2012
Paano Ko Tutulungan ang Batang Ito?
Pebrero 2012


Paano Ko Tutulungan ang Batang Ito?

Nagtuturo ka ba ng mga batang Primary na may kapansanan sa pag-unawa? Narito ang ilang ideya sa pagtuturo sa kanila.

Nagtatanong ang maraming guro at lider ng Primary kung paano paglingkuran ang isang batang may kapansanan sa pag-unawa, tulad ng autism, Down syndrome, o attention deficit/hyperactivity disorder (ADHD). Maaari nilang itanong: Paano ko matuturuan ang batang ito? Dapat ba siyang isama sa klase ng mga kaedad niya? Maaari ba siyang lumahok sa oras ng pagbabahagi o mga aktibidad?

Bilang ina ng isang batang autistic at bilang guro ng mga batang Primary na may kapansanan sa pag-unawa, marami akong natutuhang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga batang ito. Ang sumusunod na mga alituntunin ay ilan lamang sa mga natutuhan ko. Sana, makatulong ito sa pagsisikap ninyong paglingkuran at isali ang lahat ng bata sa inyong ward o branch Primary.

Maglingkod na Tulad ni Jesus

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano paglingkuran ang iba sa pamamagitan ng pag-aakma ng Kanyang mensahe at mga pagkilos sa mga pangangailangan ng bawat isa.1 Halimbawa, nang bisitahin Niya ang mga Nephita, tinipon niya ang Kanyang maliliit na anak at “kinuha [sila], isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mga anghel naman ay “pinalibutan yaong mga musmos” ng apoy mula sa langit at “naglingkod sa kanila” (3 Nephi 17:24).

Nakikibahagi tayo sa ministeryo ng Panginoon sa pagtuturo sa lahat ng bata. Ipinaalala sa atin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayo na pinagtiwalaan ng minamahal na mga anak ay nabigyan ng sagrado at marangal na pamamahala, dahil tayo ang hinirang ng Diyos na palibutan ang mga bata ngayon ng pagmamahal at apoy ng pananampalataya at pag-unawa kung sino sila.”2 Sa pagganap natin sa ating responsibilidad na tulungan ang mga batang may kapansanan, tutulungan tayo ng Panginoon na iakma ang ating paglilingkod at pagtuturo para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Para higit na maunawaan ang mga pangangailangang ito, maaaring makipagkita ang mga guro at lider ng Primary sa bata at mga magulang nito, na magandang pagkakataon para kaibiganin ng guro ang bata. Kadalasan ang pinakamagandang lugar para makilala siya ay sa kanyang tahanan, kung saan siya komportable at mas malamang na makipag-usap sa mga bagong kakilala.

Matuto at Magtulungan

Ang mga guro at lider ay dapat maglaan ng oras para pag-aralan ang kapansanan ng bata. Magandang magsimula sa website ng Simbahan na lds.org/disability (makukuha sa ilang wika), kung saan nila mababasa ang mga buod tungkol sa mga partikular na kapansanan, makukuha ang mga tip sa pagtuturo, at matatagpuan ang mga karagdagang sanggunian.

Matapos galugarin ang website, maaaring makipagkitang muli ang mga guro at lider sa mga magulang ng bata upang magbahagi ng mga ideya, magtalakay ng mga problema, at magtakda ng mga mithiin. Maaaring magbigay ng impormasyon ang mga magulang tungkol sa kanilang anak para magtagumpay ang mga guro, tulad ng mga ideya kung paano makipag-usap ang bata, aling mga aktibidad ang kinatutuwaan niya at alin ang iiwasan, at paano maghikayat ng angkop na asal. Mahalagang makipagtulungan sa mga magulang sa pagkakaroon ng pagkakaisa, kooperasyon, at patuloy na pakikipag-usap na kailangan upang mapaglingkuran nang husto ang isang batang may mga kapansanan.

