Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mas Malaki ba ang Inaasahan Mo sa Iyong Sarili Kaysa sa Inaasahan ng Tagapagligtas?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2025


Mas Malaki ba ang Inaasahan Mo sa Sarili Mo Kaysa sa Inaasahan ng Tagapagligtas?

Para sa mga kabataang nahaharap sa perpeksyonismo o pagiging mapag-alinlangan sa relihiyon.

si Jesucristo na may kasamang isang dalagita

Nadarama mo ba na nabibigo ka sa pamumuhay ng ebanghelyo? Tulad ng hindi kailanman magiging sapat ang iyong kabutihan? Hinihiling sa atin ng Ama sa Langit na sundin ang mga kautusan at gumawa at tumupad ng mga tipan. Pero hindi Niya tayo inaasahan na gawin nang perpekto ang mga bagay na iyon. Sa katunayan, alam Niya na hindi natin iyon magagawa. Kaya Niya isinugo ang Tagapagligtas.

Sagutin ang mga tanong sa artikulong ito, na iniisip kung mas malaki ang inaasahan mo sa iyong sarili kaysa sa inaasahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Madalas ka bang mag-alala kung sapat ang iyong pagkamarapat?

  • Oo

  • Hindi

  • Siguro

Mga Halimbawa: Pagtatapat ng maliliit na kasalanan o mga kasalanang ipinagtapat mo na dati. Pagdududa na hindi ka makararating sa kahariang selestiyal. Pagkatakot na magkaroon ng “masasamang iniisip” o pagiging “masamang tao.” Pag-iisip na hindi sapat ang katatagan ng iyong pananampalataya at patotoo.

Ang pagiging marapat ay hindi nangangahulugan ng hindi paggawa ng mga pagkakamali kailanman. Ito ay hindi nangangahulugan ng pagiging ganap na matwid sa lahat ng oras. Ito ay talagang nangangahulugan na sinisikap mong ipamuhay ang iyong mga tipan at umasa sa Tagapagligtas. Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Magtiyaga sa sarili mo. Hindi ka [m]agiging perpekto sa buhay na ito kundi sa kabilang-buhay.”

Pakiramdam mo ba ay hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos?

  • Oo

  • Hindi

  • Siguro

Mga Halimbawa: Pag-iwas na manalangin dahil sa tingin mo ay ayaw makarinig ng Diyos mula sa iyo. Pananatiling malayo sa templo dahil pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat. Nahihirapan sa pangkalahatang kumperensya o sa mga miting ng simbahan dahil nakokonsiyensya ka roon.

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.” Anuman ang nagawa mo, palagi kang minamahal ng Ama sa Langit. Palagi. Ayaw Niya na manatili kang nakadarama ng kahihiyan o kawalan ng pag-asa. Siya ay iyong Ama! Nais Niyang lumapit ka sa Kanya, para makasumpong ng kapayapaan at pag-asa.

Sa palagay mo ba ay hindi ka sakop ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Oo

  • Hindi

  • Siguro

Mga Halimbawa: Pakiramdam na maililigtas ng kapangyarihan ng Tagapagligtas ang lahat maliban sa iyo. Pag-iisip na kailangan mong paghirapan ang iyong daan paakyat sa langit.

Sabi ni Moroni, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32, idinagdag ang diin; tingnan din sa Alma 26:12). Ang pagiging sapat ang kabutihan sa iyong sarili ay hindi posible kailanman. Pero maaari na maging sapat ang kabutihan mo kay Jesucristo. Manampalataya na maililigtas ka ng Tagapagligtas.

Sa palagay mo ba kailangang sundin ang mga kautusan nang “tama lang”?

  • Oo

  • Hindi

  • Siguro

Mga Halimbawa: Pagdarasal na may mga checklist ng mga bagay na “kailangan” mong sabihin. Pag-aayuno nang mas mahaba o mas madalas kaysa inaasahan. Pagbabayad ng higit pa sa 10 porsiyento sa ikapu. Pakiramdam na kailangan mong pag-aralan ang ebanghelyo nang “tama lang” o sa loob ng ilang oras o kung hindi ay walang kuwenta ito.

Tandaan, ang mga kautusan ay ibinibigay sa atin mula sa mapagmahal na Ama sa Langit para sa ating ikabubuti. Maghanap ng mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan sa halip na punahin kung lubos mo bang ipinamumuhay ang mga iyon.

Kaya? Mas malaki ba ang inaasahan mo sa iyong sarili kaysa sa inaasahan ng Tagapagligtas?

Kung tinamaan ka sa artikulong ito, maaaring napakataas ng mga inaasahan mo sa iyong sarili. Hindi inaasahan ng Tagapagligtas na maging perpekto ka—inaasahan Niya na patuloy kang magsisikap at magsisisi kapag nagkakamali ka. Siya ang nagliligtas sa atin at ginagawa tayong perpekto. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Ang aking biyaya ay sapat na sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 17:8).

Mahal ka ng Ama sa Langit. Ang Tagapagligtas ang iyong tagapagtanggol. Pareho Nilang gustong makauwi ka sa Kanila.