Digital Only: Mga Boses ng Kabataan
Pahinga mula sa Ballet
Noong nakaraang taon, nagbago ang mga aktibidad ko sa ballet dahil nahirapan ako sa ilang mga hamon sa kalusugan. Delikado talaga sa akin na sumayaw dahil mahina ang puso ko. Kailangan kong magpahinga at makabawi.
Sobrang nakakapanghina ng loob ang panahong iyon. Hindi lamang sa hindi ako maaaring sumayaw, kundi pinayuhan akong umiwas sa anumang pisikal na paggalaw sa pangkalahatan, kabilang na ang pag-stretch, pagbubuhat ng mabibigat, o kahit ang paglalakad na hindi naman kailangan. Bilang dancer o mananayaw, ang pagpapahinga ay tila imposible. Kahit nga isang linggo akong magpahinga ay nanghihigpit pa rin ang mga kalamnan ko. Hindi ko maisip na mahigit isang buwan akong magbabakasyon.
Pisikal at Espirituwal na Tulong
Umasa ako na makababalik ako sa pagsasayaw kapag dumating ang bagong school year sa taglagas. Pero pagdating nito, nagpapagaling pa rin ako. Noong Setyembre, matapos magdasal nang madalas, ginawa ko ang lubhang nakakatakot na desisyon na pumunta sa isang klinika na tutulong sa aking kalusugan.
Nagsimula rin akong dumalo sa seminary. Magandang paraan ito para simulan ang araw ko, na nakatuon nang husto sa ebanghelyo. Hindi pa ako nagkaroon ng magagandang gawi sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang paglalaan ng oras na iyon sa bawat araw para magtuon sa mga banal na kasulatan ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas matatag na relasyon sa Diyos.
Krisis sa Pagkakakilanlan
Bago pa ako nagkaroon ng mga hamon sa kalusugan, gumugol ako ng napakaraming oras sa pagsasayaw kaya doon umikot ang aking identidad o pagkakakilanlan. Nang mawala ito [ang pagsasayaw] sa mahirap na panahon, ang pakiramdam ko ay naliligaw ako at may kulang sa pagkatao ko. Pero napansin ko na habang mas nag-aaral ako sa seminary, nagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, at pinaliligiran ang aking sarili ng ibang mga kabataang gumagawa rin nito, lalo kong napalakas ang aking identidad o pagkatao bilang anak ng Diyos. Matapos ang matagal na pakiramdam na naliligaw ako, talagang nakatulong ito sa akin na makahanap ng pag-asa at kabuluhan.
Malaking tulong sa akin ang isang konseptong patuloy na pinag-uusapan sa seminary class ko. Ang konseptong ito ay kung paano tayo pinatitibay ni Cristo sa panahon ng ating mga pagsubok. Bawat klase, hinikayat kami ng seminary teacher ko na magsulat sa mga sticky note na tungkol sa isang bagay na “makikintal sa aming isipan.” Kapag binabalikan ko ito, ang lahat ng aking sticky note ay nakatuon kay Cristo na nariyan para sa akin at pinagpapala ako sa aking mga pagsubok. Parang nakakatanggap ako ng paalala araw-araw na nariyan si Cristo para tulungan ako.
Isang Anak ng Diyos
Pagkatapos ng napakahabang anim na buwan, sa wakas ay may medical clearance na akong bumalik sa pagsasayaw. Noong una, kinabahan talaga ako dahil parang nawalan ako ng lakas. Patuloy akong nagsikap, nagdasal, nagsimba, at umasang kung gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, tutulungan ako ng Tagapagligtas. Pagbalik ko, bagama’t hindi na ako kasing lakas ng dati, pinuri ng guro ko ang lakas ko. Sinabi niya na ipinagmamalaki niya ako at ang aking pag-unlad.
Kahit nahirapan ako nang husto, nagpapasalamat ako na naging pagkakataon ang mga hamon ko sa kalusugan para palakasin ang aking relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at mahanap ang aking identidad bilang anak ng Diyos.
Sa sinumang may mahirap na pinagdaraanan, dapat ninyong malaman na may mga tao sa paligid ninyo na palaging sumusuporta sa inyo, nakikita niyo man o hindi. Ikaw ay anak ng Diyos. Kahit hindi natin nakikita si Jesucristo o ang Ama sa Langit, binabantayan at pinoprotektahan Nila tayo. May plano ang Ama sa Langit para sa atin. Kung minsan, maaaring hindi ninyo nararanasan ang gusto ninyo, pero ang mga pagsubok ninyo ay makakatulong sa inyo na lumakas.
May patotoo ako na kung mananalangin tayo at magkakaroon ng kaugnayan sa Diyos, nariyan Siya para gabayan, tulungan, at palakasin tayo.
Logan B., edad 15, Oregon, USA
Mahilig sa ballet, palaging kasama ang pamilya at mga kaibigan, at naglilingkod.