2012
Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?
Pebrero 2012


“Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?”

Sa pamamagitan ng halimbawa ng isang pamilyang investigator, nalaman ko na tiyak ang mga pangako ng Panginoon kapag sinusunod natin ang batas ng pag-aayuno nang may pananampalataya at layunin.

Ako ay full-time missionary sa Texas, USA, nang una kong mabasa ang Isaias 58. Dito ay inilahad ng Panginoon ang doktrina ng batas ng pag-aayuno, na naglalahad ng halos 20 partikular na pagpapala para sa mga sumusunod sa Kanyang batas. Bago ako nagmisyon, nakita ko na ang marami sa mga pagpapalang ito sa sarili kong buhay at sa buhay ng aking mga kaibigan at kapamilya. Subalit naunawaan ko lang sa pamamagitan ng mga halimbawa at pananampalataya ng pamilyang investigator na totoo ang mga pangako ng Panginoon sa atin kapag katanggap-tanggap sa Kanyang harapan ang ating pag-aayuno.

“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako” (Isaias 58:9).

Nang simulan naming magkompanyon na turuan si Corina Aguilar, ipinahiwatig na niya na nais niyang magsimba. Matapos malaman ang Panunumbalik ng ebanghelyo at mabasa at maipagdasal ang tungkol sa Aklat ni Mormon, nadama niya na ang Simbahan ay totoo. Isang bagay lang ang pumipigil sa kanya noon: ang kanyang asawang si Manuel.

Ayaw magsimbang mag-isa ni Corina—determinado siya na sama-samang matutuhan ng kanyang buong pamilya ang ebanghelyo. Gayunman, abala si Manuel sa mahabang oras na pagtatrabaho, at pag-uwi niya, ayaw niyang makinig sa dalawang misyonero.

Sinimulang ipagdasal ni Corina na magkaroon si Manuel ng hangaring makipag-usap sa amin, ngunit lumipas ang mga linggo na hindi nagbabago ang kanyang saloobin. Pagkatapos, isang araw pagkatapos ng isang aralin, tinanong kami ni Corina tungkol sa pag-aayuno. Huli na kami sa susunod naming pupuntahan, kaya maikli naming ipinaliwanag sa kanya na kapag nag-aayuno tayo, hindi tayo kumakain o umiinom ng dalawang magkasunod na kainan. Sa panahong iyon nagdarasal tayo sa Ama sa Langit na tulungan at patnubayan tayo o ang ibang tao. Matapos mangako na tuturuan pa namin siya sa susunod naming pagbisita, dali-dali kaming lumisan.

Makalipas ang ilang araw muli naming binisita si Corina. Nang nagtuturo na kami ginulat niya kami nang malungkot niyang sabihin, “Palagay ko hindi ko kayang mag-ayuno.” Ipinaliwanag niya na mula noong huli kaming magpunta, nag-ayuno na siya. Palilipasin niya ang maghapon na walang almusal o pananghalian at maghahapunan na lang. Pagkatapos ng hapunan, magsisimula siya ulit, hindi kakain hanggang sa hapunan kinabukasan. Tatlong araw niya itong ginawa. “Talagang nagsumikap ako,” sabi niya sa amin, “pero napakahirap.”

Mangha sa kanyang pananampalataya, agad naming ipinaliwanag na karaniwan sa isang tao ang isang araw lang mag-ayuno. Pagkatapos, sabik na malaman kung bakit niya ginawa ang gayong sakripisyo, itinanong namin, “Corina, pwede bang malaman kung bakit ka nag-ayuno?”

“Para sa asawa ko,” tugon niya.

Humanga kami sa hangarin niyang sundin ang mga utos ng Panginoon at mapagpala ang kanyang pamilya. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kadalasan kapag nag-aayuno tayo, mas nagkakaroon ng bisa ang mga matwid nating panalangin at pagsusumamo.”1 Ganyan ang nangyari kay Corina. Nang sumunod na linggo pumayag si Manuel na makausap kami. Kahit alinlangan, matapos malaman ang tungkol sa plano ng kaligtasan, siya rin ay nanalangin at naglagay pa ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa kanyang trak para basahin sa oras ng pahinga sa trabaho. Kalaunan sina Corina, Manuel, at ang tatlo nilang anak ay magkakasama nang nagsisimba.

“Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, … pagaanin ang mga pasan, at papaging layain ang napipighati” (Isaias 58:6).

Bagama’t malaki ang ipinagbago niya, nahirapan si Manuel na sundin ang Word of Wisdom. Binatilyo pa lang siya ay umiinom na siya ng alak. Hindi lang siya nahirapang tumigil, kundi takot din siyang pagtawanan ng kanyang mga kaibigan.

Nahirapan din si Corina sa bisyo ng kanyang asawa, at maraming taon niyang sinikap na tulungan ito. Ngayon, sa katatagpong pananampalataya at patotoo sa kapangyarihan ng pag-aayuno, regular na siyang nag-aayuno para magkaroon ng lakas si Manuel na sundin ang Word of Wisdom.

Ang pagmamahal ni Corina sa kanyang asawa ay nagpaalala sa akin ng kuwento sa Bagong Tipan nang makiusap ang isang ama sa mga Apostol na pagalingin ang anak niyang maysakit. Bagama’t sumampalataya sila, hindi nila nagawa ang himala. Gayunman, pinagaling ng Panginoon ang bata, at pagkatapos ay ipinaliwanag na “ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno” (Mateo 17:21).

