Digital Lamang
Kagalakan, Pinarami: Isang Lesson tungkol sa Selestiyal na Matematika
Ang pagbabago sa takbo ng isip hinggil sa tagumpay at magandang kapalaran ng ibang tao ay maaaring magdulot sa iyo ng higit na kagalakan. At sa matematika ng Panginoon, ang ibig sabihin niyan ay himala ng pagpaparami.
Pag-usapan natin ang isang bagay na maaaring mas magpaganda at mas magpasaya sa iyong buhay.
Pero bago iyan, isipin muna kung ano ang gagawin mo sa sumusunod na sitwasyon:
Ang kaibigan mo ay sabik na sabik na nagsabi sa iyo na nakakuha siya ng perpektong marka sa kanilang pagsusulit sa matematika. Noon pa man ay gusto mo nang makakuha ng perpektong marka sa pagsusulit sa matematika, pero hindi pa iyon nangyari sa iyo. Ano ang magiging reaksiyon mo?
Sasabihin mo bang: (a) “Sana’y makakuha ako ng perpektong marka, pero hindi mahusay magpaliwanag ang guro ko” o (b) “Ayos! Siguradong nag-aral ka nang mabuti”?
Kung naisip mo ang, “Siyempre—(b),” nasa posisyon ka na para gawing mas masaya ang buhay mo at ang buhay ng iba. Pero baka hindi mo rin alam kung gaano karaming tao ang sasagot (a) kung sila ay tapat—at kung gaano kahirap (b) para sa kanila sa isang sitwasyon sa totoong buhay.
Kaya, narito ang isang susi sa mas mabuti at mas masayang buhay: Matutong maging tunay na masaya para sa tagumpay at magandang kapalaran ng iba.
Madalas nating marinig na dapat nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at dapat tayong maging mahabagin sa iba. Pero may dalawang panig sa pagkakaroon ng habag. Oo, dapat tayong “makiiyak [kasama ng] mga umiiyak” pero dapat din tayong “makigalak [kasama ng] mga nagagalak” (Roma 12:15). Ang paggawa nito ay maaaring mas magpasaya sa atin at gawin tayong mas mabubuting tao.
Kasaganaan bersus Kakapusan
Binigyan tayo ng Panginoon ng isang alituntunin na may kaugnayan sa materyal na mga bagay na angkop din sa iba pang mga bagay tulad ng kagalakan, papuri, at pagmamahal: “May sapat at matitira” (Doktrina at mga Tipan 104:17).
Dito itinuturo sa atin ng Panginoon ang pag-iisip ng kasaganaan (“May marami para sa lahat—at may matitira pa”) sa halip na isipin na may kakaunti lamang (“Hindi sapat ang mga bagay para sa lahat”).
Ang pagbabago ng takbo ng ating isip tungo sa kasaganaan ay maaaring magpabago nang malaki sa ating pag-uugali. Sa halip na magtago ng mga bagay para sa ating sarili, malaya tayong magbabahagi.
Totoo ito lalo na pagdating sa mga bagay na tulad ng kagalakan, papuri, at pagmamahal.
Siyempre, minsan nakikipagkumpitensya tayo sa iba para sa parehong bagay. Pero kahit ganoon, maaari pa rin tayong maging masaya para sa tagumpay ng iba at baka nga magkaroon pa tayo ng ibang pakahulugan sa ating sariling tagumpay. Para sa personal na kahulugan ng tagumpay, ang magandang paraan upang makapagsimula ay maaaring sa pagsasabi ng “Paggawa ng aking makakaya at pagkatuto mula sa mga pagkakamali at hamon.”
Hindi kawalan sa iyo ang tagumpay ng iba. Ang kagalakan mo ay hindi nababawasan kapag ang kagalakan ng ibang tao ay nadaragdagan. Hindi mauubos ang pinagmumulan ng kagalakan para sa lahat.
Selestiyal na Matematika
Ang “selestiyal na matematika” ng kagalakan ay hindi lamang pagdaragdag; tungkol ito sa pagdaragdag nang makailang ulit. Kung matututo tayong maging magsaya sa kagalakan ng ibang tao, hindi lang tayo basta nagdaragdag sa ating kagalakan; nagdaragdag tayo nang makailang ulit sa kagalakan ng ating sarili at ng iba.
“Ang tunay na kagalakan ay nadaragdagan nang makailang ulit kapag ibinabahagi ito.” Totoo iyan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo, at totoo ito sa pagiging tunay na masaya para sa iba kapag nagtatagumpay sila o nakatatanggap ng mga pagpapalang kailangan mula sa Diyos.
Pagsasaya sa Tipan
Para sa atin na nakipagtipan na sa Diyos, ang pagiging masaya para sa iba ay isang katangian ng puso na mula sa pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas at ang ikalawang dakilang utos: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39; Levitico 19:18).
Kapag gumagawa tayo ng mga tipan, tayo ay “nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Nagiging natural din na handa tayong magsaya kasama ang mga taong nagagalak sa magagandang bagay na nangyayari sa kanilang buhay.
Isang Pagsubok
Narito ang ilang mga katanungan na maaari mong itanong sa iyong sarili bilang pagsubok kung gaano ka kasaya para sa iba:
-
Kapag may nagtatagumpay o nakakakuha ng papuri, ano ang una mong naiisip? Ano ang nararamdaman mo tungkol dito?
-
Naiinggit ka ba kapag masaya ang iba tulad ng pagkainggit mo sa kanilang mga ari-arian? Sumasama ba ang loob mo?
-
Kapag nagbibigay ka ng reasksiyon, mas nagsasalita ka ba tungkol sa sarili mo o sa kausap mo?
Ang mga sagot mo sa mga tanong na ito ay maaaring makagawa ng malaking kaibahan sa lalim ng kagalakan na mararanasan mo (at ng mga taong nakapaligid sa iyo).
Kaya, gawing mas mabuti at mas masaya ang iyong buhay. Palalimin nang husto ang iyong kagalakan sa pamamagitan ng pagbibigay nito sa iba. Maging masaya para sa iba. Simple lang ito, at mabisa.