2012
Sinunod ng mga Miyembro sa Buong Mundo ang Payo ng Propeta na Magdaos ng Isang Araw na Paglilingkod
Pebrero 2012


Sinunod ng mga Miyembro sa Buong Mundo ang Payo ng Propeta na Magdaos ng Isang Araw na Paglilingkod

Noong Abril 2011, ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang mga yunit ng Simbahan sa lahat ng dako ay aanyayahang makibahagi sa isang araw ng paglilingkod upang gunitain ang ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan ng Simbahan. Ang paanyaya ay opisyal na dumating sa isang liham ng Unang Panguluhan na ipinadala sa lahat ng yunit. Pagkatapos ay ibinahagi ni Pangulong Eyring ang apat na alituntunin na naging gabay daw niya nang “gustuhin [niyang] tumulong sa paraan ng Panginoon” at nang tulungan siya ng iba (tingnan sa “Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti,” Liahona at Ensign, Mayo 2011, 22).

Sa natitirang mga buwan ng 2011, tumugon ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo sa panawagang iyon ng propeta, na kinapalooban ng mga alituntuning binanggit ni Pangulong Eyring.

Alituntunin 1: “Lahat ng tao ay mas masaya at mas iginagalang ang sarili kapag napaglalaanan nila ang kanilang sarili at kanilang pamilya at pagkatapos ay tumutulong sa pangangalaga sa iba.”

Kasama sa mga unang stake na tumugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan na makibahagi sa isang araw na paglilingkod ang David stake sa Panama, na nag-organisa ng isang preparedness fair para sa mas malawak na komunidad. Ang kaganapan, na idinaos noong Abril, ay sinuportahan ng ilang pampublikong institusyon, at nagtampok ng mga workshop at pagtatanghal tungkol sa mga paksang nauugnay sa pag-iimbak sa tahanan, pananalapi ng pamilya, kahandaan sa emergency, at kalusugan.

Hindi sapat na malaman lang natin ang mga alituntuning ito, sabi ni Itzel Valdez Gonzalez, na nakibahagi sa araw ng paglilingkod. Mahalaga ring paglingkuran ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga ito.

“Ang paglilingkod sa kapwa ay mahalagang katangian ng mga tagasunod ni Jesucristo,” wika niya. “Ang kaganapang ito ay nagbigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng Simbahan na ibigay ang kanilang panahon at mga talento upang mapagpala ang mga nangangailangan.”

Alituntunin 2: “Kapag nagtulungan tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan, pinagkakaisa ng Panginoon ang ating mga puso.”

Nagpasiyang magboluntaryo ang mga miyembro ng Arusha Branch sa Tanzania sa Shanga House, isang pasilidad na nagbibigay ng vocational training sa mga taong may kapansanan at nagtuturo sa kanila na tustusan ang kanilang sarili at kanilang pamilya.

Noong Agosto 20, 2011, 35 kalahok—mga adult, kabataan, at bata; mga miyembro ng Simbahan, investigator, at misyonero—ang nakipagtulungan sa mga taong may kapansanan sa paggawa ng mga bagay na gawang-kamay at alahas na maibebenta nila kalaunan. Tumulong din ang mga boluntaryo sa mga gawaing-bahay gaya ng paglilinis at pagwawalis.

Bago umalis ang grupo, pinapunta sila ng mga coordinator ng Shanga House sa isang lugar sa gusali para makamayan sila at mapasalamatan ng mga taong pinaglingkuran nila. “Nakakaantig ang karanasang iyon,” sabi ni Sister Sandra Rydalch, na nagmimisyon sa lugar na iyon kasama ang kanyang asawang si Elder Rich Rydalch. Simula noon, kapag nakikita ng mga tao mula sa Shanga House ang mga miyembro ng branch sa bayan, “madali nila tayong nakikilala, at kumakaway at tumitigil sila para makipag-usap,” sabi ni Sister Rydalch.