Kaya nga sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno ay unti-unting nagkaroon ng lakas si Manuel na makawala sa kanyang bisyo. At kahit noong una ay kinutya siya ng kanyang mga kaibigan, di-nagtagal ay mas iginalang nila siya nang magpakita siya ng katapatan sa Panginoon sa pagsunod sa Kanyang mga utos.

“Papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, … at ikaw ay magiging parang halamang nadilig” (Isaias 58:11).

Kasama ang tulong, lakas, at patnubay mula sa Panginoon, ang pag-aayuno ay nagbibigay ng pagkakataong “magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa” (Isaias 58:10) sa pagbibigay ng malaking handog-ayuno. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Magbigay nang sagana, nang kayo mismo ay umunlad. … Ipinapangako ko sa bawat isa sa inyo na gagawa nito na kayo ay sasagana, kapwa sa espirituwal at sa temporal.”2

Habang naghahandang mabinyagan ang mga Aguilar, sinubukan ang kanilang pananampalataya sa maraming paraan. Matapos lang itakda ang petsa ng kanilang binyag, nawalan ng trabaho si Manuel, at hindi nila tiyak ni Corina kung paano nila babayaran ang upa sa bahay, ilaw at tubig, at mapapakain ang kanilang mga anak. Kahit tumanggap sila ng tulong pinansiyal mula sa kanilang pamilya, hindi iyon sapat para matugunan ang lahat ng gastusin nila.

Nang walang makita pang ibang paraan, nagpasiya ang mag-asawa na magdaos ng garage sale. Una nilang ibinenta ang ilang gamit na hindi nila kailangan sa apartment, pagkatapos ay ibinenta ang anumang maaari nilang ibenta. Pagkaraan ng mga isang linggo, nakaipon sila ng sapat na perang pambayad sa upa para sa buwang iyon pero nangamba pa rin kung paano nila titiisin ang susunod pang mga buwan.

Hindi nagtagal tinulungan sila ng mga miyembro ng branch. Kinausap ng branch president si Manuel upang alamin ang iba pang tulong na kailangan nila. At bilang isang branch ginawa nila ang kanilang makakaya para matulungan ang mga Aguilar.

Habang patuloy na sinunod ng mga Aguilar ang mga utos at ginawa ang lahat para matustusan ang kanilang pamilya, marami silang nakitang pagpapala—pati na ang mga bagong pagkakataong makapagtrabaho. Nalaman nila na maging sa mga oras ng pagsubok, nangangako ang Panginoon na maglalaan Siya para sa atin kung masunurin tayo.

“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, … at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod” (Isaias 58:8).

Noong Nobyembre 9, 2008, nabinyagan sina Manuel, Corina, Jovani, at Lupito Aguilar. Inasam ng bunsong si Mariela na sumapit siya sa edad na walo at mabinyagan. Di-nagtagal natanggap ni Manuel ang Aaronic Priesthood at kalaunan ay ang Melchizedek Priesthood.

Makalipas ang isang taon pumasok sa templo sina Manuel at Corina upang tanggapin ang kanilang endowment, at ngayon ay naghahanda silang bumalik sa templo para maibuklod sa kanila ang kanilang mga anak.

“Ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali’t saling lahi” (Isaias 58:12).

Bilang mga unang miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya, sina Manuel at Corina ay mga pioneer na naging mabuting huwaran sa kanilang mga inapo at sa iba dahil sa kanilang mga halimbawa ng pananampalataya at sakripisyo. Hindi lamang nila natulungan ang kanilang mga anak na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo, kundi ipinakita rin nila sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak ang kagalakang dumating sa kanilang buhay dahil sa pagsunod sa mga utos. Ang ilan ay nagpaturo din sa mga misyonero at nabinyagan.

Ang pag-aayuno ay nagbukas ng daan upang mapagpala ng lakas at kapanatagan. Tulad ng pamilya Aguilar, lahat tayo ay nahaharap sa mga pagsubok at paghihirap habang sinisikap nating sundin ang Tagapagligtas. Maaari tayong mahirapang daigin ang sarili nating mga kahinaan o tukso o magdusa dahil sa mga pagkakamali ng iba. Maaari tayong manghina dahil sa mga pisikal o emosyonal na pasakit o kailangan nating magtiis ng kahirapan paminsan-minsan. Anuman ang ating pasanin, nakakatulong ang ating pag-aayuno na “ilagay ang [ating] pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan [tayo]” (Mga Awit 55:22). Kapag sinunod natin ang batas ng ayuno nang may pananampalataya at layunin, masasaksihan natin sa sarili nating buhay ang mga pagpapalang ipinangako sa Isaias 58.

Mga Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, “Ang Batas ng Ayuno,” Liahona, Hulyo 2001, 89; Ensign, Mayo 2001, 73.

  2. Marion G. Romney, “The Blessings of the Fast,” Ensign, Hulyo 1982, 4.

Sa kagustuhang malaman ang dahilan ng sakripisyong iyon, tinanong namin si Corina kung ano ang kanyang ipinag-ayuno. “Para sa asawa ko,” pagtugon niya.

Sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno unti-unting nagkaroon ng lakas si Manuel na makawala sa kanyang bisyo, at naghanda ang mga Aguilar para sa binyag.

Paglalarawan ni Michael Malm