Dapat ding konsultahin ng mga guro at lider ang kanilang mga lider ng priesthood sa pag-iisip kung paano mapaglilingkuran ang bata. Nang unang masuri na autistic ang aming anak, hindi namin alam kung gaano kahusay niyang magagawang lumipat sa Primary mula sa nursery kasabay ng kanyang mga kaedad. Lumapit sa aming bishop at Primary president ang isang sister sa aming ward na isang guro sa paaralan at nag-alok na alalayan ang aming anak. Nakipagkita kaming mag-asawa, ang Primary president, at ang isang miyembro ng bishopric sa kanya, at kinausap niya kami kung paano tulungan ang aming anak. Nagtakda kami ng mga mithiin at lumikha ng plano para maipaunawa sa kanya ang ginagawa sa Primary. Kadalasan ay kinailangan naming baguhin ang plano sa sumunod na tatlong taon, ngunit nang matutuhan niyang unawain ang nangyayari sa kanyang paligid, naging mas interesado siyang makihalubilo sa kanyang mga kaedad at lumahok sa mga aralin. Ang pag-unawa at katapatan ng sister na ito ay nagtatag ng pundasyong patuloy na sinasandigan ng aming anak. Ang kanyang pagmamahal at pakikipagkaibigan ay nagturo sa kanya na siya ay isang pinakamamahal na anak ng Diyos. Dahil diyan, patuloy niyang itinuturing ang simbahan na isang lugar na mapupuntahan niya para magpakatotoo at siya ay mahalin.

Bumuo ng Pagkakaibigan at Pagtitiwala

Bilang mga guro maaari nating “sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas na magbigay ng pag-asa, pag-unawa, at pagmamahal sa mga may kapansanan.”3 Kapag nagpakita tayo ng tunay na interes sa mga batang may kapansanan, lalago ang pakikipagkaibigan natin sa kanila.

Ang mga batang may kapansanan sa pag-unawa ay maaaring makipag-usap sa paraang naiiba sa ibang mga tao. Kapag nakaakma ang mga guro sa estilo ng pakikipag-usap ng bawat bata, natuturuan nilang magtiwala at makipagkaibigan sa kanila ang mga ito at nagiging mas epektibo silang guro. Narito ang dalawang paraan para mapahusay ang komunikasyon:

  • Ipantay ang inyong mukha sa mukha ng bata.4 Kapag ginawa ito ng matatanda, hindi gaanong natatakot ang bata at mas nadarama nito na siya ay kabilang. Nakakatulong din ito sa mga batang nahihirapang magtuon kapag nasa isang grupo. Makukuha ng guro o alalay ang pansin ng bata at maibahahagi ang isa o dalawang pangungusap tungkol sa aralin sa klase paminsan-minsan.

  • Tuklasin ang mga interes ng bata. Nadarama ng mga bata na pinahahalagahan sila kapag nagpakita ng interes ang iba sa mga bagay na mahal nila. Madalas mapamahal sa mga batang may kapansanan ang ilang bagay, tulad ng isang laruan, hayop, o laro. Maaaring ipakuwento ng guro sa bata ang kanyang mga interes at tukuyin ang interes na iyon sa aralin. Kahit hindi nagsasalita ang bata, maaari pa ring banggitin ng guro ang nakakainteres dito.

Makihalubilo

Karaniwan, ang isang batang may kapansanan sa pag-unawa ay dapat isama sa kanyang regular na klase sa Primary. Mahalaga ito kapwa sa bata at sa kanyang mga kaedad. Sa pakikihalubilo ay natututo siya ng angkop na pakikisama sa iba at ng tamang asal sa simbahan at inihahanda siyang lumipat sa mga klase ng mga kabataan. Para sa magkakaedad, ang pagsasama-sama sa klase ay naglalaan ng mga pagkakataong maglingkod at maranasan ang kakaibang mga ideya ng mga batang may mga kapansanan. Naghihikayat din ng pagkakaibigan ang pagsasama-sama—isang mahalagang bahagi ng pagdama na sila ay kabilang at kailangan sa simbahan.

Noong preschool pa ang aming anak, madalas siyang tabihan ng isang batang babae sa upuan sa Primary. Gumawa ng mga card at larawan ang batang babae para sa kanya kung hindi siya dumalo sa klase. Hindi masabi ng anak namin ang pangalan ng bata, pero hinahawakan niya ang kamay nito at tinatawag itong “kaibigan ko.” Ang kanilang pagkakaibigan ay nagbigay sa bata ng mga pagkakataong maglingkod at nagpasaya sa pagsisimba ng aming anak.

