2012
Gutom sa Salita sa Ecuador
Pebrero 2012


Gutom sa Salita sa Ecuador

“Mapapalad silang lahat na nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, sapagkat sila’y mapupuspos ng Espiritu Santo” (3 Nephi 12:6).

Sumandal si Ana Visbicut sa dingding sa labas ng bahay niya na may ngiti sa kanyang mukha. Katabi niya sa mahabang upuan ang kanyang mga anak, na nakangiti ring lahat katulad niya. Iyon ay isang mainit na Sabado ng hapon. Nakatira si Ana sa Puerto Francisco de Orellana, isang maliit na lungsod sa kagubatan ng silangang Ecuador. Kadaraan lang ng mga miyembro ng Orellana Branch presidency, na hindi sinasadyang nakaabala sa pakikipag-usap ni Ana sa mga misyonera, ngunit ayos lang iyon sa kanya. Natuwa siya sa kanilang pagdating. Marami siyang dapat ipagpasalamat at ginagawa niya ito nang taos-puso.

Hindi naman nito ibig sabihin na walang problema si Ana. Mag-isa niyang binubuhay ang lima niyang anak na mga bata pa. Mahirap maghanap ng trabaho sa araw-araw. At nang binyagan siya noong Agosto 2009, isa lang sa mga anak niya ang sumama sa kanya.

Ngunit nang sumunod na taon, dumating ang mga pagpapala nang tatlo pa sa kanyang mga anak ang sumunod sa kanyang halimbawa at nabinyagan at nakumpirma (ang isa ay napakabata pa noon).

Oo, nagniningning ang mga mata ni Ana sa pasasalamat. Natuklasan niya, tulad ng iba pang mga miyembro sa Orellana Branch, ang dalisay na kagalakang nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Kagalakan ay Nagsisimula sa Hangarin

Noong Disyembre 2008, wala pang pormal na organisasyon ng Simbahan sa Puerto Francisco de Orellana. Sa panahong iyon, may ilang miyembrong nakatira doon, at ang ilan sa kanila ay matagal nang hindi nakasimba.

Ngunit may nangyari. Inantig ng Espiritu ang mga puso at binago ang mga buhay, at hinikayat ang apat na pamilya na magsimulang magpulong nang sama-sama upang pag-aralan ang mga banal na kasulatan at turuan ang isa’t isa. At kahit ngayon ay nadarama pa rin iyon sa buong lungsod.

“Ang mga tao rito ay gutom at uhaw sa ebanghelyo,” sabi ng miyembro ng branch na si Fanny Baren Garcia.

Ang pagkagutom na ito ay naghikayat sa mga miyembro sa Puerto Francisco de Orellana na kontakin ang Simbahan at humingi ng pahintulot na magdaos ng sacrament. “Hindi kami ang nagpunta sa kanila,” paggunita ni Timothy Sloan, dating pangulo ng Ecuador Quito Mission. “Tinawagan nila ako. Ang hangaring tugunan ang damdaming iyon—na sundin ang paanyaya ng Tagapagligtas sa buong Aklat ni Mormon na sumampalataya sa Kanya at magsisi—ay naroon na. Iyan ay isang mensahe sa ating lahat.”

Nasa puso rin ng mga taong lumipat sa Puerto Francisco de Orellana ang hangaring iyon. Noong mga unang araw ng Enero 2009, iniisip tanggapin ni Marco Villavicencio—ang branch president ngayon—at ng asawa niyang si Claudia Ramirez, ang isang trabaho na kakailanganin nilang lumipat sa Puerto Francisco de Orellana mula sa kanilang tahanan sa Machala, sa kabilang ibayo ng Ecuador.

“Ang una kong itinanong,” sabi ni President Villavicencio, “ay ‘May Simbahan ba roon?’ Pinag-usapan namin ito sa aming pamilya, at nanalangin kami upang malaman kung dapat kaming lumipat. Nang dumating ang alok na trabaho, nalaman namin na itinatatag na ang Simbahan sa Puerto Francisco de Orellana. Lumipat kami rito noong Pebrero 2009, at nabuo ang branch pagsapit ng Setyembre.”

Ang Kagalakan sa Paglilingkod

Ang hangaring lumapit kay Cristo ay kusang humahantong sa hangaring maglingkod. Binabago ng ebanghelyo ni Jesucristo kapwa ang nagbibigay at ang tumatanggap. Ang pagbabagong ito ay nangyayari kapag ang mga puso ay mapakumbaba, ang mga isipan ay bukas, at ang paglilingkod ay nagawa. Ang paglilingkod ay nakatulong nang malaki sa pag-unlad ng Simbahan sa Puerto Francisco de Orellana at nagpalakas sa mga naglingkod.

“Ano ang nadarama ko sa aking tungkulin?” tanong ni Clara Luz Farfán, na tinawag na maglingkod sa Relief Society presidency noong Setyembre 2010. “Masaya, dahil alam kong matutulungan ko ang ibang kababaihan na magsimba at mapapalakas ko ang kababaihang bagong binyag.”

