Nasobrahan sa Video Game
Dahil sa halimbawa ni Itay, nagkaideya ako kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa akin.
Mga larawang kuha ni Alexandre Borges at sa kagandahang-loob ni Isaac S.
Nang salantahin ng COVID 19 ang Brazil, nagsimula akong maglaro ng mga computer game kasama ang aking mga kaibigan sa pagitan ng mga online na klase. Sa simula, naglalaro ako ng isang oras sa isang araw, pero sa huli ay naging 10 oras na ito sa isang araw. Nagpatuloy ito sa loob ng maraming araw at buwan.
Ginamit ko ang work computer ng tatay ko para sa gaming, kahit hindi naman dapat ito gamitin para doon. Akala ng mga magulang ko ay nasa klase ako o nag-aaral. Kahit na kasama ko ang mga kaibigan sa online, ang pag-iisa na computer lang ang kasama ay nagpadama sa akin ng pagkahiwalay, pagod, at lungkot.
Pagharap sa Realidad
Isang araw habang nasa klase, tumawag ang isang kaklase. Natanto namin na nalaro na namin ang lahat ng 100 laro na mayroon ako, at gusto namin ng bago. Pero limitado ang memorya ng work computer ng tatay ko. Nang sinubukan kong mag-install ng bagong laro, biglang namatay ang computer.
Nataranta ako. Natatakot akong malaman ito ng mga magulang ko. Pinaghiwa-hiwalay ko ang mga piyesa ng computer pero wala akong nakitang anumang mga problema, kaya ibinalik ko ang mga piyesa at sinubukang buksan ito. Alam ko na kailangan kong linisin ang computer, kaya gumugol ako ng ilang oras sa pag-uninstall ng bawat laro—pero walang nagbago.
Kalaunan nang araw na iyon, kailangan ni Itay na gumawa ng ilang trabaho sa kanyang computer. Kabadong-kabado ako. Maya-maya pa, tinawag niya ako. Naroon ang computer sa harap niya. Sira.
Hindi na ako makapagsinungaling sa tatay ko. Ipinagtapat ko ang ginawa ko.
Kinabukasan, pumasok si itay sa trabaho dala ang nasirang computer. Imbes na sisihin ako, inako niya ang responsibilidad sa ginawa ko. Hindi siya ang may kasalanan, pero pinili niyang mawalan ng kredibilidad sa kanyang boss at tanggapin ang lahat ng sisi nang hindi ko man lang hiniling sa kanya na gawin. At iyon ang dumurog sa puso ko.
Kaagad na Paglapit kay Cristo
Nahihiya ako sa ginawa ko kaya nabagabag nang labis ang isipan ko. Ayaw ko nang magising. Wala akong lakas-ng-loob para kausapin ang mga magulang ko.
Pero noong Sabadong iyon, ginising ako ni Itay bandang alas-4:30 n.u., at niyaya akong tumakbo. Sa pagtakbo, sinabi niya na isinama niya ako para matuto ako ng isang bagay na gusto niyang hindi ko makalimutan kailanman: katatagan. Sinabi niya sa akin na ang katatagan ay ang kapasidad na makayanan o makabangon nang mabilis mula sa mga paghihirap, para malutas ang problema, at pagkatapos malutas ito, upang tumayo at patuloy na sumulong.
Dahil sa halimbawa ni Itay sa trabaho at sa itinuro niya sa akin tungkol sa katatagan, nakilala ko kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa akin. Binigyan ako ni Cristo ng pagkakataong mapatawad sa aking mga kasalanan. Nalaman ko na ang pagpapatawad ay isang kaloob at ang inaasahan sa akin ng Tagapagligtas ay maging matatag sa pagtahak sa landas ng kabutihan.
Pagbabago ng Takbo ng Isip
Pagkatapos ng pagtakbong iyon, nagbago na ang takbo ng pag-iisip at mga gawi ko. Napagtanto ko na marami pang ibang makabuluhang bagay na magagawa sa buhay kaysa sa paglalaro ng mga computer game sa buong araw.
Ang sumunod na tatlong taon ay mahirap habang sinisikap kong baguhin ang aking mga gawi, pero sa tulong ng aking mga magulang, unti-unti kong sinimulan ang pagtutuon sa aking kinabukasan. Natuklasan ko rin na may talento ako sa komunikasyon at natutuwa akong tumulong sa iba.
Sa halip na gugulin ang lahat ng aking oras sa mga video game, sinimulan kong alamin ang tungkol sa pagiging negosyante. Nagsimula ako ng isang Instagram channel at ng YouTube page, at ngayon ay itinuturo ko sa mga tao ang natutuhan ko tungkol sa pagiging matagumpay sa pera at ang dapat na maging pinakamainam na puhunan natin—ang ating sarili.
Sa lahat ng mga karanasang ito, maraming beses kong nakita ang kamay ng Panginoon, lalo na ang kapatawaran dahil sa sakripisyo ng aking Tagapagligtas. May mga pagkakataong mabibigo ako, pero sa katatagan at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mas matutularan ko Siya.
Ang awtor ay naninirahan sa São Paulo, Brazil.