Ang Iyong Toolkit para sa Emotional Intelligence
Ang mga kasanayan at tip na ito sa pakikipag-ugnayan sa iba ay makatutulong sa iyo sa pag-aaral, misyon, trabaho, at buhay sa pangkalahatan!
Mga paglalarawan ni Sebastian Iwohn
Ang emotional intelligence ay ang kakayahang maunawaan ang emosyon ng iba habang dinidisiplina rin ang iyong sariling emosyon. Kapag mas nagagawa natin ito, mas makapaglilingkod tayo sa Panginoon at sa iba. Para sa mga tip kung paano mapabuti ang iyong emosyonal na mga kasanayan (oo, talagang kailangan ang mga ito), basahin ito!
Pagdamay
Ang ibig sabihin ng pagdamay ay maunawaan ang damdamin ng ibang tao, naranasan mo man o hindi ang mga bagay na naranasan nila. Iniutos sa atin ng ating Ama sa Langit na “magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Juan 15:12), at magagawa natin iyan sa pagsisikap na ilagay ang ating sarili sa kalagayan ng iba.
Gawin ito:
-
Kapag tapat na nagsabi sa iyo ang isang tao ng nasasaloob nila, makinig lalo na sa nararamdaman ng tao. Bagama’t maaaring hindi ka makaugnay sa kanyang sitwasyon, malamang na makakaugnay ka sa mga nararamdaman niyang pagkabigo, kalungkutan, o anupaman.
-
Tanungin ang tao para mas maunawaan ang kanyang sitwasyon. Huwag munang magmungkahi ng mga solusyon.
Body Language
Ang body language at ekspresyon ng mukha ay katulad ng ating mga salita! Kapag may kausap, mahalagang ipakita na nakikinig tayo at tapat na interesado sa sasabihin niya.
Noong panahon ng Biblia, hindi pinapayagan ang mga ketongin na mahawakan dahil itinuturing silang marumi. Pero nang pagalingin ni Jesus ang isang ketongin, hinawakan Niya ito at pagkatapos ay pinagaling siya. Bagama’t ang pagpapagaling ay isang kamangha-manghang himala, tiyak na mas nadama ng ketongin na mahal siya dahil alam niyang hindi nangamba si Jesus na hawakan siya (tingnan sa Marcos 1:40–42).
Gawin ito:
-
Kapag may isang tao na sinusubukang makipag-usap sa iyo, isantabi ang anumang mga sagabal tulad ng iyong telepono, gawain sa bahay, o gaming device.
-
Bumaling sa kausap, at tingnan siya sa mata.
Pagkakaroon ng Hindi Maayos na Pag-uusap
Hindi maiiwasan ang alitan, pero nilinaw ng Tagapagligtas na dapat nating iwasan ang pagtatalo (tingnan sa 3 Nephi 11:29–30). Maaaring mahirap na manatiling mapagpasensya kapag hindi maayos ang pag-uusap, lalo na kung nawawala na sa wisyo o galit na ang kausap mo.
Gawin ito:
-
Magpakita ng respeto. Ang pagpipilit na patunayang tama ka sa anupamang paraan ay hindi ang pamamaraan ng Tagapagligtas. Kahit naninindigan ka para sa katotohanan, maaari kang “Gumamit ng katapangan, subalit hindi mapanupil” (Alma 38:12).
-
Tumigil muna kapag umiinit na ang pagtatalo. Minsan kailangan lang natin ng panahong magpalamig at mag-isip nang mag isa. Hindi ito nangangahulugang “suko ka na”—ipinagpapaliban mo lang ang usapan sa ibang araw, kung kailan kalmado na ang lahat.
Pakikinig
Ang pakikinig ay mahalagang alituntunin sa ebanghelyo. Sinisikap nating makinig sa Tagapagligtas, sa Espiritu, sa mga propeta at apostol.
Mahalaga rin ang pakikinig sa ating pang-araw-araw na gawain! Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Mas mahalaga kaysa sa pagsasalita ang pakikinig … Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin—ng Espiritu at ng ating mga kaibigan” (pangkalahatang kumperensya noong Abr. 2001 [Ensign, Mayo 2001, 15]).
Gawin ito:
-
Huwag sumabad habang nagsasalita ang taong kausap mo.
-
Habang nagsasalita ang isang tao, huwag mong planuhin sa iyong isipan ang susunod mong sasabihin (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 221).
-
Tanungin ang tao kung gusto lang nilang mapakinggan sila o kung gusto nila ng payo.