Ang Iyong Paghahanap sa Katotohanan
Para gabayan at pagpalain ka, mapagmahal na inihayag ng Ama sa Langit ang mga katotohanan ng mga bagay-bagay sa panahon ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.
Mas maraming kaalaman ang makukuha ngayon kaysa dati. Noong araw, kung may gusto kang malaman, kailangan mong pumunta sa library at hanapin ito. Ngayon, ang internet at mga handheld device ay nagbibigay ng access sa halos walang katapusang impormasyon na maaari mong mahanap kaagad.
Nalulugod ang Panginoon kapag matalino mong ginagamit ang resources na ito, pero sa paghahanap mo ng katotohanan tandaang umasa sa Diyos, na nakakaalam sa lahat ng bagay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:41). Mula sa Kanya, makahahanap ka ng walang hanggang katotohanan, na “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24).
Sa mga katotohanang ibinigay sa iyo ng Diyos, ang isa sa mga pinakamahalaga ay Siya ang iyong Ama sa Langit. Lubos ka Niyang kilala at minamahal. Ang pag-unawa at pagtanggap sa walang-hanggang katotohanang ito ay nagbigay sa iyo ng patnubay at mga pagpapala sa buhay bago ka naparito sa lupa at patuloy itong gagawin ngayon at magpakailanman.
Kasama Ka ng Ama sa Langit sa Simula
Ang katotohanan ng mga bagay “sa ngayon” (Doktrina at mga Tipan 93:24) ay nagsasabi sa atin na kasama natin ang ating Ama sa Langit bago pa man nagsimula ang mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:21, 23).
Bago tayo nabuhay sa lupa, inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang plano ng Diyos ay bigyan tayo ng “pribilehiyong umunlad na katulad niya [at] … mapadakilang kasama niya.” Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ginamit natin ang ating kalayaan at piniling sundin ang plano ng Ama sa Langit. Pinagpala tayong isilang sa buhay na ito kung saan patuloy tayong magtataglay ng kalayaan at mararanasan ang mortalidad, matututo, at uunlad tungo sa buhay na walang hanggan.
Sa iyong mortal na paglalakbay, mararanasan mo ang mga hamon at kabiguan. Pero hindi mo kailangang harapin ang paghihirap sa buhay nang mag-isa. Ang iyong Ama sa Langit ay babasbasan ka, palalakasin ka, at papanatagin ka (tingnan sa 2 Corinto 1:3). Bilang mahalagang bahagi ng Kanyang plano, naglaan ang Ama sa Langit ng daan para makabalik ka sa Kanya.
Naipakita na sa Iyo ang Daan Patungo sa Iyong Ama
Ang katotohanan ng “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” (Jacob 4:13) ay malinaw: hindi natin maaabot ang ating buong potensyal bilang mga anak ng ating Ama sa Langit nang tayo lang mag-isa. Dahil dito, at dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang ipakita sa atin ang daan para makatagpo ng kaligayahan, kahulugan, at kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan (tingnan sa Juan 3:16; Doktrina at mga Tipan 93:11).
Mahalaga ang karanasan ng Tagapagligtas sa lupa. Siya ay lumaki hanggang sa “tinanggap niya ang kaganapan at kaluwalhatian ng Ama” at “lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:16–17). Itinuro ng Tagapagligtas na tayo ay “maaaring lumapit sa Ama sa [Kanyang] pangalan, at sa takdang panahon ay makatanggap ng kanyang kaganapan.”
Sinabi niya: “Sapagkat kung inyong susundin ang aking mga kautusan ay tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin kagaya ko sa Ama; samakatwid, sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya” (Doktrina at mga Tipan 93:19–20).
Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inako ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan at nagdanas Siya ng lahat ng kalungkutan at “lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso” (Alma 7:11). Ito ang “dahilan upang [Siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, [ay] manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Sa pamamagitan lamang ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli naging posible ang kaligtasan at kadakilaan.
Sa pamamagitan ng biyaya at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari kang lumago hanggang sa matanggap mo balang-araw ang kaganapan at ikaw ay maging perpekto. Kapag tinularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas at sinunod ang Kanyang mga utos, aakayin at gagabayan ka Niya sa maluwalhating presensya ng ating Ama sa Langit.
Tatanggapin Mo Ba ang Kanyang Regalo?
Kabilang sa mga katotohanan ng “mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13), nalaman natin na ang ating karanasan sa kawalang-hanggan ay natutukoy sa ating pagpili na sundin si Jesucristo at tanggapin ang mga kaloob na iniaalok Niya.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ating “[ta]tamasahin yaong handa [nating] tanggapin” (Doktrina at mga Tipan 88:32; idinagdag ang diin). Itinuro ng mission president kong si Elder Marion D. Hanks (1921–2011) sa kanyang mga missionary na ang pagtatanong kung ano ang handa nating tanggapin at matamasa ay isang paraan para matukoy kung nasaan tayo sa ating espirituwal na paglalakbay. “Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog?” (Doktrina at mga Tipan 88:33).
Kapag tinanggap natin ang mga kaloob ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng taimtim na paghahanap at pagsunod sa Kanya, magagalak tayo sa pag-asa ng buhay na walang hanggan at “sa kaniya [na] nagbibigay ng kaloob na iyon” (Doktrina at mga Tipan 88:33). Ang kadakilaan ang buhay na walang hanggan, ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at ma Tipan 14:7).
Ang Diyos ang iyong Ama sa Langit. Kilala at mahal ka Niya. Kapag bumaling ka sa Kanya sa paghahanap ng katotohanan, makakatanggap ka ng katalinuhan, karunungan, katotohanan, kabanalan, at liwanag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:40) hanggang sa “darating ang araw na inyong mauunawaan maging ang Diyos, sapagkat binuhay sa kanya at sa pamamagitan niya” (Doktrina at mga Tipan 88:49).
Ito ay magiging pinakamaluwalhati at masayang araw.