Para maging magkakaibigan sila, maaaring ipakilala ng isang magulang o guro ang bata sa kanyang mga kaedad sa unang araw ng klase at ikuwento ang kanyang pagkatao—na ibinabahagi ang kanyang mga talento, kagalingan, at paboritong mga aktibidad. Pagkatapos ay mababanggit nila ang kapansanan para maunawaan ng mga kaedad niya ang mga pangangailangan ng bata at anumang asal na maaaring kakaiba sa kanila. Kadalasan, kung ipaliliwanag ng mga magulang at pinuno ng Simbahan ang mga bagay na ito, magiging mas komportable ang kanyang mga kaedad na kaibiganin siya.

Isiping kontakin ang mga ekspertong makakatulong sa mga guro ng Primary na lumikha ng plano para mas makalahok ang bata. Kung minsan ay handang makipagkita ang guro ng bata sa paaralan sa mga magulang at lider ng Primary para ituro sa kanila ang mga pamamaraang epektibo sa bata sa paaralan. Baka nga handa pang magpunta sa simbahan ang guro para ipakita kung paano ito gagawin.

Sa ilang pagkakataon, maaaring gumawa ng mga eksepsyon para maturuan nang hiwalay ang bata, o maaaring gumawa ng iba pang pag-aakma. Ang bahagi ng Primary sa Serving in the Church sa LDS.org ay naglalaan ng iba pang patnubay tungkol dito.5

Sumuporta sa Klase

Maaaring mahirap tugunan ang mga pangangailangan ng bawat bata sa anumang klase sa Primary. Kapag may isang batang may mga kapansanan sa grupong iyon, maaaring kailanganing tumawag ng isang co-teacher o alalay. Naghahalinhinan ang mga co-teacher sa pagtuturo ng aralin at pag-alalay sa bata, o maaaring tumawag ng isa pang alalay na tututok sa batang may kapansanan. Dapat ay pag-usapan ng mga lider at guro sa Primary ang iskedyul ng mga aralin, gumawa sila ng sistema ng komunikasyon, at pag-usapan nila kung paano tutugunan ang iba’t ibang sitwasyong maaaring mangyari. Tulad ng dati, mahalaga ang panalangin, komunikasyon, at pagpaplano sa pagkakaroon ng matagumpay na pagtutulungan at masayang karanasan sa pagtuturo.

Sa pagtawag ng isang co-teacher o alalay, isaisip na tinutulungan ng mga magulang ang kanilang anak at hinaharap ang mga hamong kaakibat ng pagpapalaki ng isang batang may kapansanan nang 24 na oras sa isang araw. Maaari silang mangailangan ng pagkakataong dumalo sa kanilang mga klase sa Linggo o tumulong sa ibang mga tungkulin; ang maikling pahingang ito ay maaaring magpanibago ng kanilang lakas at makapaghanda silang harapin ang mga hamon sa darating na linggo.

Iakma ang mga Lesson Plan

Itinuturo sa hanbuk ng Simbahan na “dapat isama nang lubusan ng mga lider at guro ang mga miyembrong may mga kapansanan sa mga pulong, klase, at aktibidad hangga’t maaari. Dapat iakma ang mga aralin, mensahe, at pamamaraan sa pagtuturo sa mga pangangailangan ng bawat tao.”6 Ang pagtuturo ng mga aralin sa paraang tutugon sa mga pangangailangan ng bawat miyembro ng klase ay nangangailangan ng panalangin, pagkamalikhain, at sigasig.

Magsimula sa pagtuklas kung paano natututo nang husto ang bata. Ang Leader and Teacher Resources link sa lds.org/disability ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa pag-aakma ng mga aralin. Nakalista ang mga karagdagang mungkahi sa ilalim ng bawat heading ng kapansanan. Ang bahagi ng Primary sa Serving in the Church sa LDS.org ay isa pang magandang sanggunian. Ang mga pag-aakmang ginawa para sa isang batang may mga kapansanan ay makakatulong din sa iba pang mga bata. Epektibo sa akin ang mga pamamaraang ito:

  • Visual: Maraming batang madaling matuto sa pagtingin, ibig sabihin nakakatulong ang mga larawan o bagay para maunawaan nila ang mga ideya. Maaaring tabihan ng co-teacher o alalay sa upuan ang batang may mga kapansanan at pakitaan ito ng mga drowing o larawan sa buong aralin para maipaliwanag ang itinuturo. Kung gustong magdrowing ng bata, maaaring gusto niyang magkaroon ng papel na maibabahagi sa kanyang alalay. Magkasama nilang maidodrowing ang mga bagay-bagay na binanggit sa aralin.

