Ang Hindi Katangian ng Diyos
5 Katotohanan Tungkol sa Ating Ama sa Langit
Marami tayong matututuhan tungkol sa katangian ng Diyos kapag nauunawaan natin kung ano ang hindi Niya katangian.
Larawang-guhit ni Camila Gray
Ang isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng Panunumbalik ay muling inihayag ng Diyos ang Kanyang sarili at ang Kanyang katangian bilang mapagmahal na Ama sa Langit. Pero kung minsan ay may mga iniisip o ideya tayo na hindi totoo tungkol sa Diyos. Kapag nangyayari ito, marami tayong matututuhan tungkol sa kung ano ang katangian ng Diyos sa pamamagitan ng pag-unawa sa kung ano ang hindi Niya katangian.
Ang Diyos ay hindi isang taong hindi natin kilala na nasa trono, sa malayung-malayong lugar.
Siya ang ating Ama, mas kahanga-hanga kaysa sa pinakamabuting ama sa lupa na maiisip mo. Bagama’t hindi natin maaalala ang buhay natin kasama Siya bago tayo isinilang, bawat isa sa atin ay lubos Niyang kilala. Siya ay may perpektong katawang laman at buto, at tayo ay Kanyang kawangis.
Kung nahihirapan kang isipin kung ano ang katangian ng Diyos, may perpektong halimbawa: ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Sinabi ni Cristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y inyong nakilala, ay nakilala rin sana ninyo ang aking Ama” (Juan 14:6–7). Sa madaling salita, kung nais nating malaman kung ano ang katangian ng Ama sa Langit, matututuhan natin kung ano ang katangian ni Jesucristo! Sila ay ganap na nagkakaisa sa layunin.
Ang Diyos ay hindi isang taong masyadong abala para sa iyo.
Sa katunayan, ang pagtulong sa iyo na magkaroon ng buhay na walang hanggan ay ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian. Ikaw ang Kanyang #1 na pokus! Hindi Siya saklaw ng panahon tulad natin. Bumaling sa Kanya sa panalangin anumang oras. Pagkatapos ay pakinggan ang maraming paraan ng Kanyang pagsagot.
Ang Diyos ay hindi isang taong pinipilit kang sumunod sa Kanya.
Itinuro minsan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya.” Aanyayahan ka Niya, papayuhan ka Niya, at ituturo Niya sa iyo ang katotohanan, pero hindi Niya aalisin ang iyong kalayaan sa pamamagitan ng pagpilit sa iyo na sumunod sa Kanya.
Ang Diyos ay hindi isang taong nagsisikap na mahuli ka na gumagawa ng mali upang maparusahan ka Niya.
Sa halip, sabi nga ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Diyos ay [walang-sawang] nakikipag-ugnayan sa inyo,” ibig sabihin hindi Siya kailanman susuko sa pagsisikap na tulungan kang makabalik sa Kanya. Alam Niya na lahat tayo ay natural na haharap sa mahihirap na bagay kapag nagkakamali tayo. Kaya naglaan Siya ng paraan para maging malinis tayo mula sa kasalanan at makahanap ng lakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak.
Ang Diyos ay hindi isang taong naghihintay sa iyo na maging “sapat” o “perpekto” bago ka Niya mahalin.
Ang Kanyang pagmamahal sa iyo ay perpekto. Mahal ka Niya ngayon, kahit hindi ka perpekto! Nilinaw nang husto ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katotohanang ito: “‘Pumarito ka bilang ikaw,’ ang sabi ng mapagmahal na Ama sa bawat isa sa atin, subalit idinagdag niya, ‘Huwag kang manatiling ganyan.’ Ngumingiti tayo at naaalala na determinado ang Diyos na gawin tayong higit pa sa inaakala natin na kahihinatnan natin.” Sa ganap na pagmamahal at paghihikayat, sinisikap ng Ama sa Langit na tulungan kayong maging katulad Niya at tanggapin ang lahat ng mayroon Siya, sa paisa-isang hakbang.
Ano ang Katangian ng Diyos
Ang pinakamainam na paraan para makilala ang iyong Ama sa Langit ay ang patuloy na magkaroon ng mga karanasan na kasama Siya. Paano? Alamin ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang Anak mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Manalangin sa Kanya. Sundin ang Kanyang mga kautusan. Gumugol ng tahimik at personal na oras sa pagsamba sa Kanya sa simbahan, sa templo, at sa iba pang mga banal na lugar. Gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos. Tutulungan ka Niyang malaman kung sino Siya at kung ano ang nadarama Niya tungkol sa iyo.