Sinabi ni Patience Rwiza, na nag-organisa ng proyekto ng branch sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood, na nakatulong ang aktibidad hindi lamang sa mga nasa Shanga House kundi maging sa mga naglingkod. “Natututong magmahal ang mga tao sa pagtulong sa kapwa, at sa paggawa nito, nalaman ng mga tao ang mga bagay mula sa komunidad na dati-rati ay hindi nila alam,” wika niya. “Napalakas ang aking patotoo sa ginawa at nakita ko—mula sa partisipasyon ng mga miyembro at sa buong komunidad.”

Alituntunin 3: “Isama ang inyong pamilya sa gawain para matuto silang alagaan ang bawat isa kapag inalagaan nila ang iba.”

Naunawaan ng mga miyembro ng Coimbra Portugal Stake na ang paglilingkod ay hindi ginagawa nang minsanan. Katunayan, nakikibahagi ang mga stake sa ilang aktibidad taun-taon sa ilalim ng Mormon Helping Hands. Kabilang sa mga aktibidad noong nakaraang taon ang paglilinis sa isang pampublikong parke at pagdadala sa mga batang Primary sa isang bahay-ampunan para bisitahin ang mga batang ulila. Sa mga ito at sa iba pang mga aktibidad, mahalagang isali ang buong pamilya, sabi ni Anabela Jordão Ferreira, na naglilingkod bilang public affairs director para sa Coimbra Stake.

“Sa mga proyekto namin, kung minsan ay sinasabi namin na tinatanggap namin ang mga tao mula 8 buwan hanggang 88 taong gulang,” sabi ni Sister Jordão. “Talagang totoo iyan. Nakikita namin ang mga ina na may mga sanggol at mga lolong hirap nang kumilos, ngunit malakas din ang patotoo at handang maglingkod sa Panginoon.”

Alituntunin 4: “Isinusugo ng Panginoon ang Espiritu Santo upang gawing posible na ‘maghanap at kayo’y makakasumpong’ sa pangangalaga sa mahihirap tulad ng Kanyang [ginagawa sa] paghahanap [sa] katotohanan.”

Nang maatasan si Michael Hatch, na naglilingkod sa high council sa Farmington New Mexico Stake, na mag-organisa ng isang araw na paglilingkod ng stake bilang tugon sa paanyaya ni Pangulong Eyring, inisip niya kung saan sila makakakita ng mga ideya sa paglilingkod sa mga maralita sa kanilang komunidad. Pinulong niya ang kanyang komite, at hinikayat nila at ng iba pang mga pinuno ng stake ang mga miyembro ng stake na magbahagi ng mga ideyang nauugnay sa mga pangangailangan sa komunidad.

Nalaman ni Roberta Rogers ang isang partikular na pangangailangan sa ilang organisasyon sa lugar—kabilang na ang ospital kung saan siya nagtatrabaho sa community relations. Bagama’t kadalasan ay maraming nagbibigay ng mga pantalon, polo, sapatos, at pangginaw sa mga clothing drive, kailangan pa rin ng maraming kawanggawa ng mga bagay na katulad ng mga medyas, panloob, at pantulog—mga donasyon na dapat ay hindi pa nagamit. Iminungkahi ni Sister Rogers na mangolekta ang stake ng gayong mga bagay.

Noong Oktubre 15, namigay ang mga miyembro ng stake sa kanilang sambayanan ng 1,000 karatulang isasabit sa pintuan na nagpapaliwanag tungkol sa proyekto, nag-aanyaya sa komunidad na makibahagi, at nagtatala ng mga bagay na kailangan. Pagkaraan ng isang linggo nagbalik ang mga miyembro ng stake upang kolektahin ang mga ito at pagkatapos ay dinala ang mga ito sa stake center para pagbukud-bukurin at ipamigay sa 10 lokal na organisasyong nagkakawanggawa.

Natugunan ng pinagsamang pagsisikap ang isang mahalagang pangangailangan sa kanilang komunidad, sabi ni Sister Rogers. “Kakaiba ito, at nakatulong ito sa mga tao. At dahil hindi naman talaga mahal, makakagugol ng ilang dolyar ang isang pamilya at talagang matutulungan nila ang isang tao.”

Nagplano at nakibahagi ang mga miyembro sa lahat ng panig ng mundo sa paglilingkod sa kanilang komunidad bilang tugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan.

© 2011 ronald k. nielsen