  • Pandinig: Ang mga batang natututo sa pakikinig ay natutuwang makinig sa mga kuwento. Gustung-gusto rin nilang gamitin ng guro ang kanyang boses sa pagkukuwento—bumubulong, namamangha, o pinabibilis nang bahagya ang boses sa mga bahaging kapana-panabik. Maaaring kailanganin ng mga guro na simplihan at iklian ang mga kuwento sa aralin para maunawaan ito ng mga batang may kapansanan at manatili silang interesado. Isiping isalaysay ang kuwento, pagkatapos ay iangkop ang mga alituntunin mula sa kuwento sa isang sitwasyon o pangyayari sa tunay na buhay na pamilyar sa bata.

  • Pandama: Ang mga batang natututo sa pamamagitan ng pagdama ay natutuwang humawak at humipo sa mga bagay-bagay. Kung sa labas nangyari ang isang kuwento sa aralin, maaaring magdala ng maipapakitang makinis na bato, sanga, o stuffed toy ang guro habang nagkukuwento at pagkatapos ay ipasa-pasa ito para makapaghalinhinan ang lahat sa paghawak at pagsusuri dito. Ang mga gawang-kamay at pahinang kukulayan ay iba pang makakatulong na mga bagay na mahahawakan.

Lumahok sa Oras ng Pagbabahagi at Iba Pang mga Aktibidad

Ang paglahok ay mahalaga sa mga batang may mga kapansanan. Maging malikhain sa paghahanap ng mga paraan para maisali sila sa halinhinang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagsasalita sa oras ng pagbabahagi. Kung nahihirapang magsalita ang isang bata, halimbawa, maaari siyang gumamit ng mga larawan para makipag-ugnayan. O maaaring gustong tumayo ng ilang bata sa pulpito pero napakamahiyain o ayaw magsalita. Sa ganitong sitwasyon, hayaang tumayo ang bata sa pulpito at matuwa sa pagtayo roon habang ang magulang ang nagsasalita para sa kanya. Maaari siyang tumulong sa paghawak ng mga larawan para sa kanyang sasabihin o sa pagiging halimbawa sa paghalukipkip sa oras ng panalangin.

Narito ang ilang iba pang aktibidad at mga uri ng pag-aakma na maaari ninyong gawin:

  • Pagtatanghal ng Primary sa sacrament meeting. Maaaring kailangan pa ng isang batang may kapansanan ang dagdag na suporta at pag-aakma dahil ang pagtatanghal sa sacrament meeting ay hindi bahagi ng normal niyang gawain. Ang pagsasali sa kanya sa ilang praktis ay tutulong sa kanya na makaakma sa mga pagbabago. Magandang ideya ang paupuin ang bata sa tabi ng kanyang alalay para maturuan siya bago siya kumanta o magsalita. Kung madali siyang maguluhan sa ingay o sa mga nakikita niya habang nakaharap sa kongregasyon, magreserba ng upuan malapit sa harapan para sa kanya at sa kanyang alalay. Sa ganitong paraan maaari siyang magkulay, tumingin sa mga aklat na may mga larawan, o umalis kung kailangan nang hindi naiistorbo ang ibang mga bata. Madali rin siyang makakaakyat sa harapan para sabihin ang kanyang parte o kumanta, pagkatapos ay bumalik sa upuan para kumalma. Maaaring ayos lang sa isa pang bata ang maupo sa harapan ngunit kailangang may hawak siyang malalaro, tulad ng dalawa o tatlong paper clip o isang makinis na bato na mahahawakan sa kanyang kandungan. Makakatulong ito sa mga batang nahihirapang makatuon kapag maraming tao.

