Para sa Lakas ng mga Kabataan
Tulong mula kay Jesucristo: Ang Kung Bakit at Kung Paano
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2025


Tulong mula kay Jesucristo: Ang Kung Bakit at Kung Paano

Unawain kung bakit si Jesucristo ang sagot at kung paano ka Niya tinutulungan.

Jesucristo

Larawang-guhit ni Dan Wilson

“Parang lagi akong nagkakamali. Mahirap ang patuloy na magsikap.”

“Mahirap ang sitwasyon ko. Hindi ako sigurado kung paano magpapatuloy.”

“Nag-aalala ako tungkol sa hinaharap. Hindi ko alam kung mayroon akong kakayahang magtagumpay.”

“Pagod na ako, pero marami pa ring dapat gawin.”

Nakakaugnay ka ba sa alinman sa mga problemang ito? Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo” (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2023 [Liahona, Mayo 2023, 127]).

Madaling sabihing, “Si Jesucristo ang sagot.” Kailangan ng kaunting pagsisikap para maunawaan kung bakit at kung paano naging Siya ang sagot.

Bakit si Cristo ang Sagot?

Nang tiisin Niya ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may tatlong mahalagang bagay na ginawa ang Tagapagligtas:

  1. Dinaig Niya ang kamatayan, na nagpapahintulot sa atin na mabuhay na mag-uli.

  2. Siya ang nagbayad para sa lahat ng kasalanan, kaya naging posible para sa atin ang magsisi, umunlad, at bumalik sa Diyos. Tinutulungan din tayo niyan na patawarin ang iba kapag nagkasala sila, dahil dinala ni Cristo sa Kanyang sarili ang kanilang mga kasalanan.

  3. Nagdanas Siya ng lahat ng pasakit, hirap, tukso, sakit, at kahinaan (tingnan sa Alma 7:11–13). Ibig sabihin, alam Niya kung paano ka tutulungan at pagagalingin at mapapalakas ka para tiisin ang mga pagsubok at sikaping maging mas mabuti.

Pumili ng anumang problema, at maaari mong ikonekta ang solusyon pabalik sa isa o mahigit pa sa tatlong katotohanang iyan.

Karukhaan? Dahil naranasan ni Jesucristo ang lahat ng bagay, alam Niya kung ano talaga ang pakiramdam niyan. Hindi Niya laging inaalis ang balakid, pero mapapalakas Niya ang mga taong nagpapasan niyon (tingnan sa Mosias 24:15).

Kabiguan? Dahil dinaig ni Cristo ang kasalanan, hindi kailangang maging permanente ang ating mga kabiguan. Kabilang sa pagsisisi ang pagpapakabuti at pagiging higit na katulad ng taong alam Niyang maaari nating kahinatnan.

Sakit? Dahil dinaig Niya ang kamatayan, tayo ay mabubuhay na mag-uli na may perpektong katawan na hindi daranas ng sakit at kirot. Si Cristo rin ay “[dinala] sa kanyang sarili … ang mga sakit” (Alma 7:11), kaya Siya ang perpektong tao na magbibigay ng kapanatagan at suporta.

Paano Tumutulong si Cristo?

Pero kahit alam natin kung bakit ang Tagapagligtas ang sagot (dahil sa kung sino Siya at kung ano ang nagawa Niya para sa atin), kailangan pa rin nating malaman kung paano tayo makakukuha ng tulong at lakas mula sa Kanya. Narito ang ilang paraan:

Panalangin. Sa pamamagitan ng pagdarasal sa pangalan ni Jesucristo, ang di-perpektong mga taong tulad natin ay maaaring makipag-usap sa isang perpektong Diyos. Maaari tayong manalangin para sa lakas na kailangan natin sa anumang sitwasyon, at sasagot ang Diyos—hindi palaging sa paraang gusto o inaasahan natin, kundi sa paraang magpapala sa atin. Totoo ang paanyaya ng Tagapagligtas: “Humingi, at kayo’y makatatanggap” (Juan 16:24; 3 Nephi 27:29; Doktrina at mga Tipan 4:7).

Ang Kaloob na Espiritu Santo. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay nagkakaisa sa layunin. Nagtutulungan Sila! Anumang oras ka makadama ng patnubay o kapanatagan mula sa Espiritu Santo, maaari mo ring unawain iyan bilang pagtulong sa iyo ni Cristo.

Pagtupad ng mga Tipan. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang katagang landas ng tipan ay tumutukoy sa pagkakasunud-sunod ng mga tipan na naglalapit sa atin kay Cristo at nag-uugnay sa atin sa Kanya. Sa nagbibigkis na tipan na ito, maaari nating matamo ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2023 [Liahona, Mayo 2023, 36]).

Biyaya. Kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisisi, maaari tayong tumanggap ng karagdagang tulong at lakas (tinatawag ding biyaya) na isakatuparan ang mga bagay na hindi natin kayang gawing mag-isa (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”). Ang lakas, o biyaya, na ito ay maaaring dumating sa maraming paraan: mula sa Espiritu Santo, isang kaibigan, isang estranghero, isang damdamin. Higit sa lahat, anumang mabuti ay nagmumula kay Cristo (tingnan sa Moroni 7:22). Kapag makasumpong ka ng kaunti pang pasensya, kaunti pang sigla, kaunti pang lakas na magtiis, kilalanin iyan bilang pagtulong sa iyo ni Cristo.

Tandaan Kung Bakit at Kung Paano

Kaya sa susunod na mangailangan ka ng sagot sa isang tanong o problema, umasa kay Cristo. Tandaan na dahil sa Kanyang tagumpay laban sa kasalanan, kamatayan, at lahat ng iba pang hamon sa mortalidad, walang imposible. Hanapin kung paano ka Niya mapagpapala, at makikita mo ang Kanyang impluwensya sa iyong buhay. Mahal na mahal ka Niya!