Mga Tinig ng mga Kabataan
“OK Lang Ito”
Larawang-guhit ni Katelyn Budge
Isang araw ng Biyernes sa paaralan, wala ang matalik na kaibigan kong si Dawson. Sabi ng mga bata, nakakita sila ng mga ambulansya sa bahay niya, kaya nag-alala ako. Maya-maya nang araw na iyon, sinabi sa amin ng aming prinsipal na dinala si Dawson sa ospital dahil sa pagdurugo ng utak.
Naging magkaibigan kami ni Dawson nang unang lumipat ang pamilya ko mula sa South Carolina, USA. Isa siya sa mga unang bumati sa akin. Kinakaibigan niya ang sinumang bata na bago sa paaralan at ipinapadama rito ang pagmamahal.
Noong gabi matapos dalhin si Dawson sa ospital, habang ipinagdarasal ng aming pamilya na gumaling siya, narinig ko ang isang tahimik at mahinahong tinig na nagsabi ng dalawang salita: “Okey lang.” Pagkarinig ko niyon, alam ko na magiging OK na si Dawson at mabubuhay pa siya.
Pero naisip ko, “Paano kung ang ibig sabihin ng Diyos ay OK lang kung narito man si Dawson sa lupa o sa langit?”
Ang stake ko ay nag-ayuno nang 24 oras para kay Dawson at sa kanyang pamilya. Pagkatapos ay nabalitaan naming pumanaw na si Dawson.
Hindi pa ako nagkaroon ng matinding karanasan kung saan naramdaman ko na kailangan kong manalangin. Pero nang mamatay si Dawson, ang pagdarasal lang ang tanging paraan para makaramdam ako ng anumang kapanatagan. Tinulungan ako ng Diyos na makadama ng kapayapaan, at nadama ko na tiyak na may ipapagawa Siya kay Dawson.
Alam ko na anumang oras na may mahirap akong pinagdaraanan, makakausap ko ang Diyos. Tinutulungan ako nito na malaman na laging nariyan ang Diyos para sa akin at sa mga taong nakapaligid sa akin. Nami-miss ko si Dawson araw-araw, pero alam kong makikita ko siyang muli dahil kay Jesucristo.
Josh P., edad 14, Utah, USA
Mahilig sa soccer, longboarding, snowboarding, at pagbibisikleta.