  • Oras ng pagbabahagi. Kung pinalahok ang klase ng isang bata sa oras ng pagbabahagi, tiyaking kasali ang batang may kapansanan sa paraang komportable sa kanya. Kung magsadula ng katatawanan ang klase, maaari siyang bigyan ng maikling parte o kahit parteng walang salita, ngunit mabihisan lang siya na katulad ng ibang mga bata ay madarama na niyang siya ay kabilang. Mahalaga sa kanya ang makabahagi sa mga karanasan ng kanyang mga kaedad para magkaroon ng mga kaibigan.

  • Mga ekstrang programa. Kung kalahok ang Primary sa isang aktibidad tulad ng ward o branch talent show o Christmas program at ayaw ng batang may mga kapansanan ng malalakas na ingay o maraming tao, unahin ang kanyang klase sa programa. Pagkatapos ay mga magulang na niya ang magpapasiyang iuwi siya bago siya maguluhan.

Anihin ang mga Pagpapala

Salamat sa aking anak na autistic, nagkaroon ako ng bagong pananaw sa kahulugan ng pagiging anak ng Diyos. Natututuhan ko na talagang kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Alam Niya ang ating mga pangangailangan at hinihikayat ang mga magulang at pinuno sa pamamagitan ng Espiritu Santo na pangalagaan at pagpalain ang buhay ng ating pamilya at ang mga batang pinaglilingkuran natin. Nagkaroon din ako ng matinding pasasalamat at pagmamahal sa mga guro ng aming anak sa Primary at mga pinuno ng Simbahan na nag-ukol ng oras para kaibiganin siya. Napakaganda nilang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Ang pagtuturo sa isang batang may mga kapansanan sa pag-unawa ay nangangailangan ng dagdag na oras at pagsisikap at kung minsan ay may kasama pang mga sandali ng pagkayamot. Ngunit sa pamamagitan ng panalangin, inspirasyon, at pag-asa sa Panginoon, magtatagumpay tayo kapag ginampanan natin ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa atin na tulungan ang espesyal na mga batang ito.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa Mateo 8:1–17; 9:1–13, 18–38.

  2. M. Russell Ballard, sa “Behold Your Little Ones,” Tambuli, Okt. 1994, 40; “Great Shall Be the Peace of Thy Children,” Ensign, Abr. 1994, 60.

  3. Handbook 2: Administering the Church (2010), 21.1.26.

  4. Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (2000), 88.

  5. Tingnan sa “Teaching All Children, Including Those with Disabilities,” lds.org/pa/display/0,17884,5727-1,00.html.

  6. Handbook 2, 21.1.26.

Nagsalita ang anim-na-taong-gulang na si Courtney T., na may Down syndrome, sa Primary sa tulong ng kanyang kapatid na si Justin. Itinuturo ng hanbuk ng Simbahan na “ang mga aralin, mensahe, at pamamaraan sa pagtuturo ay dapat iakma sa mga pangangailangan ng bawat tao.”

Ang may-akdang si Danyelle Ferguson kasama ang kanyang autistic na anak na si Isaac.

Kinakausap ni Emily S. at ng kanyang apat-na-taong-gulang na anak na si Landon, na may pervasive developmental disorder, ang Primary president na si Debra Maloof tungkol sa mga bagay na gusto ni Landon at sa epektibong mga estratehiya sa pagtuturo sa kanya. Mapaglilingkuran nang husto ang isang batang may mga kapansanan kapag nagtulungan ang bata at ang kanyang mga magulang at pinuno nang may pagkakaisa at kooperasyon.

Ang mapasama sa klase ng Primary ay nakakatulong kapwa sa batang may kapansanan sa pag-unawa at sa kanyang mga kaedad. Dito ay binabasa ni Audrey S. ang mga banal na kasulatan kay Isaac.

Si Brooklyn C. (ikatlong bata mula sa kaliwa), edad apat, na autistic, ay gustung-gusto ang oras ng pagkanta sa Primary; ayon sa kanyang mga magulang, laging maganda ang pagtugon niya sa musika, at ang finger play ay nakadaragdag sa interes niya at ng ibang mga bata.

Kaliwa: larawang kuha ni Robert Casey; kanan: larawang kuha ni Erin Jensen

Kaliwa: larawang kuha ni Robert Casey; kanan: larawang kuha ni Erin Jensen

Mga larawang kuha ni Robert Casey