Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Gumagawa Ka ng Kasaysayan—Narito ang Paraan para Mairekord Ito!
Hindi sigurado kung paano susundin ang utos na mag-ingat ng kasaysayan? Narito kung paano magsimula.
Isipin kunwari na hindi sinunod ni Nephi ang utos na mag-ingat ng talaan. Ano kaya ang hitsura ng Aklat ni Mormon kung wala ang 1 Nephi? Ilang mahahalagang katotohanan at nagbibigay-inspirasyong kuwento ang mawawala sa atin?
Iniutos ng Ama sa Langit sa Kanyang mga tao “na mag-ingat ng kasaysayan” (Doktrina at mga Tipan 85:1) dahil alam Niya ang mga pagpapalang nagmumula sa pagtatala ng mga kuwento at espirituwal na kaalaman natin sa buhay. Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Anderson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga espirituwal na karanasan ay parang “kumikinang na mga bato” na gagabay sa atin pabalik sa landas kapag naligaw tayo.
Sa madaling salita, kapag mahina ang iyong patotoo, ang paggunita sa iyong mga pinakaespirituwal na karanasan ay makatutulong sa iyo na manatiling matatag. Pero kung hindi ninyo itinala ang mga karanasang iyon, malilimutan ninyo ang mga ito—at hindi kayo magkakaroon ng makikinang na bato kapag kailangan ninyo ang mga ito.
Gayunpaman, ang pagsisimula (o pagsisimulang muli) ng isang magandang gawi ay maaaring mahirap. Narito ang apat na tip para matulungan kang makagawian ang pag-iingat ng journal.
1. Maghanap ng isang teknik na angkop sa iyo.
Kung ayaw mong magsulat, huwag mag-alala! Hindi lamang ang pagsusulat ng mahahabang entry ang tanging paraan para makapag-journal. Pag-eksperimentuhan ang iba’t ibang estilo upang mahanap kung ano ang pinakamainam para sa iyo. Narito ang ilang ideya:
-
Mag-sketch o gumuhit ng mga komiks para mailarawan ang iyong araw.
-
Gumawa ng mga audio recording.
-
Gumawa ng scrapbook ng mga pisikal na memento, tulad ng mga larawan o ticket stub.
-
I-type ang iyong journal entries.
-
Gumawa ng mga listahan, tulad ng iyong mga mithiin sa araw-araw o mga bagay na pinasasalamatan mo.
2. Magsulat nang walang panghuhusga.
Ang iyong journal ay una sa lahat para sa iyo! Huwag mong bigyang-diin na gawin itong perpekto.
Bahagi ng walang panghuhusgang pagsulat ng journal ang pagsusulat ng anumang naiisip mo. Kung pakiramdam mo ay may isinusulat ka pero nag-aalala ka na masyado itong nakakabagot o random, itala pa rin ito! Hindi mo alam kung ano ang maaaring mahalaga sa iyo kalaunan. Tulad ng sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “[Kayo ay natatangi, at maaaring may mga pangyayari sa inyong karanasan na mas marangal at maipagkakapuri sa kanilang paraan kaysa sa mga nakatala sa ibang buhay].”
Huwag husgahan ang iyong sarili kung nakaliban ka ng isang araw—o higit pa! Simulan lang ulit kung nasaan ka ngayon at punan ang mga araw na nakaliban ka kapag kaya mo. OK lang na magsulat tungkol sa mga pangyayari nang hindi sunud-sunod.
3. Gamitin ang mga journal prompt.
Kung hindi ka sigurado kung ano ang isusulat mo, magsimula sa isang prompt. Ginamit ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang isang prompt upang manatiling araw-araw na nagsusulat sa journal:
“Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: ‘Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?’… Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa aming lahat. … Natanto ko na sa [pagsisikap na makaalala] ay naipakita sa akin ng Diyos ang Kanyang nagawa.”
Ang pagsisimula sa isang tanong ay makatutulong sa iyo na magpokus at magbibigay sa iyo ng bagong pananaw, tulad ng ginawa nito para kay Pangulong Eyring. Narito ang ilang prompt sa pagsusulat sa journal na maaaring subukan:
-
Pumili ng isang sipi o talata sa banal na kasulatan na nagbibigay-inspirasyon sa iyo.
-
Sumulat ng liham sa isang tao sa iyong buhay (hindi mo kailangang ipadala ito).
-
Sagutin ang mga tanong na tulad ng, “Kung maaari kang maglakbay kahit saan sa mundo, saan ka pupunta?” o “Ano ang gusto mong maging kapag malaki ka na?”
-
Ilarawan ang isang espirituwal na karanasan na nagpalakas sa iyong patotoo.
-
Magsulat tungkol sa isang bagay na nagdulot sa iyo ng kagalakan ngayon.
4. Asahan ang mga pakinabang.
Alam mo ba na makatutulong sa iyo ang pagsusulat mo sa journal para mapagbuti mo ang iyong alaala, mabawasan ang stress, at mapangalagaan ang iyong damdamin? Ito ang magagandang dahilan para magsimula ng journal!
Pero may mas malalalim pang mga pakinabang dito. Ang pagsulat sa journal ay nakatulong kay Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na pagnilayan ang kanyang buhay sa ibang paraan. Sabi niya:
“Kung titingnan nating mabuti at iisipin ang mga pagpapala sa ating buhay, kabilang na ang tila maliliit, at kung minsan ay hindi napapansin na mga pagpapala, magiging mas maligaya tayo. …
“… Maraming karanasan ko ang hindi naman talagang maituturing na pambihira. … Gayunman, kung titingnang mabuti, pinagyaman at pinagpala nito ang maraming buhay—pati na ang buhay ko.”
Habang nagsusulat ka sa journal, magkakaroon ka ng bagong pananaw sa iyong buhay. Ang pagbabalik-tanaw na may layuning makita kung paano ka inakay ng Panginoon ay magtutulot sa iyo na matukoy ang mga pagpapala at maging ang mga himala na maaaring hindi mo nakita noon. Mas magkakaroon ka ng mas matitinding espirituwal na alaala na magpapalakas sa iyo sa mahihirap na panahon. Isang pagpapala iyan na hindi mo nanaising mapalagpas!