2012
Isang Tinig para sa Matataas na Pamantayan
Pebrero 2012


Isang Tinig para sa Matataas na Pamantayan

Maliliwanag na ilaw. Naghihiyawang mga tao. Libu-libong tagahanga sa Facebook. Nang masali sa top-10 finalist ang 17-taong-gulang na si Gerson Santos sa Portuguese televised musical talent competition na Ídolos, kinailangan niyang umakma sa kasikatan at atensyong kaakibat ng kanyang tagumpay. Nagpasiya si Gerson na tanggapin ang kakaibang pagkakataong ito na ipahayag ang ebanghelyo at kaagad nakilala sa iba’t ibang Portuguese media bilang “Mormon competitor” na handang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang relihiyon.

Paano ka nagpasiyang sumali sa Ídolos? Paano ka naghanda?

Ang Ídolos po ay isang television show na talagang gustung-gustong kong panoorin. Noon pa man ay mahilig na akong kumanta at umasa akong makasali balang araw sa isang music competition. Hindi ako nag-alinlangan ngayong taon; nagpalista lang ako sa programa at nagpunta sa audition kasama si Itay. Siguro masasabi po ninyo na buong buhay akong naghanda para sa Ídolos. Lahat po ng naranasan ko sa Ídolos ay kamangha-mangha, walang eksepsyon. Sinikap kong samantalahin ang lahat ng pagkakataong dumating sa akin.

Anong mga gawaing misyonero ang ginawa mo sa kompetisyon?

Minsan po sa isang hapunan kasama ang ibang mga kalahok, nag-usap kami nang kaunti tungkol sa relihiyon, at nagkuwento ako tungkol sa aking relihiyon at mga pamantayan ng Simbahan. Kalaunan binigyan ko po ang bawat kalahok ng tig-iisang kopya ng polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan para mas maunawaan nila ang paniniwala ko. May ilang nagsabi na parang konserbatibo ang mga pamantayan ng Simbahan, ngunit may ilan ding pumuri sa akin sa pagkakaroon ng matataas na pamantayan sa mga panahong ito.

Marahil ay naubos ang oras mo sa Ídolos. Paano ka pa nagkaroon ng oras sa mga responsibilidad mo sa Simbahan?

Patuloy po akong nagdarasal, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pumupunta sa seminary, at nakikibahagi sa sakramento tuwing Linggo. Kasalukuyan po akong naghahanda para sa misyon, isang bagay na gusto kong gawin mula pa noong maliit ako. Naglilingkod ako sa aming ward bilang ward pianist, ward missionary, at assistant sa bishop sa priests quorum. Kailangan kong pagtuunan ang kompetisyon, pero sinisiguro ko po na inuuna kong paglaanan ng oras ang Panginoon.

Larawan sa kagandahang-loob ni Gerson Santos