns