Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Doktrina at mga Tipan 84; 87; 93
Mga Nakatagong Kayamanan
Tingnan ang napakaraming kaalaman na makikita mo kung masigasig mong babasahin ang mga banal na kasulatan.
Mga paglalarawan ni Tim Bradford
Kailangan ng Simbahan ang kontribusyon ng lahat.
Kung ang Simbahan ay isang makina, ito ay magiging isang napakalaking makina na may maraming piyesa. Ang ilang mga piyesa ay mas nakikita at tila mas “mahalaga” kaysa iba, pero kahit ang maliliit na ngipin ng gulong o turnilyo ay may bahagi.
Sinabi ng Panginoon: “Samakatwid, ang bawat tao ay tumayo sa kanyang sariling katungkulan, at gumawa sa kanyang sariling tungkulin; at huwag sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan? Gayon din ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap” (Doktrina at mga Tipan 84:109–110).
Kailangan ng ating mga ward at branch ang mga taong magaling magsalita gayundin ang mga taong magaling makinig. Kailangan natin ng mga bishop at Relief Society president gayundin ng mga Sunday School secretary at nursery leader. Kailangan natin ng tahimik na mga tao, matatapang, nakakatawang tao, mga taong malungkot; mga introvert, extrovert, engineer, artist. Kailangan ng Simbahan ang iba’t ibang talento at kalakasan ng lahat.
Hindi mahalaga kung gaano “kaprestihiyoso” ang trabaho. Ang bawat tungkulin sa Simbahan ay mahalaga sa Panginoon.
Nasaan ang ‘mga banal na lugar’ na tatayuan?
Nang ihayag ng Panginoon na “ang digmaan [ay] ibubuhos sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 87:3), sinabi rin Niya sa mga Banal kung ano ang gagawin tungkol dito:
“Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag” [Doktrina at mga Tipan 87:8].
Ano ang “mga banal na lugar”? Mga templo, siyempre (kung karapat-dapat tayong pumasok). Ganoon din sa ating mga kapilya. Sinabihan na tayo ng ating mga lider na gawing banal din ang ating mga tahanan. Ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at pagkakasundo sa tahanan, pag-aaral ng ebanghelyo, at pag-anyaya sa Espiritu.
Pero ayaw ng Panginoon na palagi tayong nagtatago sa ating mga tahanan, kapilya, at templo. Nais Niyang ipalaganap natin sa mundo ang kagalakan at paglingkuran ang iba.
Kaya nga mayroon tayong Espiritu Santo: halos anumang lugar ay maaaring maging isang “banal na lugar” kung ang Espiritu ay makakapanahan doon.
Kabilang diyan ang ating mga silid-aralan, palaruan, opisina, kotse, waiting room, gym—kahit saan ka magpunta ay maaaring maging inspirasyon kung ikaw ay mapagpakumbaba, tapat, at totoo.
Siyempre, kailangan nating maging matalino at huwag maghanap ng negatibo o mapanganib na kapaligiran. Pero ang punto ng Panginoon ay hindi natin kailangang masyadong mag-alala tungkol sa mga kalamidad sa mga huling araw. Maaari tayong magpatuloy sa ating mga gawain—mag-aral, magtrabaho, maglibang, mabuhay—at mapoprotektahan pa rin tayo kung susundin natin ang patnubay ng Espiritu.
Ang kaunting dagdag na pag-ibig ay nakakatulong kapag kailangang sawayin ang iba.
Naranasan mo na bang sawayin ang taong mahal mo? Mahirap! Tulad ng karamihan sa mga bagay, maaari nating tingnan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ang Panginoon ay gumagawa ng sapat na pagsaway sa Doktrina at mga Tipan, pero laging may kaakibat itong pagmamahal.
Halimbawa, sa bahagi 93. Sina Joseph Smith, Frederick G. Williams, at Sidney Rigdon ay kailangang itama sa ilang bagay. Tinatawag sila ng Panginoon bilang “mga tagapaglingkod” (mga talata 41, 44, 45), pero pagkatapos ay nilinaw Niya: “o sa ibang salita, tatawagin ko kayong mga kaibigan, sapagkat kayo ay aking mga kaibigan, at makatatanggap kayo ng mana kasama ko” (talata 45). Kalaunan, tinawag ng Tagapagligtas ang buong grupo na Kanyang “mga kaibigan” (sa talata 51).
Bakit mahalaga ito? Masakit ang maparusahan, di ba? Nagpapakita ang Panginoon ng ibayong pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapaalala kay Joseph at sa iba na, sa kabila ng kanilang mga pagkakamali at kahinaan, sila ay Kanya pa ring mga kaibigan.
Kanyang mga kaibigan! Mga taong Gusto Niya at gustong makasama! Ganyan din ang nararamdaman Niya sa iyo. Lahat tayo ay Kanyang mga kaibigan.