2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Pebrero 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Ang Doktrina ng Ama,” pahina 20: Magsimula sa paghiling sa mga kapamilya na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa likas na katangian ng Ama sa Langit. Talakayin ang artikulo, na ibinubuod ang mga punto sa bawat bahagi na nagbibigay ng ideya kung sino ang Diyos Ama. Isiping magtapos sa inyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

“Ito ay Inyong Gawain,” pahina 42: Una, basahin ang sidebar na pinamagatang “Ano ang Magagawa Ko?” at pumili ng isa sa mga ideyang makakatulong sa inyong pamilya na makibahagi sa gawain sa family history at templo (tingnan din sa lds.org/familyhistoryyouth). Sa family home evening, basahin ang artikulo sa inyong pamilya at saka itanong kung anong mga pagpapala ang ipinangako ni Sister Beck sa mga gumagawa sa mahalagang gawaing ito. Isagawa ang ideyang ipinlano ninyo at isiping ipagpatuloy ang proyektong ito sa mga linggong darating.

“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” pahina 48: Basahin ang kuwento tungkol sa isang pamilyang tumanggap ng espesyal na Christmas card at ang kuwento tungkol sa lider ng priesthood na nalaman ang mga pangalan ng mga kabataan sa kanyang stake. Ipaisip sa mga kapamilya ang magigiliw na awang natanggap nila mula sa Panginoon. Isiping itanong, “Ano ang magigiliw na awa? Sino ang tumatanggap ng magigiliw na awa? Paano ninyo mapasasalamatan ang magigiliw na awang tinatanggap ninyo?” Maaari ninyo itong sundan ng mga sagot ni Elder Bednar sa mga tanong na ito mula sa artikulo.

“Hindi Naka-plug,” pahina 61: Basahin kung ano ang ginagawa ng mga batang ito at ng kanilang mga pamilya sa pag-uukol ng makabuluhang oras sa media. Maaari ninyong talakayin kung paano nananatiling balanse ang paggamit ng inyong pamilya ng TV, computer, at iba pang “oras ng panonood.” Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011, nagsalita si Elder Ian S. Ardern ng Pitumpu tungkol sa matalinong paggamit ng iba’t ibang teknolohiya: “Kahit mabuti ang mga bagay na ito, huwag nating tulutang halinhan nito ang mga bagay na pinakamahalaga” (“Isang Panahon Upang Maghanda” Liahona at Ensign, Nob. 2011, 32). Isiping gumawa ng mga mithiing katulad ng nasa artikulong ito upang ang inyong tahanan ay maging isang lugar na tatahanan ng Espiritu.

Mga Sunday Lesson sa Lunes ng Gabi

Gusto ko talagang magkaroon ng epektibong family home evening lesson bawat linggo, ngunit lagi akong nahihirapang mag-isip ng paksa at maghanda ng lesson.

Isang araw ng Lunes nalaman ko na nalimutan kong maghanda ng lesson. Subalit naisip ko ang nakatagong pagpapala ng pagiging guro sa Primary. Kamakailan ay natawag akong magturo sa mga batang limang taong gulang at katuturo ko lang ng isang lesson noong nakaraang Linggo. Nagpasiya akong gamitin sa FHE ang isang pinaikli (at angkop sa edad) na bersyon ng itinuro ko noong Linggo. Noong Lunes ng gabing iyon pinag-usapan namin ang tungkol sa pagsunod, at muli kong isinalaysay ang tatlong kuwentong ibinahagi ko sa Primary noong Linggong nakaraan.

Magandang paraan ang pag-aakma ng aking Primary lesson sa pamilya ko para maisakatuparan ang mithiin kong magkaroon ng handang-handa at epektibong family home evening lesson bawat linggo.

Christina Sherwood, Arizona, USA