2012
Galing Po Ba sa Inyo ang Aklat na Ito?
Pebrero 2012


Galing Po Ba sa Inyo ang Aklat na Ito?

Cynthia Ann Lee, Nevada, USA

Kasasapit ko pa lang noon sa edad na 21 at serbidora ako sa restawran ng isang lokal na ski resort. Isang hapon matapos kong linisin ang komedor, inabutan ako ng isa pang serbidor ng isang aklat at sinabing gusto niyang ibigay iyon sa akin. Pinasalamatan ko siya at tinanggap ito.

Tiningnan ko ang pabalat: ang Aklat ni Mormon. Naging interesado ako, kaya ipinasiya kong magpunta sa kusina para suriin ito. Sa loob ng pabalat nakita ko ang maikling sulat ng serbidor sa akin. Dito sinabi niya na ang Aklat ni Mormon ay totoong aklat ng ebanghelyo ni Jesucristo at alam niyang aantigin nito ang puso ko. Ipinasiya kong basahin ito sa oras na iyon mismo.

Habang nagbabasa ako, nilukuban ako ng kakaiba at payapang pakiramdam. Hindi ko pa nadama ang gayong pakiramdam habang nagbabasa ng anumang aklat maliban sa Biblia. Ang una kong layon na magbasa ng ilang pahina ay agad nauwi sa ilang kabanata. Hindi ko mabitawan ang aklat. At nakarating ako sa 1 Nephi 15:11: “Hindi ba ninyo natatandaan ang mga bagay na sinabi ng Panginoon?—Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito.”

Kinailangan kong malaman kung totoo ang aklat na ito. Hindi ko alam kung paano tawagin ang Diyos sa panalangin, kaya tumingala na lang ako sa kisame ng kusina at nagtanong, “Galing po ba sa Inyo ang aklat na ito?” Agad kong nadama ang matatag na sagot na: “Oo.” Naaalala ko na naisip ko, “Wow. Palagay ko tatapusin ko ang aklat!”

Tatlong buwan pagkaraan, nang matapos ko ang Aklat ni Mormon, binisita ko ang tatay ko sa California. Di-kalayuan sa bahay niya naraanan ko ang isang gusaling may mosaic sa harapan na pamilyar sa akin. Agad akong lumiko sa paradahan at nakita ko ang isang lalaki sa labas.

“Ano po ang ginagawa ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay sa gusali ninyo?” tanong ko. Ipinaalam niya sa akin ang tungkol sa kanyang simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kinuha ko ang aking Aklat ni Mormon sa kotse at tinanong siya tungkol sa mga talatang binilugan ko habang nagbabasa ako. Pinaghinay-hinay niya ako at ipinaliwanag na ang Simbahan ay may mga misyonerong naglaan ng dalawang taon ng kanilang buhay para sagutin ang mga tanong na tulad ng sa akin.

Ibinigay ko sa kanya ang address ng tatay ko, at kalaunan ay binisita ako ng dalawang elder. Humanga ako na sabik silang sagutin ang lahat ng tanong ko. Mas humanga pa ako na ang bagong mga konseptong itinuro nila sa akin ay parang mga pamilyar na bagay na muli kong naaalala. Pagkaraan ng limang linggo nabinyagan ako sa Simbahan.

Tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalipas mula noon, at binabasa ko pa rin araw-araw ang Aklat ni Mormon. Patuloy itong pinagmumulan ng liwanag at direksyon para sa amin ng pamilya ko. Lubos akong nagpapasalamat sa mga propeta noong araw na inukit ang mga salita ng Diyos sa mga laminang ginto, kay Joseph Smith na nagtiis ng pang-uusig at mga pagsubok upang maisalin at mailathala ang mga katotohanan nito, at sa serbidor na lakas-loob na ibinigay sa akin ang Aklat ni Mormon noong araw na iyon.