Gayon din ang damdaming lumaganap sa puso ng mga miyembro ng branch. Sabi ni Lourdes Chenche, ang Relief Society president, kailangan ang kasigasigan para mapalakas ang kababaihan, ngunit masaya niya itong ginagawa: “Bilang panguluhan at bilang mga miyembro ng Relief Society, binibisita namin ang kababaihan. Pinupuntahan namin sila kapag may mga problema sila. Binibigyan namin sila ng makakain kung kailangan. Ipinadarama namin na hindi sila nag-iisa, na tutulungan kami ni Jesucristo at ng branch. At itinuturo namin na dapat nilang gawin ang kanilang bahagi—manalangin, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at ihanda ang kanilang sarili. Nagdarasal kami kasama nila, pinapanatag namin sila, at lubos namin silang minamahal.”

Ngunit hindi lamang kababaihan ang gumagawa nito. “Kinakausap namin ang branch president para malaman kung ano ang maaaring gawin,” dagdag pa ni Lourdes. “Ibinabahagi namin sa kanya at sa branch council ang kanilang mga pangangailangan para maipasiya namin kung ano ang kailangan naming gawin.”

Ang katapatan ng kababaihan sa paggawa ng kanilang bahagi ay karaniwan sa buong branch. Sa isang proyekto para tulungan ang isang pamilya sa branch, “lahat kami ay sumali,” sabi ni Lourdes. “Ang mga bata, kabataan, matatanda, Relief Society, at mga misyonero. Napakasaya ng naranasan namin. Alam ko na kapag tayo ‘ay nasa paglilingkod ng [ating] kapwa-tao, [tayo] ay nasa paglilingkod lamang ng [ating] Diyos’ [Mosias 2:17]. Kapag naglilingkod ako, parang ginagawa ko ito para kay Jesucristo. Iyan ang layunin ng kaharian.”

Ang Kagalakan sa Pakikisalamuha

May isang bagay sa pagkakaisa na di-maikakailang nagpapalakas, ang damdaming makabilang sa komunidad ng mga Banal. Dumarating ang mga pagpapala kapag tayo ay naging “mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios” (Mga Taga Efeso 2:19) at namumuhay na parang isang pamilya na “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan. Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).

Ipinaliwanag ni Fanny, “Naniniwala ako na ang lakas natin ay nagmumula sa katotohanan na ang pakiramdam natin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay iisang pamilya tayo. At palagay ko malaking kabutihan ang nagawa ng paglilingkod sa isa’t isa. Ibinibigay natin ang anumang kinakailangan, at nakadama tayo ng pagkakaisa. Malugod nating tinatanggap ang lahat ng taong bagong dating sa simbahan. Binabati natin sila. Naniniwala ako na ang mensahe ng isang yakap ay higit pa sa isang libong salita.”

Pinatunayan iyon ng mga karanasan ni Ana. Bilang nag-iisang magulang na may limang anak, palagi siyang nahaharap sa hirap ng buhay sa pagsisikap na tustusan ang kanyang pamilya sa panahong hindi madaling makakita ng trabaho, at nakapanghihina ng kalooban at espiritu ang pagsisikap na iyon. Malaking tulong sa kanyang pamilya ang pakikisalamuha ng mga miyembro sa branch sa mga oras ng kagipitan. “Dumarating ang mga miyembro at nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan,” sabi ni Ana. “Inaalagaan nila ako. Kapag nahihirapan kami, nariyan sila. Napakahalaga niyan sa mga bagong miyembro.”

Ang pakikisalamuhang ito ay isa sa mga dahilan kung bakit umunlad kaagad ang branch. Mula sa 28 miyembro noong unang Linggo nito, umabot sa 83 ang dumadalo sa branch makalipas lamang ang isang taon, kabilang na ang ilang bisita na iba ang relihiyon.

Ginugol ng mga pinuno ng branch ang araw ng Sabado bago ang kumperensya ng kanilang branch sa pagbisita sa mga miyembro at investigator ng Simbahan. Ibinahagi nila ang mga banal na kasulatan sa kanila, at hinikayat silang magpakabait pa.

Isang lalaking nabinyagan ang napagbago kamakailan dahil sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan—sa pagbabasa nang mag-isa at nang kasama ang mga miyembro at misyonero. “Ang Aklat ni Mormon ang susi,” wika niya. “Ito ay susi para sa akin.” Nakasumpong siya ng kagalakan sa Simbahan. Malakas manghikayat ang ebanghelyo kaya sinimulan niyang magbayad ng ikapu bago pa man siya nabinyagan.

Ngunit ang pakikipagkaibigan ay higit pa sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Nababago nito ang uri ng pamumuhay.

