Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Halamanan, ang Krus, at ang Libingan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2025


Ang Halamanan, ang Krus, at ang Libingan

Matututo tayo mula sa mga lugar kung saan nagdusa ang Tagapagligtas para sa atin at sa lugar kung saan unang ipinaalam ang Kanyang tagumpay.

Jesucristo

Mga larawang-guhit ni Brian Call

Nang makipagtipon si Jesucristo sa Kanyang mga Apostol sa Silid sa Itaas sa Jerusalem, ginunita Niya ang mga nangyari noon pa at itinuro ang mga malapit nang mangyari.

Ipinagdiwang Niya ang Paskua. Ito ang pagdiriwang ng mga Judio sa pagkaligtas ng mga sinaunang Israelita mula sa mapanirang anghel at paglaya mula sa pagkaalipin sa Egipto. Inutusan din ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na kainin ang tinapay at inumin ang alak para alalahanin ang sakripisyong gagawin Niya. Ang lahat ng naunang paghahain at ordenansa (kabilang na ang Paskua) ay sumisimbolo sa sakripisyong ito (tingnan sa Alma 34:14; Moises 5:6–8).

mapa ng Jerusalem

Larawang-guhit ni Mike Hall

Sa mga oras matapos ang Kanyang mga karanasan sa Silid sa Itaas, nagpunta si Jesucristo sa ilang mahahalagang lugar. Kabilang dito ang isang halamanan, isang krus, at isang libingan. Habang sinisiyasat mo ang nangyari sa bawat isa sa mga sagradong lugar na ito, malalaman mo ang malawak na saklaw ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, gayundin ang napakapersonal na kahulugan nito para sa iyo.

si Jesucristo sa Getsemani

Ang Halamanan

Anong mahahalagang bagay ang nangyari doon?

Sa Halamanan ng Getsemani, nagsimula ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa atin.

Sa gabing ito, nagpunta ang Tagapagligtas sa halamanan kasama ang 11 sa Kanyang mga Apostol. Humiwalay Siya para manalangin at isinama Niya sina Pedro, Santiago, at Juan.

Nagsimula Siyang makaramdam ng matinding kalungkutan at pighati (tingnan sa Marcos 14:33–34). Nanalangin Siya, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42). Dumating ang isang anghel para patatagin Siya (tingnan sa Lucas 22:43). Habang nagdarasal Siya, pinagpawisan Siya ng “malalaking patak ng dugo” (Lucas 22:44; tingnan din sa Mosias 3:7) “sa bawat butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18).

Ang Tagapagligtas ay dumanas ng “mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan” (Mosias 3:7). Dumanas din Siya ng “mga hirap,” “mga sakit,” at lahat ng uri ng “mga kahinaan” (Alma 7:11–12). Nagdusa Siya “kapwa sa katawan at sa espiritu” (Doktrina at mga Tipan 19:18).

Nang tila lumipas na ang matinding pagdurusang ito, dumating si Judas sa halamanan na kasama ang mga pinunong Judio at isang pangkat ng mga sundalo. Ipinagkanulo ni Judas ang Tagapagligtas. Dinakip si Jesucristo at inilayo para ipahiya at pahirapan.

Ano ang ibig sabihin nito para sa iyo?

Ang Tagapagligtas ay “pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” (Doktrina at mga Tipan 19:16; idinagdag ang diin). Dahil kay Jesucristo, maaari kang magsisi at makalaya mula sa pagdurusang dulot ng kasalanan.

Bukod pa riyan, dinanas ni Jesucristo ang lahat ng bagay na ito “upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Alam ni Jesucristo ang nadarama mo. Matutulungan ka Niya sa bawat sitwasyon mo sa buhay, sa anuman na iyong pinagdurusahan, sa bawat kahinaan.

mga krus sa ibabaw ng isang burol

Ang Krus

Anong mahahalagang bagay ang nangyari doon?

Sa krus, ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa atin ay nagpatuloy—at natapos. Ang pinakamahalaga, dumanas Siya ng kamatayan doon.

Matapos paghahampasin at ipahiya ng mga sundalong Romano, dinala si Jesucristo sa Golgota na pasan ang Kanyang krus. Siya ay ipinako sa krus at itinaas para ibitin doon nang ilang oras.

