2012
Inanyayahan ng International Art Competition ang mga Kabataan na Ipakita ang Kanilang mga Talento
Pebrero 2012


Inanyayahan ng International Art Competition ang mga Kabataan na Ipakita ang Kanilang mga Talento

Sa Doktrina at mga Tipan 115:4–6, iniutos ng Panginoon na gumawa ang lahat ng tao sa Kanyang Simbahan, at inanyayahan silang “bumangon at magliwanag” upang ang kanilang “liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.” Inutusan Niya silang magsama-sama sa pagsuporta sa isa’t isa at maging “isang kanlungan mula sa bagyo.”

Inulit ng Church History Museum ang panawagang ito, at inanyayahan ang mga kabataan ng Simbahan na edad 13 hanggang 18 na lumahok sa unang International Art Competition for Youth ng museo. Ilang taon nang nagdaraos ng international art competition ang museo para sa mga miyembro ng Simbahan na nasa hustong gulang, ngunit binubuksan na ang karanasang ito sa mga kabataan sa bagong kompetisyong ito.

Hinahamon ang mga kabataan na lumikha ng mga gawang-sining na nagpapahayag kung ano ang kahulugan sa kanila ng hiling ng Panginoon na—“bumangon at magliwanag”—. Nagsimulang tumanggap ng mga entry ang museo noong Lunes, Enero 2, 2012.

“Kahit hindi perpekto ang pag-unawa ng ating mga kabataan sa kanilang mga talento sa sining, kapansin-pansin kung paano naaantig ng isang bagay na kasingsimple ng isang drowing, larawan, o lilok ang espiritu ng ibang tao at pinagmumulan ito ng matinding espirituwal na lakas sa kanila,” sabi ni Angela Ames, assistant curator of education sa museo. “At kapag ginamit ng mga kabataan ang kanilang malikhaing mga talento para espirituwal na pasiglahin at bigyang-inspirasyon ang iba, sila man ay magkakaroon ng inspirasyon.”

Anumang gawang-sining na isinumite sa kompetisyon ay kailangang ginawa pagkaraan ng Enero 1, 2009. Maaaring ipadala ng mga sasali ang kanilang ginawa online hanggang Biyernes, Hunyo 1, 2012. Bawat kasali ay maaaring magsumite ng isang entry sa kompetisyon. Ang impormasyon at mga patnubay sa pagsusumite ay matatagpuan sa lds.org/youthartcomp.

Lahat ng artistic media at style ay tatanggapin sa kompetisyon—mga ipinintang larawan, drowing, retrato, lilok, yari sa metal, tela, alahas, luad [putik], at iba pa. Ayon sa mga patakaran at hinihingi sa paligsahan, “maaaring ipahayag sa gawang-sining ang iba’t ibang kultura at tradisyon sa buong mundo. Tatanggapin kapwa ang mga simboliko at literal na interpretasyon ng sining.”

Hindi magtatagal ay ilulunsad na ang paligsahan sa isang interactive video, sa bahaging “Your Creative Process,” na maaaring maging reperensya ng bata pang mga artist kung kailangan nila ng tulong sa pagbabahagi ng isang ideya o pagpapasiya kung paano ipararating ang kanilang ideya.

Kasunod ng dalawang paghatol ng maraming hurado, pipiliin ang mga mananalo at hihilingan silang ipadala sa museo ang orihinal nilang gawa. Ipapakita ang kanilang mga entry sa isang exhibit na itatanghal mula Nobyembre 16, 2012, hanggang Hunyo 17, 2013.

Sa mga gawang-sining na ipapakita sa exhibit, hanggang 20 ang tatanggap ng mga Merit Award, na ibibigay para kilalanin ang namumukod-tanging gawa, at tatlo ang tatanggap ng mga Visitors’ Choice Award, na ibibigay bago magsara ang exhibit.

Ang mga kabataan ng Simbahan na edad 13 hanggang 18 ay inaanyayahang magsumite ng gawang-sining sa unang art competition para sa mga kabataan.