“Bago ako sumapi sa Simbahan,” sabi ni Bernabé Pardo, isa pang bagong binyag, “ang mga kaibigan ko lang ay yaong mga manginginom. Pero ngayong miyembro na ako, marami na akong kaibigan—mga tunay na kaibigan. Niyayaya nila akong magbasa ng Aklat ni Mormon. Inaanyayahan nila ako sa family home evening. Pinaglilingkuran nila ang isa’t isa. Nakasama na ako sa mga paglilingkod nila. Ibang-iba na ang buhay ko ngayon. Nakatanggap ako ng napakaraming pagpapala. Nagbabayad ako ng ikapu, at pinagpapala ako ng Panginoon.”

Ito ay isang uri ng pamumuhay na hindi lamang para sa matatanda. “Lagi naming itinuturo sa mga kabataang babae ang bisa ng pakikisalamuha, pagbati at pagsasali sa iba,” sabi ni Claudia Ramirez. “Kapag dumarating ang mga tao sa simbahan sa unang pagkakataon, ang nakikintal sa isipan nila ay kung paano sila tinanggap. Kaya itinuturo namin sa mga kabataang babae kung gaano kahalaga ang bawat kaluluwa sa Panginoon. Napakalaking tulong nito. At nagtakda kami ng mga kabataang babae ng mga mithiin para sa Pansariling Pag-unlad. Ito ang naghihikayat sa kanila na kaibiganin ang iba.”

Ipinaliwanag ni President Villavicencio na “sinisikap naming sundin ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na bawat bagong binyag ay kailangang pangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, magkaroon ng kaibigan, at magkaroon ng tungkulin.”1

Si Ana ang pangalawang tagapayo sa Primary presidency. Ang kanyang anak na si Jorge ang unang tagapayo sa teachers quorum.

“Binibigyan namin sila ng tungkulin,” sabi ni President Villavicencio, “isang pagkakataong matuto sa pamumuno, at magkaroon ng isang taong aalalay sa kanila.”

Ang Kagalakan sa Pagbabago

Para kay Claudia, ang paglilingkod sa ebanghelyo ay nagbunga ng unti-unting pagkakaroon ng tiwala sa kanyang puso. “Nabinyagan ako noong walong taong gulang ako,” sabi ni Claudia. “Lagi kaming nagsisimba. Pero habang lumalaki ako, marami akong nakitang mag-asawa na hindi nagkasundo. Madalas ko silang maisip, at nangamba ako na hindi ako makapag-aasawa kailanman dahil hindi iyon magtatagumpay. Takot akong ipagkatiwala ang buhay ko sa iba, na napakahirap niyon. Pero pagbalik ko mula sa misyon, nagbago ang isipan ko. Ang pagtuturo ng doktrina ay nagpapabago sa iyo.”

Sina Claudia at Marco Villavicencio ay magkaibigan bago nagmisyon si Claudia. Di-nagtagal nang makabalik siya, magkasama silang nagpunta sa templo kasama ang ilang kaibigan. May nangyaring espesyal. “Parang sinagot ng Panginoon ang aking mga dalangin, na ito ang lalaking maaari kong pakasalan,” paliwanag ni Claudia. “Sumaakin ang napakalaking pagpapalang magkaroon ng mabuting asawa.”

Kagalakan sa Pamumuhay ng Ebanghelyo

“Ang kaligayahan natin ay hindi batay sa mga materyal na bagay,” sabi ni Oscar Reyes, edad 15, “kundi kung paano tayo namumuhay. Kaya nga pinananatili kong banal ang araw ng Sabbath, dahil kalugud-lugod ito sa Diyos. At ito ang dahilan kaya ako magmimisyon at kung bakit ko gustong paglingkuran ang iba.”

Sa pamumuhay ng ebanghelyo, nakasumpong ng tunay na kagalakan ang mga miyembro ng Orellana Branch. “Napakasaya ko,” sabi ni Lourdes. “Kahit napakalayo ko sa aking pamilya, may pamilya rin ako rito, isang espirituwal na pamilya. Malaki ang patotoo ko sa gawaing ito. Alam ko na buhay si Jesucristo at na, kung tayo ay masunurin, pagpapalain Niya tayo.”

Ito ang kagalakang laganap sa kanilang buhay anumang pagsubok ang dumating sa kanila. Ito ang kagalakang nagmumula sa matwid na pamumuhay.

Tala

  1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47.

Kaliwa: Nagagalak si Ana Visbicut at ang kanyang mga anak sa ebanghelyo. Ibabaw: Nagtipon ang mga miyembro ng Orellana Branch para sa kumperensya ng branch noong 2010.

Ilalim, kaliwa: Ang branch president na si Marco Villavicencio kasama ang asawa niyang si Claudia, at kanilang anak. Ilalim, kanan: Dumalo si Clara Luz Farfán sa isang fireside kasama ang iba pang mga miyembro ng branch.

Kausap ni President Villavicencio at iba pang mga miyembro si Lourdes Chenche, branch Relief Society president at seminary teacher.

Mula kaliwa: Si President Villavicencio kasama si Bernabé Pardo, isang bagong miyembro; pulong ng Relief Society; si Fanny Baren Garcia kasama ang asawa niyang si Ricardo, at kanilang mga anak; klase sa Doktrina ng Ebanghelyo.

Mga larawang kuha ni Joshua J. Perkey