Siya ay kinutya sa maraming paraan: Isang karatula ang inilagay sa itaas Niya na nagsasabi na Siya ang Hari ng mga Judio. Sinabihan Siyang iligtas ang Kanyang sarili. Nang Siya ay mauhaw, inalok Siya ng suka na maiinom.

Kalaunan, dumaing si Jesucristo, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46; tingnan sa Mga Awit 22:1). Pagkatapos ay sumigaw Siya nang malakas: “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu” (Lucas 23:46). “Natupad na” (Juan 19:30).

Namatay Siya (ibig sabihin, nilisan ng Kanyang espiritu ang Kanyang mortal na katawan), at natapos ang Kanyang mortal na buhay. Nayanig ang lupa. Kalaunan, tinusok ng sibat ng isang sundalong Romano ang Kanyang tagiliran. Pagkatapos ay ibinaba ang katawan ni Jesus mula sa krus.

Ano ang ibig sabihin nito para sa iyo?

Ang mga tao ay “[hinagupit] siya, at [tiniis] niya ito; at kanilang [sinampal] siya, at [tiniis] niya ito. Oo, kanilang [niluraan] siya, at [tiniis] niya ito, dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao” (1 Nephi 19:9). Nagdusa ang Tagapagligtas dahil mahal ka Niya.

Si Jesucristo ay “itinaas … sa krus at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (1 Nephi 11:33).

Itinuro Niya, “At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin” (3 Nephi 27:14). Si Jesucristo, na itinaas sa krus, ay inilalapit ka sa Kanya, upang madaig mo ang kamatayan at kasalanan.

libingan

Ang Libingan

Anong mahahalagang bagay ang nangyari doon?

Ang libingang walang laman ay nagpahayag ng tagumpay ng Tagapagligtas laban sa kamatayan. At unang nagpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa isang tao roon.

Ang bangkay ni Jesucristo ay dinala roon, ibinalot, inihimlay sa libingan, at tinakpan. Naglagay ng mga bantay sa libingan para matiyak na hindi nakawin ng Kanyang mga alagad ang bangkay at sabihin na nagbangon Siya mula sa mga patay.

Sa umaga ng ikatlong araw matapos Siyang ilibing, nagpunta ang mga babae sa libingan para ihanda ang bangkay. Pagdating nila roon, may nag-alis ng bato sa pintuan, at walang laman ang libingan. Sabi ng isang anghel, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?” (Lucas 24:5). “Wala siya rito; sapagkat siya’y binuhay, tulad ng sinabi niya” (Mateo 28:6). Inialay ni Jesucristo ang Kanyang buhay, pero dahil Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos, na may banal na kapangyarihan, Siya ay nabuhay na muli.

Sa halamanan sa labas ng libingan, unang nagpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon kay Maria Magdalena, na umiiyak. Sabi Niya rito, “Pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos” (Juan 20:17).

Ano ang ibig sabihin nito para sa iyo?

“Ang kamatayan ni Cristo ang magkakalag ng mga gapos ng temporal na kamatayang ito, na ang lahat ay magbabangon mula sa temporal na kamatayang ito” (Alma 11:42; idinagdag ang diin). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay nagbibigay-daan sa iyo na mabuhay na mag-uli.

“Ang espiritu at elemento, hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pinahintulutan tayo ni Jesucristo na magdanas ng kagalakang hindi sana natin mararanasan.

Alalahanin Siya

Kapag iniisip mo ang halamanan, ang krus, at ang libingan, alalahanin ang Tagapagligtas, ang Kanyang pagmamahal, at ang Kanyang kapangyarihan. Tandaan na Siya ay bumaba sa lupa para maging mortal na katulad mo. Alalahanin na Siya ay nagdusa nang higit pa sa matitiis ng sinuman—at ginawa Niya iyon para sa iyo. Alalahanin na Siya ay itinaas sa kahihiyan at pighati upang maiangat ka Niya sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. At alalahanin na ang libingang walang laman ay tanda ng ating pag-asa para sa kaganapan ng kagalakan. Alalahanin Siya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Getsemani.”

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Golgota.”