2012
Pagtulad at Paggalang sa Ating mga Magulang sa Langit
Pebrero 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pagtulad at Paggalang sa Ating mga Magulang sa Langit

Dahil ang pagkakaroon ng huwaran sa ating isipan ay makakatulong sa atin na tularan ang banal na gawain, ibinigay ng ating matalinong Ama ang Kanyang Anak bilang tunay nating huwaran sa pagsunod sa Kanya.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagtulad, ang sabi ni Elder Douglas L. Callister, dating miyembro ng Pitumpu. “Isa sa mga layunin ng pagsubok sa atin dito sa lupa ay maging katulad nila sa lahat ng aspeto nang sa gayon ay maging komportable tayo sa harapan ng ating mga magulang sa langit.” Tinutularan natin Sila kapag sinisikap nating mag-isip, magsalita, kumilos, at maging kawangis Nila (tingnan sa Alma 5:14).1

Bilang graphic designer, kailangan kong magdisenyo ng iba’t ibang artistikong estilong hinahanap ng mga kliyente. Para magawa iyan, nakatulong sa akin ang pagkakaroon ng isang padron o huwaran. Kahit ipaliwanag ng kliyente nang detalyado ang gagawin at ang gusto nilang mangyari, nakakatulong pa rin sa akin ang isang larawang matitingnan ko habang ginagawa ko ito. Ang huwarang iyon—kahit nasa isip ko lang—ay nagpapaalala sa akin ng aking mithiin at itinutuon ako palagi sa dapat kong gawin.

Gayundin sa pagsubok sa atin dito sa lupa, hindi laging sapat ang mga tagubilin lang para magparating ng impormasyon o maglahad ng bagong konsepto. Maaaring kailanganin natin ang isang larawan o huwaran sa ating isipan para matulungan tayong tularan ang banal na gawain. Dahil diyan, kung iisipin natin na mga anak tayo ng Diyos, na naghahangad na makabalik sa Kanya, mas malamang na itulad natin ang ating buhay sa Kanya at sikapin nating taglayin ang mga katangiang likas sa Kanya.2

Ibinigay ng ating matalinong Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak upang maging tunay na halimbawa natin ng pagtulad sa Kanya. Nang magministeryo ang Tagapagligtas sa mundo, ginawa Niya ang kagustuhan ng Ama, na ginugugol ang Kanyang panahon sa paglilingkod sa iba. Gayundin, kapag tinularan natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, ginagamit natin ang ating mga kaloob, talento, at talino upang bukas-palad na maglingkod. Sa ating paglilingkod, binibigyan natin ng karangalan ang ating Ama at binibigyan Niya tayo ng karangalan sa pagtawag sa atin na makibahagi sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.

Tulad sa graphic design, kung minsan ay napapalitan ng isang bagay na nasa isipan lang ang isang huwarang nakikita at nahahawakan. Madalas tayong matuto sa paglilingkod ng iba. Naaalala ko pa noong bago pa lang akong ward executive secretary na hindi ko maiayos ang iskedyul ng pag-iinterbyu ng bishop. Mabuti na lang at ipinalala sa akin ng bishop na ang Panginoon ang bahala at alam Niya kung sino ang kailangang kumausap sa bishop sa araw na iyon—kahit hindi namin alam. At totoo nga na tuwing may ganito kaming “problema,” bigla na lang may tatawag sa telepono o may darating para itanong kung may panahon ang bishop. At dahil mahusay siyang mamuno, lagi siyang may panahon.

Bukod pa sa halimbawa ng mga pinuno, pinagpala akong magkaroon ng mga magulang na huwaran ng kabaitan, kasipagan, suporta, katapatan, at pagkamatwid. Ang kanilang mga halimbawa ay isang huwarang maaari kong sundan, na nagpapamalas sa akin ng kaugnayan ng pagtulad sa Diyos at paggalang sa ating ama at ina. Ang mabuting halimbawa ng ating mga magulang sa lupa ay bahagi ng huwaran ng Ama sa Langit, at sa paggalang sa kanila, matututo tayo ng mga katangiang kailangan natin upang makapiling na muli ang ating Ama sa Langit. At habang nagiging bahagi tayo ng mabuting huwarang susundan ng ating mga anak sa kanilang buhay, makakatulong pa tayo sa pagsasakatuparan ng Kanyang plano at pagsasagawa ng Kanyang huwaran ng pagiging magulang sa pamamagitan ng pagdadala hindi lamang ng ating sarili kundi pati na ang ating walang-hanggang pamilya pabalik sa Kanya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Douglas L. Callister, “Ang Ating Dalisay na Tahanan sa Langit,” Liahona, Hunyo 2009, 27; Ensign, Hunyo 2009, 55.

  2. Tingnan sa Sherrie Johnson, “Instilling a Righteous Image,” Tambuli, Hunyo 1984, 10; Ensign, Hulyo 1983, 21.

Paglalarawan © IRI